• December 12, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 7th, 2024

Petecio hindi magreretiro at planong sumabak pa sa Olympics

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

WALA pang planong magretiro sa pagsali sa Olympics si two-time Olympic medalist Nesthy Petecio.

 

 

Sinabi nito na tila nabitin ito noong sumabak sa Paris Olympics kung saan nag-uwi siya ng bronze medals.

 

 

Dagdag pa nito na marami pa itong pagdarananan na mga qualifiers para matiyak ang muling pagsabak sa Olympics.

 

 

Giit pa ng Davao del Sur na hindi ito titigil hanggang walang gintong medalyang maiuwi mula sa Los Angeles Olympics.

 

Sisimulan na nito ang pagsasanay sa Enero kung saan isasagawa ito sa Baguio City.

 

 

Sa mga susunod rin na buwan ay magkakaroon ng iba’t-ibang torneo na kaniyang sasalihan.

Sobrang ginalingan pero alam na may kulang pa: SETH, inaming sinsero sa nararamdaman para kay FRANCINE

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAGKATAMBAL sa pelikulang My Future You sina Seth Fedelin at Francine Diaz na official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 50th Metro Manila Film Festival na mapapanood simula December 25.

 

 

Kaya natanong si Seth kung ano ang gusto niyang mangyari sa future niya, “Gusto ko magkaroon ako ng talagang taong magmamahal at kikilalanin ako, and sa tingin ko naman malapit na.”

 

Natanong din siya kung si Francine ba ang tinutukoy niya, na buong ningning na sinagot ng binata ng, “Opo!”

 

Sa tanong din kung bakit para kay Seth ay malapit na siyang magkaroon ng taong magmamahal sa kanya…

 

Lahad niya, “Kasi hindi na ako lalayo. Pero may isang pangako lang akong kailangan kong tuparin… yung pangako ko sa magulang ni Francine.

 

“Alam naman po natin na hindi biro ang samahan namin. Hindi biro na bawiin yung tiwala ng magulang ni Francine.

 

“Hindi po biro ang pinagdaanan ko na makaabot ulit dito na nahahawakan ko yung kamay ni Francine. Hindi po biro yun.

 

“At yun po yung goal ko, na gusto ko pong maramdaman nila… safe si Francine sa akin. Yun yung gusto kong maramdaman nila.

 

“Kaya ko nasabing malapit na kasi yun na lang yung parang kailangan kong gampanan para masabi kong nandito na siya.

 

“So, anong kailangan ko? Lakas ng loob, paninindigan, tapang, respeto, and pagmamahal.

 

“Lahat po ng bagay na yun ay hindi mo makukuha ng isang araw o isang buwan.

 

“Malaking pogi points kapag kakampi mo yung magulang, di ba? Malaking pogi points kapag mahal ako nung magulang.

 

“So, iyon yung plano ko talaga.”

 

Wala pang anumang pag-amin pero makahulugan na ang mga salita ni Seth tungkol sa kung ano ang sitwasyon sa pagitan nila ni Francine.

 

Sinabi niyang sinsero siya sa nararamdaman para kay Francine.

 

“Kasi, guys, hindi talaga biro, alam naman po natin yan, lalo na nung mga nakaraan. Hindi po biro na bawiin yung tiwala ni Francine at ng magulang niya,” pahayag ni Seth.

 

“Sobra ko pong ginalingan, and alam kong kulang pa, alam kong meron pa akong kayang magawa, alam ko na meron pa akong kayang ibigay.

 

“And yun yung gusto ko, para pagdating ng panahon na anuman ang mangyari, mahal nila ako.

 

“Kahit ano mang mangyari, mahal nila ako, yun lang ang plano ko. Kaya kapag tinatanong kami na ‘Kayo na, e.’

 

“Hindi po biro na kami agad.”

 

Inamin rin ni Seth na may blessing na ng mga magulang nila ni Francine ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.

 

Ayos lang kay Seth kung matagal ang proseso ng panliligaw niya kay Francine.

 

“Wala sa isip namin na madaliin yung mga bagay-bagay, i-pressure yung mga sarili namin na magmahal, na mag-commit, na magganyan.

 

“Pero hindi ibig sabihin nun, ganyan lang kami, ay sisirain ko yung tiwala ni Francine.

 

“No, binubuo ko nga yung tiwala ni Francine.

 

“Kaya kahit ganito kami, ime-make sure ko na yung trust namin sa isa’t isa, malakas yan, na kahit sino hindi yan kayang sirain.

 

“Pagdating ng mahabang taon, yung trust namin malakas. Maraming tao ang nakaalalay sa amin.”

 

Ang ‘My Future You’ ay mula sa direksyon ni Crisanto B. Aquino, kasama rin sa movie sina Mosang, Almira Muhlach, Christian Vasquez, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, at Izzy Canillo.

 

 

(ROMMEL L. GONZALES)

LTO, inilunsad ang ‘STOP ROAD ACCIDENT!’ bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa road safety

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGLULUNSAD ang Land Transportation Office (LTO) ng mas pinaigting na kampanya para sa road safety, alinsunod sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabawasan ang insidente ng aksidente sa kalsada ng hindi bababa sa 35% pagsapit ng 2028.

 

 

Pinamagatang “STOP ROAD ACCIDENT!”, ipinaliwanag ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang adbokasiyang ito ay nakatuon sa malawakang pagbibigay ng impormasyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.

 

 

“Hindi dapat maging pang-statistics lang ang bawat aksidente sa kalsada, lalo na kung ito’y nauuwi sa pagkamatay o matinding pinsala sa mga motorista o sinumang gumagamit ng kalsada,” ani Assec Mendoza.

 

“Malaki ang epekto ng aksidente sa kalsada sa bawat pamilya ng biktima. Mas matindi ang dagok kung ang nasangkot ay ang breadwinner ng pamilya,” dagdag niya.

 

 

Batay sa datos mula sa World Health Organization, tinatayang 1.3 milyong tao ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada taun-taon, habang 20 hanggang 50 milyon naman ang nasusugatan, kabilang ang mga nagkakaroon ng permanenteng kapansanan.

 

 

Samantala, ibinunyag naman ng hiwalay na datos mula sa United Nations na humigit-kumulang 58% ng 1.3 milyong pagkamatay dulot ng aksidente sa kalsada sa buong mundo ay nagaganap sa Asia-Pacific Region.

 

 

Sa Pilipinas, ayon din sa datos ng UN, 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kalsada.

 

Ayon kay Assec Mendoza, inatasan ang lahat ng kawani ng LTO na gamitin ang social media upang mapalawak ang kampanya sa road safety, dahil isa ito sa pinakaepektibong paraan upang maabot ang maraming Pilipino.

 

 

“Makikipagtulungan din tayo sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, tulad ng MMDA sa Metro Manila at PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” ani Assec Mendoza.

 

 

“Layunin nating bumuo ng mga polisiya at istratehiya para gawing ligtas ang lahat ng kalsada sa bansa para sa bawat gumagamit nito, lalo na sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko,” dagdag niya.

 

 

Ang kampanyang ito, ayon kay Assec Mendoza, ay alinsunod sa adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

 

Noong nakaraang taon, inilahad ni Secretary Bautista ang ilang hakbang sa road safety sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan na iprinisenta sa Asia Pacific Road Safety Observatory 2023 Annual Meeting.

 

 

“Ang layunin nating mabawasan ng 35% ang mga namamatay sa aksidente sa kalsada pagsapit ng 2028, at 50% pagsapit ng 2033, ay inendorso ng United Nations General Assembly. Bahagi ito ng Philippine Road Safety Action Plan na aktibong nagsusulong ng kaligtasan sa kalsada,” ani Bautista.

 

Dagdag pa ni Assec Mendoza, ang “STOP ROAD ACCIDENT!” ay nangangailangan ng kooperasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng pampublikong imprastraktura para sa lahat ng gumagamit ng kalsada.

 

 

Binigyang-diin din niya na sinimulan na ng DOTr ang kampanya sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), EDSA Busway, EDSA Greenways, at Active Transport, na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kaligtasan sa kalsada. (PAUL JOHN REYES)

Higit P.8M droga, nasamsam sa 2 HVI drug suspects sa Valenzuela

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Buboy”, 56, taxi driver ng Obando, Bulacan.

 

 

Ayon kay Col. Cayaban, ikinasa ng mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enfortcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave ang buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni alyas Buboy.

 

Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa kanilang target, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto nila ang suspek dakong alas-7:10 ng Miyerkules ng umaga sa Kabesang Imo St., Brgy. Balangkas.

 

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang humgi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money, cellphone, P150 cash at coin purse.

 

Nauna rito, alas-4:20 ng Miyerkules ng madaling araw nang madakip naman ng mga operatiba ng DDEU-NPD sa pangunguna ni PSSg Ronilo Tilano sa buy bust operation sa loob ng kanyang bahay sa Balanti St., Brgy. Ugong si alyas “Bong”, 53.

 

 

Sa report niya kay Col. Ligan, sinabi ni DDEU chief P/Lt Col. Robert Sales na nakuha ng kanyang mga tauhan kay alyas Bong ang nasa 65 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P442,000.00, P500 buy bust money, at cellphone.

 

Pinuri naman ni NPD Director Ligan ang Valenzuela police at DDEU sa kanilang matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drug) under Article II of RA 9165. (Richard Mesa)

DSWD, tutulungan ang mga pamilyang maiiwan ng mga POGO deportees

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAG-ALOK ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya ng mga dayuhan na nakatakdang I-deport dahil sa kanilang pagkakasangkot sa illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

 

 

 

Sa 24 Oras special report ni Sandra Aguinaldo, araw ng Miyerkules, ang mga magulang ng mga batang ito ay naglaan ng kanilang oras at panahon na tila ay kanilang huling mga araw na magkakasama habang hinihintay ang desisyon kaugnay sa kanilang deportasyon.

 

Kabilang na rito ang 21-year old na si “Jamaica”, na mayroong limang buwan gulang na anak sa Chinese national na nakatakdang ideport.

 

“Sana bigyan nila ng chance po na makalaya po yung partner ko. Sana tulungan po nila kami, yung may mga anak po dito sa Pilipinas… kasi yung pamilya ko hindi ko rin po maasahan kasi madami din po kami magkakapatid. Hindi rin po nila ako matulungan, hirap din po kami,” ang sinabi ni Jamaica.

 

Sinabi naman ng kanyang partner na hindi pa siya nakikipag-ayos ukol sa posisbilidad na pananatili sa bansa.

 

“He wants to stay… because he’s very fond of his baby… If he was deported, he cannot care for his family,”ang sinabi ng Chinese national sa pamamagitan ng isang translator.

 

Sa kabilang dako, nakipag-ugnayan na si DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) hinggil sa detalye para sa custody turnovers at livelihood assistance para sa mga pamilya na maiiwan sa bansa.

 

“Meron tayong haven for women and children. Pwedeng diyan muna natin dalhin yung mga nanay at kanilang mga anak. Ikakapacitate natin sila, iimprove natin kanilang skills, livelihood opportunities para sila ay makapagsimula on their own,” ang sinabi ni Dumlao.

 

Kamakailan, sinabi ng PAOCC na sinusuportahan nito ang 15 mga kabataan na ang edad ay zero hanggang tatlong taon, matapos na deport ang kanilang ama. (Daris Jose)

Manny Pacquiao nahalal sa Boxing Hall of Fame

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAHALAL sa International Boxing Hall of Fame si Filipino boxing legend Manny Paquiao.

 

 

 

Magiging bahagi siya ngayon ng Hall of Fame class of 2025.

 

 

 

Siya lamang ang mayroong walong weight divisions mula flyweight hanggang superwelterweight.

 

 

Taong 2021 ng tuluyang magretiro sa boxing ang Pinoy southpaw boxer matapos ang 72 na laban sa buong career kung saan mayroong 62 ang panalo, walong talo at dalawang draws.

 

Siya rin ang unang atletang Pinoy na naitampok sa TIME magazine sa listahan ng world’s 100 most influential people noong 2009.

 

 

Ikinatuwa naman ng 45-anyos na si Pacquiao ang pagkakapili sa kaniya ng Hall of Fame.

 

 

Isang karangalan sa kaniya na dalhin ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo.

Wala nang atrasan sa pagtakbo bilang Mayor ng Maynila: MAHRA, handa nang sagupain sina Mayor HONEY, ISKO, RAYMOND at Rep. SAM

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DESIDIDO na at wala nang atrasan si Mahra Tamondong sa pagtakbo bilang mayor ng Maynila sa darating na May 2025 elections.

 

 

Handang-handa na raw niyang sagupain at harapin si incumbent Mayor Honey Lacuna, ang gustong magbalik-puwesto na si Isko Moreno at sina Congressman Sam Verzosa at Raymond Bagatsing.

 

 

Unang-una raw sa rason sa pagtakbo ni Super Mahra ay ang senior citizens na tila napapabayaan daw sa lungsod ng Maynila.

 

 

“Sila talaga ang nagtulak sa akin na lumahok sa nalalapit na halalan, senior citizens advocate po kasi ako” panimula niya.

 

“Dahil sa pagtulong natin, even after 2022 elections, dito nakita ko talaga ang kakulangan sa kailangan nila. Kaya ang biggest challenge sa akin ang programa ko na maibaba sa taong bayan at talagang may personal touch na isang naglilingkod sa taga-Maynila.”

 

Tungkol sa mga babanggain niyang mga pader sa pagka-mayor sa Maynila…

 

“Pag tinatanong nila ako, kung natatakot ba ako at kung ano ang nararamdaman ko. Parang wala akong nararamdaman at all, kasi para sa akin, sila ‘yun pader na hindi matibay.

 

“Ang alam ko, ang kailangan ay isang maglilingkod na totoo, magmamahal talaga at magmamalasakit. Yung hindi lang nakikita pag eleksyon at gusto magpabida. Dapat kahit walang eleksyon o behind the camera, dapat tumutulong ka.

 

“So, yun ang nagpatibay akin na mas matibay pa sa pader. Kaya ako ay lalaban na walang katakot-takot.”

 

Dagdag pa niya, “si Raymond nakasama siya last election, tumakbo siyang Vice Mayor, at ngayon ‘di ko inakala na tatakbo rin siyang mayor.

 

“Personally, wala akong kilala są kanila, si Isko parang once or twice kong na-encounter, parang vice mayor pa lang siya noon.

 

“Si Mayor Honey, na-encounter ko siya recently dahil nagkasabay kami sa organization at saka sa Buling-Buling festival sa Pandacan na kung saan pareho kaming Hermana Mayor.

 

“Si Sam Verzosa naman na representative ng party-list, hindi ko pa siya nakasabay sa pagtulong lalo są mga senior citizens. Pero dapat talaga siyang tumulong dahil nakaupo siya at ngayon ay mas visible siya.

 

“Ang sa akin lang, sana totoo talaga ang ginagawa niyang pagtulong lalo na sa mga senior citizen, na nahihirapan lalo na pag nagkakasakit.”

 

Pangako pa ni Super Mahra sa mga taga-Manila, “isusulong ko po na madagdagan ang benipisyo ng senior citizens at gawing dalawang libo kada buwan, mula sa 500.

 

“Pangalawa, mabigyan sila ng recreational center at livelihood programs sa bawat distrito sa Maynila.

 

“Para naman sa mga kabataan, maglalagay ako ng libreng wifi para sa mga kabataan.

 

Marami rin hindi natutukang programa, kaya maraming tambay na kabataan na hindi nakakapag-aral. Isa yun sa magiging concern namin, kasi ang gusto namin ay ang tamang paglilingkod, pamamahala at talagang totoong programa na makikita ng mga tao.”

 

 

May isa pang binigyang-diin ni Mahra tungkol sa Maynila, na kung gustong paglingkuran, “kailangang maging transparent ang programa ng mayor. Tulad ng sinasabi na pabahay para sa mahirap ba ‘yun 5 thousand to 8 thousand pesos na babayaran? Kahit empleyado, mahihirapan na magbayad.

 

“Kaya ang gusto ko pong mangyari na ang budget ng Maynila na 34 billion a year, kailangan ipakita nila kung saan programa napunta, lalo na yung hindi naman makakatulong sa atin.

 

“Para malaman ng taong bayan kung magkano talaga ang pumapasok at saan napupunta ang binabayad nating mga tax at amilyar, na talagang pinaghirapan ng mga tao.”

 

Bukas ang pahayagang ito para naman sa magiging komento ng iba pang tumatakbo bilang Mayor ng Maynila.

 

 

 

 

(ROHN ROMULO)

Pasko sa “SNED Holiday 2024”, ipinagdiwang sa Valenzuela

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PARA makapaghatid ng kagalakan sa mga batang Valenzuelano na may espesyal na pangangailangan ngayong kapaskuhan, ipinagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang “SNED Holiday 2024” na ginanap sa Valenzuela City People’s Park Amphitheatre.

 

 

 

Pinatunayan ng Valenzuela na ang Pasko ay para sa mga batang Special Needs Education (SNED) Holiday 2024 na taunang Christmas party na nakatuon sa mga batang may pangangailangan, kasama ng kanilang mga magulang at mga guro.
Mahigit dalawang libong learners with disabilities (LWDs) mula sa Valenzuela Special Needs Education Center at iba’t ibang pampublikong paaralan sa lungsod ang nagpakita ng kanilang kakayahan at talento sa entablado sa pamamagitan ng kanilang mga pagtatanghal na may temang Pasko.
Nagtanghal din ng sayaw ang mga magulang at SPED Teachers na i-dinisenyo para gawing mas accessible at inclusive ang palabas sa audience, isang sign language interpreter din ang umakyat sa entablado.
Nagbigay naman ang Pamahalaang Lungsod ng ng iba’t ibang gift packs sa lahat ng kalahok at mga regalo sa pamamagitan ng raffle draw na mula naman sa mga opisyal ng lungsod.
Ipinahayag ni Mayor WES Gatchalian ang kanyang holiday wishes sa mga mag-aaral ng SNED at muling binanggit ang pangako ng Pamahalaang Lungsod sa pagpapaunlad ng kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng inclusive at accessible na mga serbisyo sa proteksyon ng bata, na tinitiyak na ang kanilang mga karapatan ay palaging isinasaalang-alang nang lubos.
Kasama rin ng mga bata sa engranding pagdriwang ng Pasko sina Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, Mayoress Tiffany Gatchalian, 1st Congressional District Programs Director Kenneth Gatchalian, na kinakatawan ng kanyang asawa na si Mrs. Anneth Gatchalian, Councilors Sel Sabino-Sy, Niña Lopez, Louie Nolasco, Chiqui Carreon, Atty. Bimbo Dela Cruz, at Dra. Kasama ni Kat Martinez.
Pagpapakita ng temang “Inclusion is within Everyone’s Ability”, ang Valenzuela ay nagtataguyod ng mga batang may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagtiyak ng isang inklusibo, pag-aalaga, at magalang na kapaligiran para sa mga batang ito na umunlad at nakahanda rin ang lungsod na tulungan ang mga kabataan sa kanilang pag-unlad; habang sila ay naglalakbay patungo sa pagbuo ng kanilang natatanging pagkatao. (Richard Mesa)

PFF wala pang listahan na sasabak sa ASEAN Championship sa susunod na linggo

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

AMINADO si Philippine Football Federation (PFF) director for national teams Freddy Gonzalez na nahaharap ito sa malaking hamon sa pagbuo ng Philippine squad na sasabak sa Mitsubishi Electric Cup sa susunod na linggo.

 

 

 

Lalahok kasi ang Philippine men’s national football team (PMNFT) sa ASEAN Championship sa mga susunod na linggo.

 

 

Makakaharap nila ang Myanmar sa Disyembre 12, Laos naman sa Disyembre 15, Vietnam sa Disyembre 18 at ang Indonesia naman sa Disyembre 21 sa group stage.

 

 

Sinabi ni Gonzales na maituturing na isang milagro kung mabuo nito agad ang koponan dahil sa ipagpapaalam pa nila ang mga ito sa kani-kanilang mga mother’s club.

 

Mula pa noong nakaraang linggo ay ito na ang hamon na kanilang hinaharap kung paano gawan ng paraan na mapunan ang ilang bakanteng puwesto para sa mga manlalaro na hindi payagan ng mga mothers club.

 

 

Doble kayod sila ngayon para makabuo ng koponan kung saan tiwala ito na sa susunod na linggo ay mayroon ng mga manlalaro ang kanilang isasabak.

LRT, MRT may train schedule ngayong Holiday season

Posted on: December 7th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAGPAPATUPAD ng schedule adjustments ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 at 2 at Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ngayong Holiday Season, bunsod na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

 

 

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, layunin ng schedule adjustments na mas maraming pasaherong makasakay sa mga train lines ngayong holiday rush.

 

 

Sa abiso ng DOTr kahapon, mula Disyembre 16 hanggang 24, at sa Disyembre 31, sisimulan ng MRT-3 ang kanilang unang commercial trip mula North Avenue station ng 4:30AM.

 

 

Sa pagitan naman ng Disyembre 16 at 23, palalawigin ng naturang train line ang kanilang operating hours, kung saan ang huling biyahe nito mula North Avenue Station ay aalis ng 10:34PM habang ang mula naman sa Taft Avenue ay bibiyahe ng 11:08PM.

 

 

Samantala, ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ay magsisimula ng kanilang adjusted schedule sa Disyembre 17.

 

 

Nabatid na ang unang commercial train nito ay bibiyahe ng 5:00AM sa Disyembre 17-23, 24 at 31. Magpapatupad naman ito ng regular operating hours mula Disyembre 25-30 at sa Enero 1 onwards.

 

 

Ang LRT-1 naman ay magsisimula ng kanilang adjusted operating hours sa Disyembre 20.

 

 

Bukod dito, sinabi ni Bautista na sa ginawag scheduled adjustment, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga rail employess na makapiling ng matagal ang kanilang mga pamilya ngayong Pasko.

 

 

Pinayuhan ng DOTr ang mga pasahero na bisitahin ang timetables para sa adjusted train operating hours.

 

 

Ang LRT-1 ay pinangangasiwaan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), at bumabagtas mula Dr. Santos Station (dating Sucat) sa Parañaque City hanggang sa Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City, habang ang LRT-2 naman ay pinangangasiwaan naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at bumibiyahe mula Antipolo Station hanggang Recto Station sa Maynila habang ang MRT-3 ay pinangangasiwaan ng DOTr at nag-o-operate mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.