GAGAMITIN ng gobyerno ang diplomatic relation para makakuha ng AstraZeneca vaccine.
Ito’y upang masiguro na hindi mabibitin sa pagtuturok ng ikalawang dose ang mga naturukan ng Astrazeneca sa harap ng umano’y pagkakaantala sa pagdating ng mga bakuna mula sa COVAX Facility.
Ayon kay Chief Implementer at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, may problema talaga patungkol sa global supply na kahit ang malalaki at mayayamang bansa ay nahahagip.
“Nakita po natin talaga na mayroon pong problema iyong tinatawag nating global supply even alam natin sa India, sa Europe or even sa US. So ang naano po natin ngayon ay talagang ginagawa po natin ang lahat ng magagawa, may mga diplomatic relation natin ngayon para makapag-produce tayo ng AstraZeneca vaccine,” ang pahayag ni Galvez.
Ani Gavez, ginagawa naman nila ang lahat ng magagawa para makapag- produce ng kailangang bakuna partikular ng AstraZeneca vaccine at isa na dito ang paggamit ng diplomatic relations.
Maliban dito, pinanghahawakan din aniya nila ang pahayag ni Dr Rabindra Abeyasinghe ng WHO na baka may dumating ngayong Abril na 2nd dose ng Astrazeneca na nasa 525,600 doses.
“Umaasa po kami na mayroon po tayong makukuha considering that mayroon din tayong procurement. And rest assured na we will do our best na iyong second dose ng 525,600 doses ay magagawa po natin iyan. At nagsabi naman po si Dr. Rabi na baka po dumating mga end of April,” aniya pa rin.