KULONG ang dalawang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Ross Deguia, 23 ng Celia I St., Brgy. Bayan-Bayanan at Christopher Sunglao alyas “Pudong”, 35 ng Brgy. Longos, kapwa (pusher/watch listed).
Ayon kay Col. Barot, dakong alas-3:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy busy operation sa Celia II St., Brgy. Bayan-Bayanan kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P500 halaga ng droga.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Jerry Basungit, nasamsam sa mga suspek ang tinatayang nasa 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P204,000, buy bust money, at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)