ISINELDA ang 59-anyos na mister matapos matiyempuhan ng pulisya na may bitbit na improvised gun at makuhanan pa ng shabu sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa tinanggap na report ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas mula sa Caloocan City Police Station, habang nagsasagawa ng Anti-Criminality foot patrol ang mga tauhan ng Camarin Police Sub-station 10 (SS10) sa San Vicente Ferrer St., Brgy. 178
Dito, naispatan ng mga pulis ang isang lalaki kinakalas umano ang bitbit na isang improvised firearm (pen-gun) habang naglalakad dakong alas-2:30 ng madaling araw kaya nilapitan nila ito.
Gayunman, nang mapansin ng suspsek ang presensya ng mga pulis ay tumakbo ito para tumakas subalit, hinabol siya ng mga parak hanggang sa makorner at maaresto.
Kinumpiska sa suspek na si alyas Julius, 59, ang improvised gun na may isang bala ng caliber .38 at nang kapkapan ay nakuha pa sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 10.4 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P70,720.
Kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)