• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 29th, 2021

SANYA, maagang ‘nagpainit’ sa sexy bikini photos na pinost

Posted on: March 29th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

AFTER ng tatlong lock-in taping ng top-rating GMA Primetime romantic comedy series na First Yaya, topbilled by Gabby Concepcion and Sanya Lopez, nagkaroon muna sila ng break. 

 

 

Bale pahinga ng cast at production staff, kaya naman inimbita ni Gabby ang mga kasama niya sa kanyang beach resort sa Batangas.

 

 

‘Nagpainit’ si Sanya sa sexy bikini photos niya  sa kanyang instagram account habang nagtatampisaw sila ni Kakai Bautista sa beach resort.

 

 

Pinusuan ng mga fans at netizens ang post niya sa social media, kaya naman umabot na ito ng libu-libong likes and comments, dahil sa kaseksihan niya.

 

 

Comment nga ni @missrheatan, Ganda ng anak ko.  Sagot ni Sanya, @missrheatan next time Ma, tayo-tayo naman.

 

 

Enjoy sina Sanya, Kakai, Pancho Magno, dahil ang sipag daw magluto ni Gabby ng mga pagkain nila, na-miss daw naman nila ang mga co-stars nila sa series na sina Maxine Medina, Cai Cortez, Glenda Garcia, even si Ms. Pilar Pilapil.  Magri-resume sila ng lock-in taping after the Holy Week.

 

 

Napapanood gabi-gabi ang First Yaya pagkatapos ng 24 Oras.

 

***

 

 

SA pagtatapos ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit nina Ms. Nora Aunor, Mylene Dizon, Kylene Alcantara at Zoren Legaspi last Friday, March 26, inasahang papalitan ito ng Ang Dalawang Ikaw na nagtatampok for the third time sa love team nina Ken Chan at Rita Daniela.

 

 

Pero hindi na muna ito matutuloy at sa halip magkakaroon ng replay ang pinag-usapan noong Ang Dalawang Mrs. Real na nagtatampok kina Dingdong Dantes, Lovi Poe at Ms. Maricel Soriano.

 

 

So, maswerte si Lovi, dahil araw-araw at gabi-gabi, mapapanood siya sa dalawang serye niya sa GMA-7.  Sa hapon nga ang Ang Dalawang Mrs. Real at sa gabi, ang romantic comedy series na pinagtatambalan naman nila ni Benjamin Alves na Owe My Love mula sa GMA News & Public Affairs, pagkatapos ng I Can See You: On My Way To You.

 

 

Tiyak na muling pag-uusapan ang mahusay na pagganap nina Maricel, Dingdong at Lovi, at ang maiinit at matitinding eksena, tulad nang pinag-usapang  pagsampal ni Maricel kay Dingdong sa eksena, na nagpamanhid sa pisngi ng actor.

 

 

Mapapanood ito simula ngayong Lunes, 4:15 p.m. sa GMA-7.

 

 

***

 

 

BINISITA ni Aga Muhlach, kasama ang wife niang si Charlene Gonzalez, ang kaibigang si Willie Revillame sa private beach resort nito sa Puerto Galera, at ipinost ito ni Aga sa kanyang Instagram:

 

 

“A good friend since the 80s! Puno ng paghihirap at saya ang mga pinagdaanan din natin. Happy for what you’ve become, Willie. Continue to do what do best, tumulong at magpasaya ng tao. Nice seeing you again! God bless you my friend. Cheers! Your turn to visit us soon.”

 

 

Ang beach resort ni Willie ay balitang nabili niya noon pang 2018 at ipinaayos niya at inihalintulad sa luxury resort sa Amanpulo sa Palawan.

 

 

Last year, isa rin sa nag-stay ng ilang araw sa beach resort ni Willie si Kris Aquino at mga anak niyang sina Joshua at Bimby, nang abutan sila roon ng lock-down dahil sa Covid-19 pandemic.  (NORA V. CALDERON)

DepEd: Mga paaralan, last option sa vaccination sites

Posted on: March 29th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) na ang mga paaralan ay dapat na gamitin lamang bilang last resort o huling opsiyon bilang vaccination sites, ngayong nagpapatuloy na ang inoculation rollout ng pamahalaan laban sa COVID-19.

 

 

Binigyang diin ni DepEd Sec. Leonor Briones ang panukala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng Department of Interior and Local Government (DILG) na gagamitin lamang ang mga paaralan kung wala nang iba pang pasilidad sa mga lokalidad.

 

 

Nakasaad sa polisiya ng DepEd sa pagpapatupad ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan (NDVP) para sa COVID-19 na ang pagpili sa mga paaralan bilang last resort ay dapat na nasa istratehikong lokasyon na may sapat na espasyo, pasilidad, at human resources, kasama ng iba pang pamantayan na itinakda ng DOH.

 

 

Bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at kapakanan ng mga kawani ng DepEd na nagtatrabaho onsite at mga mag-aaral, binigyang-diin din ng Kalihim na ang mga pilot school na napili para sa face-to-face learning at mga paaralan na may ongoing health-related projects ay hindi kasama sa posibleng maging vaccination center.

 

 

Bukod dito, ang mga LGU at health officials ang magpapasya kung gagamitin ang mga paaralan bilang isolation at immunization site dahil ang paggamit dito para sa parehong dahilan ay hindi inirerekomenda.  (Gene Adsuara)

Fernando, nanawagan ng pagkakaisa at pagsunod sa batas

Posted on: March 29th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS– Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan sa mga Bulakenyo ng pagkakaisa at pagsunod sa batas sa pagsasailalim sa Bulacan, kasama ang iba pang lugar na kabilang sa “NCR bubble” na binubuo ng Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal, sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula sa Lunes, Marso 29, 2021 hanggang Abril 4, 2021.

 

 

Sa kanyang Facebook live kagabi, sinabi ng gobernador na ang hakbang ng gobyerno na ilagay ang mga binanggit na lugar sa mas mahigpit na quarantine protocol ay ginawa upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa.

 

 

“Dama ko po ang inyong kalagayan. Matagal na tayong nakikipaglaban sa pandemyang ito at ngayon pa lamang po tayo unti-unting bumabangon sa lahat ng bagay. Sa kasamaang palad, itong sabay-sabay na paglabas ng tao, kasama po ang pagpasok ng bagong variants ay lubhang nagpabilis sa pag-akyat ng mga bagong kaso ng COVID-19. Sa isang linggong lockdown po, hiling ko po ang pagkakaisa nating lahat, pagtalima sa batas, pagpapairal ng minimum health standards, at pagdadamayan sa ating bago na namang pagsubok,” anang gobernador.

 

 

Hiniling din niya sa mga samahang panrelihiyon sa lalawigan na manalangin sa Panginoon para sa kaligtasan ng mga Bulakenyo.

 

 

“Gamitin natin ang sandaling ito ng Kuwaresma, para sa taimtim na panalangin at pagsusumamo natin sa ating Dakilang Diyos na Siyang tanging kapangyarihan na makapagpapahinto at tatapos sa pandemyang ito,” ani Fernando.

 

 

Gayundin, bilang karagdagan sa mga nauna nang inilabas na Executive Order para sa pagbabantay sa mga malakihang pagtitipon; liquor ban; at barangay ronda, sinabi ni Fernando na maglalabas siya ng isa pang Executive Order para sa mga kapitan ng barangay upang maglaan ng quarantine o isolation facility sa kani-kanilang lugar.

 

 

Ayon sa gobernador, sa ilalim ng ECQ, magkakaroon ng istriktong pagpapatupad sa pananatili sa tahanan; limitadong pampublikong transportasyon kung saan pinapayagan ang mga dyip at tricycle ngunit kailangang bantayan ang social distancing at minimum health standard protocolscurfew simula alas 6:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga; walang operasyon ang mga mall maliban sa mga kinakailangang produkto at serbisyo na may 50% operational capacity sa mga restawran na maaari lamang para sa take-out at delivery; limitadong interzonal na paggalaw; at pinahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint. Ngunit, aniya, hintayin ang opisyal na dokumento mula sa pamahalaang nasyunal para sa kalinawan.

 

 

Ayon sa pinakahuling tala mula sa Provincial Health Office-Public Health, noong Marso 27, 2021, nakapagtala ang Bulacan ng 2,753 kabuuang bilang ng aktibong kaso na may 384 fresh cases, 271 late cases, 156 bagong beripikang paggaling, at walang bagong beripikang pagkamatay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

ANDRE, longtime dream ang makapasok sa PBA tulad ng ama na si BENJIE

Posted on: March 29th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

DAHIL opisyal nang PBA player na si Andre Paras after siyang ma-draft sa Blackwater team, kikita ito ng higit na P3 million for two years sa pinirmahan niyang kontrata.

 

 

Mahahati nga raw ang panahon ni Andre between sports at sa showbiz. Kasalukuyang host si Andre ng GTV game show na Game of the Gens.

 

 

Hindi naman tinago ni Andre na longtime dream niya ang makapasok sa PBA tulad ng kanyang ama na si Benjie Paras na isang PBA Legend.

 

 

Kung kaya raw ipagsabay ni Andre ang showbiz at basketball, gagawin niya dahil pareho raw niyang mahal ang dalawa.

 

 

“My motto in life it’s always: change your happiness to what makes you happy. And showbiz or hosting makes me happy, basketball makes me happy. 

 

 

“And at this point sabay pa rin sila, so I have no reason to choose one, kasi sabay naman po sila, both make me happy,” sey ni Andre.

 

 

***

 

 

KINUWENTO ng award-winning actor na si Albert Martinez sa programang Tunay Na Buhay ang naging love story nila ng yumaong niyang misis, ang aktres na si Liezl Sumilang-Martinez.

 

 

Ayon kay Albert, hindi naging madali ang love story nila ni Liezl pero hinarap daw niya ang lahat ng problema dahil tunay silang nagmamahalan ni Liezl.

 

 

“The best part of our love story it’s you and me against the world dahil lahat pinaglaban namin just to be together. Hindi ganun kadali ‘yung mag-elope, especially ‘yung mother-in-law ko (the late Amalia Fuentes) was so upset about it, and nag-struggle kami from scratch.

 

 

‘Yung relationship namin as husband and wife is so strong, kaya namin labanan kahit anong itapon sa amin na problema.”

 

 

Pumanaw si Liezl noong 2015 matapos ang mahigit na pitong taong pakikipaglaban sa sakit na breast cancer.     Best friend ang turing ni Albert sa kanyang misis.

 

 

“She’s my best friend, and she handles everything for me. Ako lang, I can work. That’s it. The rest siya lahat nagha-handle. And she really took care of me so well. Pero ‘yung nami-miss ko lang ‘yung moment namin dito na talking, mga conversations namin.”

 

 

Ngayon ay enjoy maging lolo si Albert sa tatlo niyang apo.

 

 

Balik-Kapuso na nga si Albert sa pamamagitan ng afternoon drama na Las Hermanas, kung saan makakasama niya sina Yasmien Kurdi, Thea Tolentino, at Faith Da Silva.

 

 

***

 

 

PUMANAW na ang Emmy Award winner na si Jessica Walter noong March 24 sa edad na 80.

 

 

Hindi na raw nagising ang aktres ayon sa kanyang anak.

 

 

Nakilala si Jessica sa comedic role niya sa sitcom na Arrested Development. Lumabas din siya sa mga series na Trapper John, M.D., Streets of San Francisco, Amy Prentiss, Dinosaurs, Archer, 90210 at The Big Bang Theory.

 

 

Unang lumabas ang aktres sa 1964 film na Lilith. Naging leading lady siya sa directorial debut ni Clint Eastwood na Play Misty For Me. (RUEL J. MENDOZA)

Notoryus snatcher nasakote sa Caloocan

Posted on: March 29th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) District Special Operations Unit (DSOU), agad naaresto ang isang umano’y notoryus na snatcher matapos hablutin ang cellphone ng isang estudyante sa Caloocan city.

 

 

Kinilala ni NPD-DSOU PMAJ Amor Cerillo ang naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RPC Art 294 (Robbery Snatching) na si Joel Banahon.

 

 

Ayon kay PMAJ Cerillo, dakong 10 ng gabi, nagsasagawa sila at kanyang mga tauhan ng surveillance at covert anti criminality operation sa Langaray St. corner Pampano St. Brgy. 14 ng lungsod.

 

 

Dito, napansin nila ang paghingi ng tulong ng biktimang si Daverson Bern Buhain, 19, estudyante, residente sa naturang lugar matapos agawan ng cellphone ng suspek.

 

 

Mabilis namang rumesponde si Major Cerillo at kanyang mga tauhan saka hinabol ang suspek hanggang sa makorner nila ito at maaresto kung saan nang kapkapan ay mabawi sa kanya ang cellphone ng biktima. (Richard Mesa)