• December 19, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 21st, 2021

Diaz determinado sa Olympics gold

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Imbes na umuwi sa Pilipinas ay babalik si 2021 Olympic Games qualifier Hidilyn Diaz sa kanyang training camp sa Kuala Lumpur, Malaysia para mu-ling sumabak sa ensayo.

 

 

Ito ay dahil determinado ang tubong Zamboanga City na maibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang gold medal sa Olympics.

 

 

Pumuwesto sa ikaapat si Diaz sa women’s 55-kilogram division ng Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekis-tan kamakalawa ng gabi.

 

 

“Ang dami ko pang kailangang gawin,” sabi ni Diaz sa kanyang preparas-yon sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan. “Kailangan ko pang bugbugin ang sarili ko sa training. I think iyon ‘yung maganda sa larong ito– natalo ako, pero ang dami kong natutunan.”

 

 

Sasabak si Diaz sa kanyang pang-apat na Olympic appearance matapos noong 2008 (Beijing), 2012 (London) at 2016 (Rio de Janeiro, Brazil).

 

 

Si Diaz ang pang pitong Pinoy na lalahok sa 2021 Tokyo Games sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 kasama sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.

 

 

“Let’s move on to the ultimate challenge, the Tokyo Olympics” ani Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella kay Diaz.

MOTOR BINANGGA NG TRUCK, RIDER UTAS, ANGKAS MALUBHA

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Isang 24-anyos na rider ang nasawi habang nasa kritikal naman na kondisyon ang kanyang angkas matapos salpukin ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng isang Isuzu Elf truck sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

 

 

Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jessie Boy Tapia, 24 ng 160 Gen. Mascado St. Bagong Barrio.

 

 

Ginagamot naman sa naturang pagamutan sanhi rin ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang kanyang back rider na si Joko Sarmiento, 19, crew at residente ng 32 Gen. Evangelista St. Brgy. 144.

 

 

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury at Damaged to Property ang driver ng Isuzu Elf (CAF-2639) na si Jomar Anilao, 29, fish vendor ng Deparo 2 Diamante Sterling 2 Brgy. 170.

 

 

Ani Caloocan police traffic investigator PCpl Rhou Anthony Gudgad, dakong 3:50 ng madaling araw, sakay ang mga biktima sa isang Yamaha Nmax at binabagtas ang westbound lane ng EDSA habang tinatahak din ng Isuzu Elf na minamaneho ni Anilao ang EDSA patungong Balintawak.

 

 

Pagsapit sa A. De Jesus Street, hindi napansin ng truck driver ang motorsiklo na minamaneho ni Tapia na nag U-turn patungong Balintawak na naging dahilan upang mabangga nito ang likuran bahagi ng motor.

 

 

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima sa motorsiklo na naging dahilan upang agad na isinugod sa naturang pagamutan ng rumespondeng DRRMO ambulance habang sumuko naman sa pulisya ang truck driver. (Richard Mesa)

Kaparian sa Archdiocese of Manila, hinikayat ni Bishop Pabillo na magtatag ng community pantry

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Ikinatuwa ng opisyal ng simbahan ang pagtutulungan ng mamamayan upang maibsan ang paghihirap  ng kapwa dulot ng coronavirus pandemic.

 

 

Ito ang tugon ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Commission on Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa lumaganap na ‘community pantry’ kung saan maaaring kumuha ng libre ang kahit na sinong nangangailangan ng pagkain.

 

 

Ayon sa obispo ito ay konkretong hakbang na nagpapakita ng pagiging bukas palad sa pangangailangan ng kapwa.

 

 

“We commend the initiative of the community pantry kasi ito po ay nagpapakita ng pagtutulungan; it’s a very good way of spreading generosity and bayanihan among us,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.

 

 

Kamakailan ay pinasimulan ng isang mamamayan ng Maginhawa street sa Quezon City ang Maginhawa Community Pantry kung saan naglalagay ng iba’t ibang uri ng pagkain tulad ng bigas, gulay, de lata at iba pa sa tabi ng daan kalakip ang paalalang ‘Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.’

 

 

Nag-viral online ang naturang adbokasiya na agad lumaganap hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

 

 

Paalala ni Bishop Pabillo sa mamamayan na kumuha lamang ng sapat upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na magkaroon ng pagkain sa hapag kainan.

 

 

“Hinihiling lang natin na we get what we need for that day believing that God will provide for another day; iwasan po ang hoarding na pansarili lamang,”  ani Bishop Pabillo.

 

 

Naniniwala si Bishop Pabillo na kung mas maraming  mga community pantries sa buong bansa mas higit na pansamantalang matutulungan ang mamamayan sa pang araw-araw na pangangailangan.

 

 

Dahil dito hinimok ni Bishop Pabillo ang mga parokya sa arkidiyosesis lalo na ang mga Basic Ecclesial Communities (BEC) na tularan ang magandang inisyatibo.

 

 

“Dito sa Manila ini-encourage ko po ang mga pari, ang mga parokya o sa pamamagitan ng mga BECs na makiisa sa ganitong initiative; it’s a good way of spreading this bayanihan among us,”giit ng obispo.

 

 

Umaasa rin ang obispo na bukas sa pagtugon ang mga may kakayahang tumulong sa paglunsad ng mga community pantry upang higit na maipadama sa pamayanan ang diwa ng pag-ibig ni Kristong muling nabuhay at ang diwa ng pagtutulungan lalo na sa panahon ng krisis.

 

 

Una nang sinabi ng National Economic Development Authority na mahigit sa tatlong milyong indibidwal sa Metro Manila ang nakararanas ng kagutuman dahil sa pandemya habang iniulat naman ng Department of Labor and Employment ang mahigit sa dalawang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa dalawang linggong ECQ.

DOTr: Inagurasyon ng 2 bagong LRT 2 stations pinagpaliban

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Pinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang inagurasyon ng 2 bagong estasyon ng Light Rail Transit Line 2 East Extension mula sa dating April 26 at inilipat sa June 23 dahil na rin sa kagustuhan na magpatupad ng striktong health protocols.

 

 

Hindi na muna tinuloy ang inagurasyon dahil na rin sa mga bagong pangyayari na may kinalaman sa COVID 19 kahit  kumpleto na ang buong proyekto.

 

 

Magkakaron na lamang ng trial run para sa 2 bagong estayon ng LRT 2 sa darating na April 26.

 

 

Ayon kay DOTr undersecretary Timothy John Batan na hindi lamang tumataas ang bilang ng COVID 19 sa mga empleyado ng LRT 2 ang dahilan kung hindi dahil na rin ang Metro Manila ay nasa ilalim ngayon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang katapusan ng buwan.

 

 

Isa pa rin sa dahilan ay ang mga banyagang naatasan na gumawa ng final stages sa installation, testing, at commissioning ng LRT 2 East Extension ay hindi makapasok ng bansa dahil sa pinaiiral na travel restrictions.

 

 

“Moreover, foreign rail experts who are necessary in the final stages installation, testing and commissioning works for the project have been unable to report for work or enter the country due to stringent restrictions being enforced,” wika ni Batan.

 

 

Dagdag pa rin ni Batan na kinakailangan din na ipagpaliban ang inagurasyon dahil na rin upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero at empleyado ng rail lines.

 

 

Ang 2 bagong estasyon sa Marikina at Antipolo ay magbibigay ng serbisyo sa mga pasahero mula Recto sa Manila papuntang Masinag at pabalik. Inaasahang mababawasan ang travel time mula sa dating tatlong (3) oras sa pamamagitan ng jeepney o bus at kung saan ito ay magiging 40 minuto na lamang. Kapag fully operational na ang LRT 2 East Extension ito ay inaasahang makapagsasakay ng 80,000 na pasahero kada araw.

 

 

Dati pa na iniyahag ng pamunuan ng LRT 2 na ang train trips ay magsisimula ng 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi hanggang matapos ang MECQ sa April 30.

 

 

Sa kabilang dako naman, mayron ng 282 rail workers ang gumaling mula sa COVID 19 simula noong Biyernes:  LRT Line 1-103; LRT 2 – 83; MRT 3 – 67; PNR -29.

 

 

Mula sa datus ng DOTr, ang apat (4) na rail lines ay may naitalang 703 na active cases ng COVID 19. Mula sa LRT 2- 233, LRT 1 -58, PNR – 221, at MRT 3 – 191 na mga active cases ang naitala.

 

 

Sa kabuohang 8, 277 na empleyado ng LRT 1, LRT 2, MRT3, at PNR, may 5,454 na ang nakonpirma na may COVID 19.  (LASACMAR)

PILIPINAS SA ASEAN, PANGATLO SA VACCINATION ROLL

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

PUMAPANGATLO ang Pilipinas sa ASEAN countries pagdating sa vaccination roll out ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).

 

 

Sa media forum ng DOH, sinabi Dr.Myrna  Cabotaje, head ng vaccine cluster ng ahensya na umabot na sa  1,456,793 ang nabakunahan  nang Sinovac at AstraZeneca.

 

 

Pangatlo ang Pilipinas sa Indonesia at Singapore .

 

 

Aniya may problema sa suplay pero may dumating naman kaya nakapagbakuna ng maraming indibidwal.

 

 

Sa nasabing bilang, nasa 1,264,811 na ang nabigyan ng bakuna sa unang dose habang 191,982 naman ang nakakumpleto sa pangalawang dose kung saan ito ang mga frontline health care workers .

 

 

Ayon kay Cabotaje, nasa 36% bakuna na ang naibigay sa mag health care workers habang 10%  naman sa senior citizens at 14% s amga indibidwal na may comorbidities.

 

 

Ito ay mula sa 3,155 vaccination sites na nagsagawa ng pagbabakuna.

 

 

Samantala, nasa 3,025,00 bakuna na ang naideliver sa buong bansa  at ngunit dahil sa limitadong suplay, ang COVID-19 prioritization framework ang ipinatutupad upang maprotektahan una ang mga nasa “risk” at “most vulnerable”.

 

 

Nagpapatuloy naman ang simultaneous vaccination sa mga priority group A1 o workers of frontline health services, A2 o Senior Citizens at A3 o mga persons with co-morbidity sa NCR plus bubble.

 

 

Sa ilang mga lugar, nagsimula na rin ang pagbabakuna sa A2 dahil sa surge ng mga kaso at dahil ang mahalagang bahagi ng A1 ay nabakunahan na. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

LALAKI NA PINANGBILI ANG P1K NA AYUDA NG DROGA SA KYUSI ARESTADO

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ng Quezon City Police District ang isang 40-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng shabu na binili gamit ang natanggap na P1,000 na ayuda mula sa gobyerno.

 

 

Sa ulat, na ipinadala kay QCPD Director P/B.Gen Danilo Macerin ni P/Lt.Col Melchor Rosales, alas-3 ng madaling araw nang sitahin ang suspek na si Joven Llera, residente ng Barangay Balara, sa Laura street dahil sa paglabag sa curfew hours.

 

 

Nabatid na una na rin sinita ang suspek sa nabanggit na lugar dahil sa paglabag sa curfew hours at iniuwi ito ng mga barangay tanod.

 

 

Ngunit bumalik ito sa lugar kung saan siya unang sinita para diumano hanapin ang isang sachet ng shabu na itinapon niya sa damuhan at nagkataon na nadaanan siya ng mga nagpapatrulyang pulis.

 

 

Inamin diumano ni Llera na nakabili siya ng shabu dahil sa natanggap na P1,000 ECQ cash aid mula sa Social Amelioration Program . Mahaharap sa aksong pag labag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive dangerous Drug Act. (RONALDO QUINIO)

Cray sasalang sa 9-track competitions

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Siyam na track and field competitions ang nakatakdang lahukan ni Fil-American trackster Eric Cray sa hangaring makakuha ng tiket para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.

 

 

Layunin ng six-time Southeast Asian Games gold medalist na makuha ang Olympic standard na 48.90 segundo sa men’s 400-meter hurdles.

 

 

Kasama sa mga torneong lalahukan ni Cray para makaabot sa nasabing Olympic standard ay ang Don Kirby Tailwind Open sa Abril 22 sa New Mexico, ang Drake Relays sa Abril 24 sa Iowa at ang Texas Meet sa Abril 30.

 

 

Kamakailan ay nagtakbo ang 32-anyos na tubong Olongapo City na si Cray ng bronze medal sa kanyang inilistang 51.06 segundo sa 2021 Michael Johnson Invitational sa Clyde Hart Track and Field Stadium ng Baylor University sa Waco, Texas.

 

 

Aminado si Cray na malaki pa ang kanyang agwat para makasikwat ng ticket sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

 

 

Sa susunod na buwan ay lalahok si Cray sa apat na athletics event para mapaganda ang kanyang oras.

 

 

Hangad ni Cray na maging pang-walong Pinoy Olympic qualifier matapos sina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.

 

 

Bukod kay Cray, tumatarget din ng Olympic slot sina Fil-Am sprinter Kristina Knott at pole vaulter Natalie Uy.

Federer handa ng sumabak sa French Open

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Kinumpirma ni tennis star Roger Federer ang pagsabak nito sa French Open.

 

 

Sa kaniyang Twitter account sisimulan nito ang pagsasanay sa pamamagitan ng pagsali sa Geneva Open sa susunod na buwan.

 

 

Mahigit isang taon kasi na hindi sumali sa French Open ang 39-anyos na Swiss player dahi sa dalawang beses na operasyon sa kaniyang tuhod.

 

 

Gaganapin ang Geneva APT 250 mula Mayo 16-22 habang ang French Open na magsisimula sa Paris ay gaganapin sa Mayo 30.

Baril tinangkang agawin, drug suspect malubha sa pulis

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nasa malubhang kalagayan ang isang 32-anyos na drug personality na nagtangkang gahasain ang isang 15-anyos na estudyante matapos pumutok ang service firearm ng isang pulis na kanyang tinangkang agawin sa isang entrapment operation sa Caloocan city.

 

 

Kinilala ni District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) officer-in-charge P/Maj. Amor Cerillo ang naarestong suspek na si Angelito Mandap, ng 335 Libis Talisay, Brgy 12.

 

 

Sa kanyang report kay P/Lt. Col. Allan Umipig, acting chief ng District Intelligence Division (DID), sinabi ni Maj. Cerillo na humingi sa kanila ng tulong ang isang 15-anyos na dalagita matapos tangkain gahasain ni Mandap nang mabigo siyang akitin ang biktima na makipagtalik sa kanya kapalit ng isang cellphone.

 

 

Sinabihan ni Cerillo ang biktima na muling makipagkita sa suspek matapos ang isinagawang briefing para sa isasagawang entrapment operation na nilagyan ng sulat ng koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya na nagpapatupad ng batas, kabilang ang Caloocan City Police.

 

 

Habang hinihikayat ni Mandap ang biktima na makipagtalik sa kanya nang magkita sila sa kahabaan ng Libis Talisay St., dakong 10 ng umaga, agad inatasan ni Maj. Cerillo si P/SSgt. Francis Gary Dilag at apat na iba pang pulis na arestuhin ang suspek.

 

 

Gayunman, pumalag si Mandap at tinangkang agawin ang service firearm ni SSgt. Dilag kaya’t nagpambuno ang mga ito hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan ang suspek sa ibabang bahagi ng tiyan na tumagos ang bala sa likod.

 

 

Isinugod siya sa Caloocan City Medical Center kung saan ito patuloy na inoobserbahan habang napag-alaman ng pulisya na kabilang si Mandap sa Drug Watch List ng Brgy. 12 sa Caloocan city.

 

 

Ayon kay Maj. Cerillo, kasong paglabag R.A 7610 (Child Abuse), paglabag sa Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) at Art 148 of RPC (Direct Assault) ang isinampa nila kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Magandang itinatakbo ng vaccination rollout ng bansa, pinuri ni PDu30

Posted on: April 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Patunay kasi ito na ginagawa PINURI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte Jr. magandang itinatakbo ng vaccination rollout sa bansa.

 

ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para tiyakin na mas maraming Filipino ang protektado laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

 

Sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi ay sinabi ng Pangulo na labis siyang nasisiyahan sa mga ulat na nagpapakita na mahigit na sa 1.4 million vaccine doses ang naiturok sa mga Filipino magmula nang sumipa ang vaccination drive noong Marso 1, 2021.

 

Ang mga Filipino ay naturukan ng Sinovac Biotech Ltd. o British-Swede firm AstraZeneca.

 

Sa ulat, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na ang PIlipinas ay nasa pangatlong ranggo sa Southeast Asia pagdating sa Covid-19 vaccination matapos ang Indonesia at Singapore.

 

Nasa 41 naman ang ranggo ng Pilipinas mula sa 173 bansa na nagsimula nang pagbabakuna at 14 naman ang ranggo mula sa 47 bansa sa Asya.

 

“Maganda ang record natin despite unfounded criticisms. The Philippines was able to get the upper berth, I said of the countries that are inoculated. Maganda and record niyan to think people were almost in a quandary where to get the next vaccination,” ayon sa Chief Executive.

 

Batid naman ng Pangulo na ang itinatakbo ng vaccination rollout sa bansa ay hindi kasi bilis ng inaasahan ng lahat.

 

Subalit, binigyang diin ng Punong Ehekutibo na mahigit na sa 1 milyong katao ang nabakunahan.

 

“Nakita mo naman hindi pala tayo yung pinaka mahina. Mataas nga yung atin,” aniya pa rin.

 

Sa kabila aniya ng pagkaantala ng pagdating ng Covid-19 vaccine doses, masasabing ang performance ni Galvez ay “more than acceptable”.

 

“It speaks well of the efforts of your office to at least come to a more than an acceptable performance in the matter of the fight against Covid,” diing pahayag ng Pangulo.

 

Samantala, tiniyak naman ni Galvez, na mahigit sa 2 million Covid-19 vaccine doses ang inaasahan na darating sa bansa ngayong buwan ngAbril, 4 million doses naman sa buwan ng Mayo at 7 hanggang 8 million doses naman sa Hunyo.

 

Layon ng Pilipinas na makapag-secure ng 148 million doses ng Covid-19 vaccines mula sa ilang kompanya para ibakuna sa 50 hanggang 70 milyong Filipino ngayong taon. (Daris Jose)