• October 29, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 3rd, 2024

Upang maging ganap na batas: PBBM, tinintahan ang VAT on foreign digital services

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PORMAL nang tinintahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Value Added Tax on Digital Services o ang Republic Act No. 12023 na nagpapataw bg 12% VAT sa mga non-resident digital service providers para makakuha ng dagdag na revenue o kita ang gobyerno.

 

Ginawa ang ceremonial signing ng Republic Act 12023 sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang.

 

”We are not imposing new taxes, we are simply strengthening the authority and streamlining the process of the BIR to collect value-added tax on digital services,” ang paglilinaw ng Pangulo sa naging talumpati nito.

 

”This includes digital media, digital music, digital video, video-on-demand, and digital advertising. Local businesses and international digital platforms now compete on equal terms. We no longer will be playing by different sets of rules,” aniya pa rin.

 

Ang VAT on digital services ay nakikita para i-level ang larangan sa pagitan ng traditional businesses lalo na sa mga hindi magawang lumipat sa digital platform at ang nature ay hindi kayang lumipat sa digital platform at digital businesses.

 

Kabilang sa mga traditional businesses ay ang restaurants at retail stores, habang kabilang naman sa digital businesses ay ang Netflix, Google, at iba pang online marketplace.

 

Layon ng bagong nilagdaan batas ang palakasin at i-streamline ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para mangolekta ng VAT sa digital services sa pamamagitan ng pagbibigay ng hakbang kung paano ang digital service platforms ay makasusunod sa VAT requirements na ipinatutupad ng Tax Code.

 

Noong Hunyo, inaprubahan ng mga mambabatas ang pinagsamang bersyon ng House Bill 4122 at Senate Bill 2528 sa idinaos na bicameral conference.

 

Pinagsama ang bersyon ng mga batas na naglalayon na patawan ng 12% VAT ang digital transactions ng mga non-resident digital service providers.

 

Sa ulat, sa ilalim ng panukala ay papatawan ng 12 percent na VAT ang mga transaksyon na ginagawa ng mga Pilipino online mula sa mga nonresident digital service provider.

 

Aamyendahan nito ang ilang mga provision mula sa National Internal Revenue Code (NIRC) na magsasaayos ng pagkolekta ng buwis para mas lalong makatulong sa ekonomiya ng bansa.

 

Ayon kay Senate President Francis Escudero, gagawing patas ng panukala ang ‘playing field’ para sa mga local at foreign digital service providers.

 

“Lahat ng negosyo, malaki man o maliit, ay nagbabayad ng buwis. Hindi naman yata makatarungan na ang mga higanteng negosyante na hindi naka-base sa Pilipinas pero kumikita ng malaki sa pagbenta ng kanilang mga serbisyo sa mga Pilipino ay hindi sakop ng parehas na buwis,” paliwanag ng senador.

 

Kabilang sa mga serbisyong lalagyan na ng buwis ay ang online search engine, online market place o e-market place, cloud services, online streaming at download media, pati na rin ang advertising.

 

Tinatayang P83.8 billion ang maibibigay na revenue sa Pilipinas ng panukala sa oras na maisabatas sa loob ng 2024 hanggang 2028.

 

Magugunitang, inihain noong Enero ni Senator Sherwin Gatchalian, Committee on Ways and Means Chairman, ang naturang panukala kasama si Senator Pia Cayetano. (Daris Jose)

Senator Imee Marcos, naghain na rin ng COC

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAIN na rin ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Senator Imee Marcos sa ikalawang araw ng COC filing sa The Manila Hotel Tent City,Oktubre 2.

 

 

Si Sen.Imee na pag-19 na sa mga Senador na naghain ng COC, sa ilalim ng dating Partido Nacionalista at hindi kaalyado ng anumang pangkat, sektor o grupo .

 

 

“Pumila ako sa ilalim ng dating partido nationalista, hindi kaalyado ng anumang pangkat sektor grupo. Tinataya kong mananatiling malaya at matatag”, pahayag ni Sen. Marcos sa media interview .

 

 

Paliwanag ng senadora, minabuti niyang hindi na makipag-alyado dahil baka magkaroon ng kulay .

 

Bagama’t hindi nakipag-alyado ang senadora sa administrasyon o sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, inihayag nito na suportado at naiintindihan pa rin naman aniya siya ng Pangulo.

 

Sa katanungan naman kung tatanggapin nito ang posibleng endorsement ni VP Sara Duterte– sinabi ng senadora na hindi pa nila mapapag-usapan ito dahil pinili niya maging malaya at matatag at piliin ang Sambayang Pilipino na nagbigay ng mainit na suporta sa kanyang muling pagtakbo .

 

 

Nagpasalamat din ito sa kanyang ina na si dating first lady Imelda Marcos dahil sinamahan siya sa kanyang paghahain ng kanyang kandidatura.

 

“Inaasahan ko yung suwerte at wisdom niya sa pulitika ay mapasaatin”, ani Send.Imee.

 

Kasama rin ang kanyang anak na si Borgy Manotoc sa kanyang pagsusumite ng kanyang kandidatura. GENE ADSUARA

42 grupo bilang partylist at koalisyon, pinapakansela ng Comelec

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ng Commission en banc ang pagkansela sa registration at pagtanggal sa listahan ang 42 grupo bilang Partylist at koalisyon.

 

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sa desisyon ng en banc ngayong araw , natuloy na bigong lumahok sa nagdaang dalawang eleksyon ang 11 organisasyon.

 

Bigo namang makakuha ng dalawang porsyiemto ng boto sa Partylist system at nabigong makakuha ng puwesto sa nakalipas na dalawang halalan ang 31 grupo o organisasyon .

 

Kabilang sa mga grupong ito ang 1-CARE o 1st Consumers Alliance for Rural Energy Inc, Butil Farmers Party, PLM o Partido Lakas ng Masa, NACTODAP o National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Phils, PDDS o Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan at PRAI o Phil National Police Retirees Inc.

 

Hinihiling naman ng Office of the Secretary to the Commission sa pamunuan ng COMELEC na mailathala ang resolusyon sa mga pahayagan at comelec website. GENE ADSUARA

Kelot tinodas ng riding-in-tandem sa Malabon

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DUGUANG humandusay ang katawan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo habang nakatayo sa harapan ng inuupahang apartment sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

 

 

Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “Gob”, kilala rin sa alyas “Ka Rodel” matapos isugod ng kanyang mga kalugar.

 

 

Mabilis namang tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasabuwat patungo sa hindi nabatid na lugar, bitbit ang ginamit na hindi pa batid na kalibre ng baril.

 

 

Sa ulat nina P/MSgt. Michael Oben at P/SSgt. Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, habang nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang tinitirhang apartment sa16-F Villarba St. Brgy Tinajeros nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo dakong alas-8 ng gabi.

 

 

Kaagad umanong naglabas ng baril ang angkas at pinagbabaril ang biktima sa katawan na nasaksihan ng 26-anyos na testigo na residente rin sa naturang lugar.

 

 

Nakuha sa lugar na pinangharihan ng krimen ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) ang walong basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

 

 

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at maaresto ang mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang sa biktima. (Richard Mesa/ Ludwig Lechadores)

10 miyembro ng Aegis Juris fraternity hinatulang guilty dahil sa pagkasawi ni Atio Castillo

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAHATULAN ng guilty sa korte ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na siyang nasa likod ng pagkasawi ni Horacio “Atio” Castillo III.

 

 

Ang freshman law student ng University of Santo Tomas (UST) ay nasawi dahil sa labis na pagkakabugbog sa katawan nito sa isinagawang hazing ng fraternity noong 2017.

 

Kinilala ang mga napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” ng Manila Regional Trial Court Branch 11 sina Marcelino Bagtang Jr, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Ralph Trangia, Joshua Joriel Macabali, Oliver John Audrey Onofre, Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan at Axel Munro Hipe.

 

 

Ang nasabing mga 10 katao ay hinatulang makulong ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.

 

 

Inatasan din ng korte na magbayad ang mga ito sa naulila ni Castillo ng P461,800 para sa actual expenses, P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages at P75,000 bilang exemplary damages.

 

 

Ang nasabing halaga ay kikita ng interest rate ng 6% per annum hanggang maisapinal ang decision at ito ay mabayaran ng buo.

 

 

Mula pa noong Mayo 2018 ay nakakulong na ang 10 akusado sa Manila City Jail.

 

 

Ang unang paghatol ay naganap noong 2019 kung saan si John Paul Solano na siyang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital ay napatunayang guilty ng obstruction of justice ng Manila Metropolitan Court Branch 14 na siya ay hinatulang makulong ng hanggang apat na taon.

 

 

Magugunitang noong Setyembre 16, 2017 ng pumasok sa fraterntiy si Castillo.

 

 

Isinagawa ang initation rites sa Sampaloc, Manila kung saan kinabukasan ay nasawi ito dahil sa hindi na nakayanan ng katawan nito ang mga pasa sa katawan. (Daris Jose)

Maayos at mapayapa ang paghahain ng kandidatura para sa midterm polls… COC filing umarangkada, pero matumal pa

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

UMARANGKADA na October 1, Martes ang filing ng Certificates of Candidacy (COC) para sa nalalapit na May 2025 National and Local Elections (NLE) sa bansa.

 

 

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, base sa isinagawa nilang monitoring sa sitwasyon ay naging maayos at mapayapa naman ang unang araw ng paghahain ng kandidatura para sa midterm polls.

 

 

Gayunman, matumal pa aniya ito dahil marami pa ang nakikiramdam habang sa ibang araw pa planong maghain ng COC ng ibang kandidato.

 

 

“Sa monitoring natin sa buong NCR, sa ibang parte ng ating bansa, maayos ang nagiging filing ng COC,” ani Garcia, sa isang ambush interview.

 

 

Tiniyak din naman ni Garcia na sapat ang ipinatutupad nilang seguridad sa COC filing sa iba’t ibang lugar.

 

Nabatid na isinagawa ang COC filing mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

 

 

Sa pagka-senador, kabilang sa mga unang naghain ng kandidatura sina Wilbert Lee, incumbent Agri party-list representative; David Chan, sustainability advocate; Ale­xander Encarnacion na isang electrician-carpenter; Joey Montemayor, na dating presidential candidate; Felipe Fernandez Montealto Jr., 44, na pinakabata umanong senatorial aspirant; Janice Padilla, dating teacher at scholarship coordinator at Sen. Francis Tolentino.

 

 

Para naman sa party-list, naghain ng kandidatura ang Bumbero ng Pilipinas at Kabayan.

 

 

Sa congressional race naman, nakapaghain na ng kandidatura si House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.

 

Ilang kandidato na rin sa local positions, kabilang na ang pagka-gobernador, bise-gobernador, pagka-alkalde, bise alkalde at konsehal ang naghain ng kanilang kandidatura.

 

 

Magtatagal ang COC filing hanggang sa Oktubre 8, 2024. (Daris Jose)

Ads October 3, 2024

Posted on: October 3rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments