INIUGNAY ni dating senadora Leila De Lima ang “Davao Model” sa Davao Death Squad (DDS), na binuo umano ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte noong panahon na nagsisilbi siyang mayor ng Davao City.
Ang Davao model ang terminong ginamit ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyon Duterte.
Sa pagtestigo ni De Lima sa House Quad Comm na nagsasagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJKs) ukol sa war on drugs, sinabi nito na ang reward system na ginamit na insentibo umano sa kampanya sa Davao City ay pinalawig umano sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Paliwanag ng dating senador na ang DDS, kilala sa EJKs, ay nag-operate mula 1988 hanggang 1998, na unang nagsilbi si Duterte bilang Davao mayor.
Sa panahon na ito, ang hitmen na binubuo ng rebel returnees at Philippine National Police (PNP) officers, ay binayaran ng ₱15,000 kada pagpatay. Sa naturang halaga, ₱5,000 ang napupunta sa police handlers, at ₱10,000 ay pinaghatian ng mga assassins.
“Their safehouse was located inside the NAPOLCOM compound in Brgy. San Pedro, Davao. After the summary execution of targeted victims, the DDS members regrouped at their safehouse and divide the reward,” ani de Lima.
Mula 2001 hanggang 2016, ang DDS ay naging mas opisyal at organisadong unit, Heinous Crimes Investigation Section (HCIS), sa ilalim ng Davao City Police Office.
Dito, ang pabuya ay mula ₱13,000 hanggang ₱15,000 kada pagpatay. Bahagi ng bayad, ₱3,000-₱5,000 ay napunta sa police handlers habang ang natira ay pinaghatian ng mga civilian “abanteros” o hitmen,na kadalasan ay rebel returnees.
“A team of one PNP handler and three civilian ‘abanteros’ was given an average of three targets every month,” pahayag ni De Lima.
Sinabi pa ni De Lima, na ang straktura ng DDS ay hindi lamang sa loob ng Davao City dahil ginaya ang “Davao Model” sa buong bansa habang ipinatupad ang drug war.
“Duterte used the Davao system of barangay-based lists of victims. Barangay officials were required to identify drug offenders in their communities, who were then targeted in riding-in-tandem operations by death squads and official ‘nanlaban’ operations conducted by the PNP,” pahayag nito, (Vina de Guzman)