HINDI mamarkahan ng “absent” ang mga empleyado na magpapabakuna laban sa Covid-19 sa isasagawang 3-day national vaccination event sa Nov. 29-Dec. 1.
Kailangan lamang na magpakita ng “proof of inoculation” ang mga empleyadong magpapabakuna laban sa nasabing virus.
Tinintahan kasi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang kautusan na nagsasaad na ang mga empleyado na makatatanggap ng COVID-19 shots sa isasagawang 3-day national vaccination event sa Nov. 29-Dec. 1 ay hindi mamarkahan ng absent subalit kailangang magpakita ng pruweba na binakunahan nga sila.
Nauna rito, idineklara naman ni Pangulong Duterte ang November 29, 30 at December 1 bilang Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days.
Ito ang nakasaad sa ilalim ng Proclamation 1253 na ipinalabas ni Pangulong Duterte araw ng Miyerkules kung saan ay pinapayagan ang public at private sector employees na magpabakuna sa mga nasabing araw na hindi mamarkahan ng absent mula sa trabaho, subalit kailangan lamang magpakita ng pruweba na nabakunahan nga sila sa nasabing petsa.
Sinabi pa rin ng Malakanyang na special working day sa Nobyembre 29 at Disyembre 1, 2021.
Ang mga araw na nabanggit ay bahagi ng isasagawang 3 araw na national COVID-19 vaccination drive na magsisimula sa Nob. 29. hanggang Dis. 1.
“Sa pagkakaalam ko, magiging special working day sya,” ayon kay Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sa ngayon, naghahanda na ang Local Government Units (LGUs) para sa nasabing event.
Para naman sa National Vaccines Operation Center (NVOC), pasisimplehin ang mga requirements sa national COVID vaccination days, at hinihikayat na rin ang mga LGU na tumanggap ng mga walk in sa mga araw na iyon.
Target ng gobyerno, makapagbakuna ng 15 milyong Pilipino sa loob lang ng tatlong araw na vaccination drive.
Planong itaas sa 11,000 ang kasalukuyang 8,000 active COVID vaccination sites sa buong bansa para sa pagdaraos ng national vaccination drive.
Nasa 170,000 hanggang 200,000 na healthworkers naman ang planong ilalagay dito, sa tulong ng government agencies, private sector at non-government organizations. (Daris Jose)