HINDI lang ang Pilipinas ang nasa ilalim at nagpapatupad ngayon ng lockdown.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi.
Aniya, ang iba pang bansa na nagpapatupad ng lockdown para mapigil ang pagkalat ng Covid-19 at mapigil na bumagsak ang healthcare systems ay Ukraine, France, Germany, Poland, Canada, at Italy.
“Ang gobyerno ba natin nagkulang? Ang gobyerno ba natin walang ginawa? Alam mo sa totoo lang ang naka-lockdown ngayon naka-lockdown ang the countries of Ukraine, France, Germany, Poland, Canada, Italy,” ayon sa Pangulo.
Aniya, ang bagong Covid-19 strains ang dapat sisihin sa pagsirit ng infection sa buong mundo.
Sinabi ng Pangulo na siya ang huling tao sa bansa na magpapahirap sa mga Filipino sa pamamagitan ng paglilimita sa pagkilos ng mga ito.
Hangad naman ng Pangulo na mayroon siyang kapangyarihan para mawala na ang Covid-19 upang makabalik na sa normal ang pamumuhay ng sambayanang Filipino.
“If only I had the power – kung nandiyan lang sa akin ‘yong poder na like a magic wand na maalis kaagad itong problema natin, mawala, gagawin ko ,” ang pahayag ng Punong Ehekutibo.
Inamin naman ng Chief Executive na nahihirapan siyang labanan ang usapin ng Covid.
Sa katunayan ay nakuha na ng isyu ng Covid ang kanyang oras na dapat ay nakatuon na sa ibang usapin.
“I’m having a hard time. I’m grappling with the issue of Covid. It takes most of my time actually. More than any other papers, it’s the Covid that is taking my time or most of my time looking for ways and kung ano na ang nangyayari doon sa labas kung saan tayo makakuha,” anito.
Nauna rito, mananatili naman sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) classification ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal hanggang Abril 4, 2021.
Inanunsyo ni Pangulong Duterte na ang Santiago City ay isinailalim niya sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula Abril 1 hanggang Abril 30, 2021; habang ang Quirino Province ay isinailalim din niya sa MECQ mula Abril 1 hanggan Abril 15, 2021.
Para sa Luzon, ang buong Cordillera Administrative Region (CAR); Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya sa Region II; at Batangas ay nasa ilalim naman sa General Community Quarantine (GCQ) hanggang Abril 30, 2021.
At nasa ilalim naman ng GCQ para sa buong buwan ng Abril ay ang Tacloban City para sa Visayas; at Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur para sa Mindanao.
Ang lahat ng iba pang lugar ay isasailalim naman sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) para sa buong buwan ng Abril. (Daris Jose)