• November 21, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 23rd, 2024

Mga kapatid ni Carlos Yulo nasa Japan na para sa training

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NASA Japan na ngayon ang dalawang kapatid ni double Olympic gold medalist Carlos Yulo na sina Eldrew at Elaiza.

 

 

Ang dalawa ay sumasailalim sa pagsasanay ni Japanese coach Munehiro Kugiyama.

 

 

Sinabi ng kanilang ina na si Angelica na nasa training camp na sila ni Coach Mune at naghahanap na rin ang nasabing coach ng sponsors.

 

 

Una ng sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion na plano nilang isabak ang magkakapatid sa Los Angeles Olympics sa 2028.

LeBron James nananatiling highest-paid NBA player ng Forbes

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

HAWAK pa rin ni Los Angeles Lakers star LeBron James ang may titulong highest paid na manlalaro sa NBA.

 

 

Ayon sa Forbes, na ito na ang pang-11 na taon na hawak ni James ang nasabing titulo.

 

 

Ngayong 2024-25 season kasi ay mayroon itong $48.7 milyon na sahod at estimated na $80-M taunang kita mula sa mga endorsements, licensing, memorabilia at ilang mga business endeavors.

 

 

Ang kaniyang kabuuang $128.7 milyon ay siyang pinakamataas sa loob ng 15 taon sa kasaysayan ng NBA ranking ng Forbes.

 

 

Nahigitan nito ang kaniyang kabuuang kita noong nakaraang taon na mayroong mahigit $124.5 milyon.

 

 

Nagsimula si James na mapabilang sa listahan noong 2014-15 ng mayroon itong kita na $64.6 milyon na yaman kada taon.

 

 

Nasa pangalawang puwesto naman si Golden State Warriors star Stephen Curry na mayroong yaman na $105.8-M, pangatlong puwesto si Kevin Durant ng Phoenix Suns na mayroong $99.9-M , pang-apat na puwesto si Milwaukee Bucks star Giannis Antetokounmpo na mayroong kita na $93.8-M at pang-limang puwesto si Damian Lillard na mayroong kita na $64.8-M.

Isa pang DepEd official, pinatotohanan ang umano’y pamimigay ni VP Sara ng ‘cash envelopes’ sa ilang opisyal ng ahensiya

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINATOTOHANAN ng isa pang opisyal ng Department of Education ang alegasyon ni retired DepEd USec. Gloria Jumamil-Mercado na namigay ng ‘cash envelopes’ si VP Sara Duterte sa ilang opisyal ng ahensiya noong siya pa ang kalihim.

 

 

Isa sa umamin na nakatanggap ng naturang envelope ay si DepEd director at dating Bids and Awards Committee (BAC) chairman Resty Osias.

 

 

Sa interpelasyon ni Manila 2nd district Rep. Rolando Valeriano kay Osias sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kaniyang inamin na nakatanggap siya ng 4 na envelopes na naglalaman ng P12,000 hanggang P15,000 na cash sa 4 na magkakahiwalay na okasyon noong 2023.

 

 

Paliwanag ng DepEd official na akala niya’y common practice na ito sa ahensiya. Natanggap umano niya ang naturang sobre mula kay VP Sara sa pamamagitan ni dating DepEd ASec. Sunshine Fajarda mula Abril hanggang Setyembre 2023. (Daris Jose)

DOJ pinag-aaralan ang legal na kaharapin ni VP Duterte sa mga pahayag nito

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-AARALAN ng Department of Justice ang legal na maaring kaharapin ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga pahayagnito laban kay namayapang si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

 

 

Ayon kay DOJ Secretary Crispin Remulla, na kanilang pinag-aaralan ang legal na aspeto dahil maaaring mayroong nalabag sa moral na prinsipyo.

 

 

Giit pa ng kalihim na bilang mataas na opisyal ng bansa ang Bise Presidente ay dapat maging sensitibo din ito sa mga binabanggit niya.

 

 

Itinuturing pa nito na lubhang nakakabahala sa isang bise presidente ang nasabing mga pahayag.

 

 

Magugunitang umani ng mga magkakahalong komento ang naging batikos ng bise presidente kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Daris Jose)

Abalos: ‘Ang magpapakain sa Pilipino ay kapwa Pilipino’

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG diin ni dating Mandaluyong City mayor at senatorial aspirant Benhur Abalos ang mahalagang papel ng mga Pilipinong magsasaka sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa, sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija kamakailan.

 

 

Ayon sa kanya, “Ang magpapakain sa Pilipino ay kapwa Pilipino – ang ating magsasaka.”

 

 

Sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija, na kinikilala bilang rice granary ng Pilipinas, tinalakay ni Abalos ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at ang kahalagahan ng pagbibigay-lakas sa mga magsasaka upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain para sa bansa.

 

 

Binigyang-diin niya na dapat mga Pilipinong magsasaka ang manguna sa pagtustos ng pagkain para sa kapwa Pilipino, kasabay ng panawagan na gawing permanente ang mga programang pang-agrikultura.

 

 

“Mahalaga ang irigasyon para matiyak ang magandang ani,” ani Abalos, na nagpahayag ng pangangailangan na matutukan ang sapat na pondo para sa mga proyektong pang-irigasyon.

 

 

Para matugunan ito, sinabi ni Abalos na ang mga programa ng gobyerno gaya ng pautang na may mababa o zero interest para sa mga magsasaka ay dapat gawing permanente.

 

 

“Dapat gawing institus­yonal ang mga programang ito para hindi mawala sa pagpasok ng bagong administrasyon. Kung hindi, ‘pag naiba ang Pangulo, mawawala ang magagandang programang ito,” kanyang binigyang-diin.

 

 

Bukod sa pinansyal na suporta, binigyang-halaga rin ni Abalos ang pangangailangan ng crop insurance upang protektahan ang mga magsasaka mula sa mga sakuna tulad ng bagyo. “Paano kung may bagyo? Mawawala lahat ng puhunan ng magsasaka kaya nalulubog sila sa utang. Diyan papasok ang crop insurance na muling ipinatutupad ng ating Pangulo,” ani Abalos.

 

 

Ipinahayag din ni Abalos ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga magsasaka ng Nueva Ecija, na kinikilala ang kanilang mahalagang papel sa pagpapakain sa bansa. ( Daris Jose)

DepEd namahagi ng mga laptop sa Pag-asa Island

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na namahagi ng mga laptop at iba pang school supplies si Education Secretary Sonny Angara nang bisitahin nito ang Pag-asa Island.

 

 

Tinatayang 15 laptop ang naipamahagi sa mga guro ng Pag-asa Integrated School kasama ang 43 football at 109 school bag na may lamang mahahalagang suplay.

 

 

“With this technology, we hope to lighten the workload of our teachers and unlock the potential of our learners. President Bongbong Marcos has directed us to harness modern tools to strengthen education and uplift the future of our youth,”ayon kay Angara.

 

 

Maliban sa ginawang pamamahagi, nagsagawa rin ng konsultasyon si Angara kasama ang mga opisyal ng Department of Education sa mga guro magulang at lokal na lider para tugunan ang hamon sa paghahatid ng edukasyon sa lugar.

 

 

Natalakay din ang posibleng solusyon para mapahusay ang kondisyon ng pamumuhay ng mga residente sa isla kabilang na ang ‘housing initiatives at transportation services’ para sa mga residente.

 

 

“This mission embodies our dedication to ensuring that no Filipino learner is left behind,” ang sinabi ng Kalihim.

 

 

“The government is committed to developing even the most isolated areas, ensuring access to education, services, and security for all,” dagdag na pahayag ni Angara. ( Daris Jose)

Mahigit P50B halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa ilalim ng administrasyong Marcos —PDEA

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG umabot na sa P49.82 bilyong halaga ng illegal na droga ang nakumpiska sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula Hulyo 1, 2022 hanggang Setyembre 30, 2024.

 

 

Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kabilang sa ilegal na droga na nakumpiska ng mga awtoridad ay shabu (6,481.16 kilograms); cocaine (75.69 kg); ecstasy (115.081 piraso); at marijuana (5,626.80 kg). May 7,364 high-value targets naman ang naaresto ng mga awtoridad.

 

 

“We would like to think there is a steady increase in total volume and value of drugs confiscated,” ang sinabi ni Derrick Carreon, hepe ng PDEA public information office.

 

 

“With regard to the barangay clearing program effort, definitely, malaki yung improvement natin,” anito.

 

 

Sinabi pa ni Carreon, mayroong 29,211 barangay sa buong bansa ang malinis na sa ilegal na droga habang mayroon namang nananatiling 6,292 drug-affected barangay.

 

 

Tinuran pa nito na ang pinakagrabeng drug-affected barangay ay ang Metro Manila, Calabrazon, Central Luzon at ilang lugar sa Mindanao.

 

 

“Ibig sabihin po nito, yung sinumulan natin back then na napakaraming drug-affected barangays ay tuloy-tuloy pa rin yung pagbaba so this is a good indicator to determine the success of the national anti-drug campaign,” ang winika pa ni Carreon. (Daris Jose)

Speaker Romualdez, DSWD, lokal na opisyal namahagi ng P140-M cash aid sa 30K Davaoeños

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAKAHALAGA ng P139.81 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa 29,906 benepisyaryo sa Davao City, Davao de Oro at Davao del Norte sa apat na araw na payout ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), isang flagship welfare program ni Pangulong Bongbong Marcos.

 

 

Ang pamimigay ng ayuda ay pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na opisyal. Isinagawa ang payout mula Oktobre 18 hanggang 21.

 

 

Si dating Civil Service Commission chair Karlo Nograles ang namigay ng ayuda sa Davao City noong Lunes kung saan kabuuang P14.5 milyon ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo.

 

 

Iginiit ni Speaker Romualdez na ang pamimigay ng ayuda ay isang patunay sa pangako ni Pangulong Marcos na hindi papabayaan ang kapakanan ng mga Davaoeños.

 

 

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr., ang apat na araw na event ay naglalayong tulungan ang mga marginalized sector partikular ang mga mahihirap na komunidad.

 

 

Sinabi ni Gabonada na ginanap ang pamimigay ng ayuda sa Davao del Norte noong Oktobre 18 kung saan kabuuang P48.625 milyon ang ipinamahagi sa 9,725 benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P5,000.

 

 

Kasama sa mga benepisyaryo ang mga guro, non-teaching school personnel, empleyado ng mall, staff ng pribadong ospital, at mga residenteng maliit ang kita.

 

 

Ang mga lokal na opisyal gaya nina Vice Gov. Oyo Uy at Rep, Alan Dujali ay mayroong malaking papel sa pamimigay ng tulong pinansyal.

 

 

Noong Oktobre 19 at 20 ay namigay naman ng tig-P5,000 o kabuuang P76.610 milyon sa 15,322 benepisyaryo sa Davao de Oro. Kasama sa mga natulungan ay mga barangay workers, school personnel, at mga empleyadong maliit ang kita.

 

 

Kasama rin sa tinulungan ang mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

 

 

Sina Rep. Maricar Zamora, Councilor Myrill Apit of Mawab, Vice Mayor Honeyboy Libuangan ng Laak, at mga lider ng komunidad sa Maco, Mabini at Nabunturan ay tumulong upang maging matagumpay ang pamimigay ng ayuda.

 

 

Noong Oktobre 21, isinagawa naman ang payout sa Davao City kung saan P14,577,000 halaga ng cash aid ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo. Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000.

 

 

Kinilala ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng gobyerno nasyunal at mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng pamimigay ng AKAP.

 

 

Nagpasalamat naman si Nograles sa national government sa pagtulong sa mga Davaoeños.

 

 

Tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy pang palalawigin ang tulong na inihahatid ng gobyerno sa mga nangangailangang Pilipino upang matulungang makabangon ang mga ito. (Vina de Guzman)

HVI drug suspect laglag sa P1.3 milyong shabu sa Caloocan

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

AABOT sa mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

 

 

Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Restie Mables ang naarestong suspek na si alyas “Jerome”, 31, pintor at residente ng Brgy. 18 ng lungsod.

 

 

Ayon kay Lt. Mables, bago ang pagkakaaresto nila sa suspek ay unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng ilegal na droga kaya isinailalim nila ito sa validation.

 

 

Nang makumpirma na positibo ang ulat, agad bumuo ng team si Lt. Mables saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-7:22 ng gabi sa Kawal St., Raffle 2, Brgy. 28, matapos umanong bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

 

 

Nakumpiska sa suspek ang nasa 201 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,366,800 at buy bust money na isang P500 bill at 6-pirasong P1,000 boodle money.

 

 

Pinuri naman ng bagong upong OIC ng Northern Police District (NPD) na si Director P/Col. Josefino Ligan ang Caloocan Police SDEU team sa kanilang matagumpay na operation kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

 

 

Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II of R.A. 9165 “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002” sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Tagumpay ng QC, iniulat ni Mayor Belmonte sa kanyang ika-6 na SOCA

Posted on: October 23rd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IDINAOS ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ika 6 na State of the City Address (SOCA) ni Mayor Joy Belmonte nitong lunes Oktubre 21, 2024 na ginanap sa Quezon City M.I.C.E Center.

 

 

Sa kanyang talumpati, inilahad ni Belmonte ang mga achievement ng lungsod sa ilalim ng kanyang liderato, kanya ring pinapurihan ang ilang mga departments head dahil sa mga matatagumpay na programa ng mga ito.

 

 

Binigyang-diin din niya na ang pagtitiwala ng mga QCitizen simula 2019 ay sinusuklian ng paglilingkod na tapat, mabuti, maayos at walang panlilinlang at pag-aaksaya at higit sa lahat ay walang pinagkakautangan.

 

 

Ang isa sa pinaka ipinagmamalaki ng alkalde ay ang apat na taong sunud-sunod na nakatanggap ang lungsod ng Unqualified Opinion mula sa Commission on Audit at ang kawalan ng utang ng lungsod, ayon na rin sa Department of Finance.

 

 

Ibinida din ng alkalde ang P123-B inilaan na pondo ng QC LGU para resolbahin ang mga problema sa pagbaha sa lungsod, kabilang din dito ang ibat-ibang social services, health, at livelihood programs, climate change initiatives, pagtataguyod sa lungsod bilang top business destination, at pagsisiguro ng maayos at malinis na pamahalaan.

 

 

Partikular din na pinasalamatan at pinuri ni Mayor Belmonte si City Trasurer Ed Villanueva dahil na rin sa pagsisikap nito na manatiling mataas ang tax collection ng lungsod.

 

 

Pinasalamatan rin ni Belmonte ang City Council, mga congressmen, mga department heads, mga action officers at ang mga mamamayan sa mga magagandang achievements ng lungsod at nangakong mas lalo pang pagbubutihin ang sebisyo-publiko. (PAUL JOHN REYES)