ISINIWALAT ng Social Weather Stations (SWS), isang non-commissioned survey para sa third quarter ng 2024 ang pagtaas ng involuntary hunger sa hanay ng pamilyang Filipino kumpara sa second quarter.
Base sa resultang ipinalabas ng SWS, araw ng Martes, Oct. 17, may 22.9% ng pamilyang Filipino ang napaulat na nakararanas ng involuntary hunger—tumutukoy bilang ‘pagiging gutom’ o ‘gutumin’ at walang makain kahit na isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Makikita na 5.3-point ang itinaas mula sa 17.6% na naitalang noong June 2024. Ito rin ang pinakamataas na rate mula ng 30.7% na naiulat sa panahon ng Covid-19 lockdowns noong September 2020.
Nakapagtala naman ang Mindanao ng pinakamataas na hunger rate na may 30.7%, sinundan ng Visayas na may 26%, Metro Manila na may 21.7% at Balance Luzon (Luzon sa labas ng Metro Manila) na may 18.1%.
“This is a notable shift from the second quarter of 2024 when Metro Manila had the highest hunger incidence,” ayon sa ulat.
Sa kabilang dako, iniuugnay naman ng SWS ang kabuuang 5.3-point na pagtaas mula June hanggang September sa mabilis na pagtaas sa Mindanao (mula 15.7% ay naging 30.7%) at Visayas (mula 13.7% na naging 26%), sinamahan ng bahagyang pagtaas sa Metro Manila (mula 20% na naging 21.7%) at bahagyang pagbaba sa Balance Luzon (mula 19.6% ay naging 18.1%).
Tinukoy naman ng SWS na ang 22.9% hunger rate nito lamang September ay kinabibilangan ng 16.8% ng pamilyang nakararanas ng “moderate hunger” at 6.1% ang nahaharap sa “severe hunger.”
Ang Moderate hunger ay tumutukoy sa mga nakararamdam ng pagkagutom “only once or a few times” sa nakalipas na tatlong buwan habang ang severe hunger naman ay tumutukoy sa nakaranas ng pagkagutom na “often or always.”
Mula June hanggang September, tumaas ang moderate hunger ng 16.8% mula sa 12.8% habang ang severe hunger ay tumaas ng 6.1% mula 4.9%.
Sa Metro Manila, nananatili namang steady ang moderate hunger sa 13.3% habang ang severe hunger ay tumaas ng 8.3% mula 6.7%.
Sa Balance Luzon, ang moderate hunger ay bumaba sa 13% mula sa 14.5% habang ang severe hunger ay nanatili naman sa 5.1%.
Sa Visayas, sumirit ang moderate hunger sa 20% mula sa 10.7% habang ang severe hunger ay tumaas sa 6% mula sa 3%.
Sa Mindanao, tumaas ang moderate hunger sa 24% mula sa 10.7 %n habang ang severe hunger ay tumaas sa 6.7% mula sa 5%.
Samantala, ang SWS survey ay isinagawa mula Sept. 14 hanggang 23 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults na may edad na 18 at pataas sa buong bansa. (Daris Jose)