NAGSIMULANG mangamba si Angela nang makitang tumataas ang tubig sa labas. Silang dalawa lang ni Bela sa bahay dahil nakauwi na sa sarili niyang bahay si Lola Corazon hatid ni Mang Delfin.
Tinawagan niya si Bernard.
“Hello, sweetheart, mas mabuti pa siguro kung umuwi ka na lang bago pa lumaki ang baha.”
“Baha? Hindi naman binabaha sa lugar natin ah!”
“Ngayon lang nga nangyari ito sa tinagal tagal natin dito sa Villa Luna Subdivision. Kaya natatakot ako.”
“Don’t worry sweetheart, baka naman maliit lang ang baha. Stay calm okay.”
Hindi pa rin mapakali si Angela. Inumpisahan niyang iimpake ang ilang mahahalagang gamit at mga dokumento. Gusto niyang maging handa sa anumang pwedeng mangyari. Panay ang silip niya sa bintana at minomonitor kung tumataas ba o bumababa na ba ang baha. Hindi tumitigil ang pagbuhos ng malakas na ulan kaya sa tingin niya ay lalo pang lumalaki ang tubig sa labas.
“Mom, what’s going on outside?”
“There’s a flood Bela. But don’t worry, mom is here. Pauwi na rin si daddy mo.”
Napansin ni Angela na nagiging mabilis ang pagtaas ng tubig. Kaya’t muli niyang tinawagan si Bernard.
“Angela, huwag kang magpanic, sige uuwi na’ko, I’ll be there asap okay?”
“Mag-iingat ka Bernard. Please umuwi kang ligtas.”
“Of course. Doon na muna kayo magstay ni Bela sa itaas.”
“Bernard, ano kaya kung umalis na kami rito?”
“Hindi naman siguro lalaki ng sobra ang baha. Magstay na lang kayo diyan. Mas delikado sa labas.”
“O-Okay…”
Ilang sandali pa ang lumipas at patuloy pa rin ang pagbira ng bagyo. Kaya’t patuloy din ang pagtaas ng tubig sa kanilang lugar. Kung kailan nagmamadaling makauwi ay saka naman inabot ng sobrang traffic si Bernard dahil din sa hindi na magandang kondisyon ng mga daan gawa ng malakas na ulan at hangin.
“Dapat nakinig ako kay Angela. Dapat hindi na lang ako pumasok kanina…” ani Bernard sa sarili.
Naghanap siya ng shortcut na daan pero sa traffic pa rin siya humahantong.
Nilapitan ni Bela ang mommy niyang nasa terrace sa itaas nila at nakatanaw sa labas.
“Mom, bakit po may baha?”
“Nakakalbo na kasi ang mga kabundukan. Wala ng mga punong pumipigil sa pag-agos ng tubig. Kaya nakaabot na rin sa atin ang baha.”
“I’m afraid mom…are we going to drown?”
Napatingin si Angela kay Bela dahil sa sinabi nito.
“Of course not sweety!” sabay yakap niya sa anak.
“Be brave. Nandito si mommy sa tabi mo at si daddy parating na rin.”
Subalit…
“Teka, anong sinasabi mo na hindi na ako pwedeng makapasok sa Villa Luna?”
“Mataas na po ang baha boss. Delikado na. Kaya mga rescuers na lang ang pinapayagan doon.” Anang pulis sa checkpoint.
“No! Hindi pwede. Walang kasama ang mag-ina ko, kailangan nila ko!”
“Kaya nga po pinapasok ang mga rescuers boss, para maisalba ang mga tao sa loob. Huwag na pong matigas ang ulo nyo para hindi na madagdagan pa ang problema!”
Hindi makapaniwala si Bernard. Sapo ang noong bumalik siya sa kotse.
“Hindi pwede ‘to…tatawagan ko si Marcelo, baka matulungan niya ko…”
Pinatay na ang kuryente sa buong subdivision dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig doon. Kaya’t ang pangamba ni Angela ay lalong nadagdagan. Panay ang haplos niya sa kanyang tiyan.
“Mommy, bakit wala pa po si daddy?”
“On the way na siya anak. Baka maya-maya lang ay nandito na ‘yon.”
Agad sinagot ni Angela ang cellphone nang tumunog ito.
“Sweetheart, nasaan ka na?”
“Kumusta kayo diyan, anong sitwasyon nyo?”
“Nandito pa rin kami sa itaas. Ikaw?”
“Angela, nasa main gate ako, ayaw na nilang magpapasok sa subdivision. Pero pinapasok na nila ang mga rescuers, kaya’t kung may mapapadaan diyan, sumama na kayo ni Bela, naiintindihan mo ba?”
“I-Ibig sabihin, gano’n na kalala ang sitwasyon?”
“I’m sorry Angela, sana pinayagan na kitang makaalis kayo diyan kanina…kasalanan ko…baha na rin dito sa labas, pero mas malalim na raw diyan sa loob. Don’t worry, gagawa pa rin ako ng paraan kung paano ako makakapasok diyan. Tinawagan ko na si Marcelo, sabi niya pupuntahan niya ko rito, baka sakaling makapasok kaming dalawa!”
“No Bernard! Diyan ka na lamang kung saan ka ligtas. Huwag mong sisihin ang sarili mo at huwag kang mag-alala, hindi ko pababayaan si Bela at ang baby natin sa tiyan ko.”
“I know sweetheart. Pero hindi pa rin ako mapapalagay hangga’t hindi ko kayo kasama.”
“Bernard, kapag hindi mo na’ko makontak, just in case na malobat ako or mawala ang signal, huwag kang masyadong mag-aalala, mananatili kaming ligtas.” Pilit pinapatatag ni Angela ang boses kahit pa naiiyak na siya sa takot at kaba.
“Please Angela, hangga’t maaari sikapin mo na huwag mawala ang komunikasyon natin, pakiusap…I love you sweetheart!”
“I love you too…”
Ipinakausap din ni Angela si Bela sa daddy niya. Habang nag-uusap ang mag-ama sa phone ay nag-iisip naman si Angela ng gagawin kung sakaling abutin na sila ng pagtaas ng tubig.
Madilim na ang paligid. Pero wala pang nakikitang mga rescuers si Angela. Hindi natitinag ang malakas na ulan kaya ang pagtaas ng tubig ay hindi rin mapigilan. Tuluyan na itong pumasok sa loob ng bahay nila hanggang sa mapilitan ang mag-inang umakyat na sa rooftop.
“Bela, eto, isuot mo itong salbabida mo. Kahit anong mangyari huwag mo itong tatanggalin sa’yo ha.”
“I’m so afraid mom!”
Niyakap ni Angela ang anak.
“Baby, hangga’t kasama mo si mommy, wala kang dapat ikatakot. Magpray lang tayo, may darating para tulungan tayo na makaalis dito.”
Makalipas pa ang ilang sandali ay hindi na makontak ni Bernard si Angela.
“Shit! No!”
Binalingan ni Bernard ang mga nakabantay na pulis.
“Bakit wala pa ring balita sa mga rescuers sa loob?”
“Kalma lang boss, ginagawa na ho namin ang lahat ng paraan para makontak sila, maghintay na lang po tayo!”
“Maghintay? May pamilya ka ba ro’n sa loob kaya ganyan ka kakalmado?”
“Naiintindihan po namin kayo boss, hindi lang ikaw, tingnan mo sila, lahat sila may pamilya sa loob pero mas pinili nila ang manahimik at manalangin habang naghihintay.”
Ngunit sino nga ba ang makakapigil sa lupit ng kapalaran, kung ang matalim na guhit nito ay nakatakda na?
Mahigpit na magkayakap ang mag-ina sa rooftop.
“Bela anak, I love you so much…” umiiyak na sabi ni Angela.
“I love you too mommy…” umiiyak ding tugon ni Bela.
Ang baha ay sumampa na sa bawat bubungan ng mga kabahayan sa subdivision. Unti-unting nilulunod ang pag-asa ng mga taong naroon.
Habang ang mag-inang Angela at Bela ay takot na hinihintay ang hampas ng malupit na alon ng tadhana ay hindi naman napigilan ni Bernard ang bugso ng kanyang damdamin bilang asawa at bilang ama. Sinuntok niya ang pulis sa kanyang harapan. Naging mitsa iyon ng pagkakagulo sa paligid. Ang ibang kanina pa rin gustong gustong makapasok sa subdivision ay pumanig kay Bernard habang ang iba naman ay umawat.
“MOMMMY!”
“BELAAAA!”
Unti-unting winawasak ng malaking baha kasabay ng malakas na ulan ang pamilya ni Bernard.
(ITUTULOY)