ISA kami sa nakasigaw at sobrang na-tense sa mga matitinding eksena ni Star for All Santos Vilma Santos sa ‘Uninvited’ na entry ng Mentorque Productions sa ongoing 50th MMFF.
Nagsisigawan ang moviegoers pati na ang invited media sa ginanap na block screening noong Araw ng Pasko sa Cinema 3 ng Gateway Mall.
Gulat na gulat talaga kami sa ginawa ni Ate Vi kasama sina Aga Muhlach at Nadine Lustre sa last 15 minutes ng ‘Uninvited’ na kung saan naisakatuparan na niya na maipaghiganti ang sinapit ng kanyang anak at kasintahan nito na ginagampanan nina Gabby Padilla at Elijah Canlas.
Napasigaw din kami ng ‘go Ate Vi gooooo! ’ Matapos na nag-dialogue ang karakter ni Nadine ng ‘go!’, na kung saan pinatatakas na niya si Ate Vi sa crime scene.
Isa nga yun sa highlights ni Ate Vi, pinalakpakan din ang eksenang makita niya ang pinaslang na anak sa isang damuhan. Ang husay din dito ni Lotlot de Leon, na ina naman ng boyfriend ng anak ni Ate Vi.
Kaya na-confirm namin na pang-best actress talaga ang acting ni Ate Vi at hindi kami magtataka, kung mag-back-to-back win siya sa Gabi ng Parangal bukas, December 27 sa Solaire Resort Manila.
Last year sa 49th Metro Manila Film Festival si Ate Vi ang nakapag-uwi ng best actress trophy para sa ‘When I Met You in Tokyo’. Ang kung siya ang papalarin na manalo, first ever niya ito na magkakaroon ng back-to-back win sa history ng MMFF at magiging pang-anim na niya.
Marami nga ang nagsasabi na wala ng dapat patunayan pa ang isang Vilma Santos, pagdating sa kahusayan sa pag-arte.
Pero patuloy siyang natsa-challenge sa bagong role na ginagampanan at hindi ito kayang baliwalain sa ‘Uninvited’ na mula sa direksyon ni Dan Villegas.
Ramdam namin na lalo pang nag-level up at ibang kalidad na naman ang ipinamalas ni Ate Vi, na dapat talagang palakpakan kaya patuloy pinipilahan sa mga sinehan nationwide.
Kaya naman tuwang-tuwa ang mga nakapanood na, lalo ang Vilamanians na may sariling pa-block screening, dahil hindi sila binigo ng kanilang matagal nang hinahangaan na wala pa ring kupas kahit ano pang panahon.
(ROHN ROMULO)