TALAGANG nanahimik lang ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera sa loob ng halos dalawang linggo na sila pala ay tinamaan din at nag-positibo sa COVID-19.
Tila buong household nina Dingdong at Marian ang nag-positive. Pero nang makausap namin si Dingdong at kamustahin, lalo na ang dalawang anak nila na sina Zia at Sixto, alam namin na okay na okay na nga sila at naka-recover na dahil sabi niya, “All good na kami.”
At sey pa niya, ang bilis nga raw talaga na maka-infect ng omicron.
Tila sabay rin sila ni Marian na magre-resume na sa kani-kanilang trabaho. Pagkatapos nga maging quiet sa socmed, ngayong Lunes lang din nag-post si Marian.
Sabi niya, “Good morning! Just about to start my day… thinking about everyone going through a tough time, Sending you all hugs and prayers.”
Sa isang banda, pinuri naman si Dingdong ng ilang netizens na dapat daw gano’n talaga, na very real lang, no glitz and glam at hindi na niro-romanticize pa ‘yung talagang situwasyon. Na-appreciate rin nila na tila informative pa ang video nito regarding mga dapat gawin for isolation and vaccines and booster.
Pero siyempre, meron din nag-comment na tila paraan din daw ni Dingdong para mai-campaign si Vice President Leni Robredo dahil sa nagpasalamat siya sa ipinadalang OVP COVID care package sa kanila.
Eh, base sa pagkakakuwento naman ni Dingdong, alam mong natuwa talaga ito na nakatanggap sila ng gano’ng malasakit.
Sey niya, “Isa rin sa mga mahalagang natanggap namin ay iyong COVID Care Package ng Office of the Vice President.
“Napakalaking bagay noon dahil naglalaman ng kumpletong mga gamit na kinakailangan ng isang COVID positive patient. Halimbawa iyong oximeter. Siyempre noong time na iyon, nawawala iyong oximeter namin.
“Maraming maraming salamat sa OVP at siyempre kay VP Leni sa COVID Care Package na pinadala ninyo. Very, very helpful,”
***
VERY proud si Senator Bong Revilla sa season 2 ng Agimat ng Agila dahil “yes” agad talaga ang sagot niya nang tanungin namin kung mas nahigitan ba ang season 1.
“Of course, for every project na ginagawa natin, we really need to surpass the first one. So we really need to surpass the Agimat ng Agila Book 1. So ‘yun talaga ang inambisyon natin, ni Direk Rico Gutierrez at ng GMA.
“Makikita niyo naman, mahirap magyabang, pero makikita niyo naman pati sa performance ng mga artistang kasama natin.”
“I’m very proud of this project at magagaling talaga yung mga kasamahan ko.” Mas hardcore action nga ngayon sa book 2 na si Senator Bong mismo ang gumawa ng mga stunts. At the same time, talagang nag-work-out daw siya for this at makikita rin ang difference ng katawan niya ngayon from book 1.
“Talagang nagpakundisyon ako physically at siyempre, we’re not getting any younger. Mga bata itong mga kasabay ko, so kailangan magpakitang-gilas din tayo.
“I work out almost every day. I do my boxing and kick boxing. Pati yung mga rolling-rolling na iyan, pagulong-pagulong, nandoon pa rin yung training.”
At hindi na lang si Sanya Lopez ang leading lady niya rito, si Rabiya Mateo na rin na. Proud si Sen. Bong na na-predict nga raw nila ang pagiging “Superstar” na ni Sanya ngayon.
When asked kung napi-predict din ba niya itong mangyayari kay Rabiya, sey naman niya, “Kayo ang huhusga niyan. But she’s a very good actress at may chemistry rin kami ni Rabiya. At nakikita ko rin na malayo ang mararating ni Rabiya. Malay mom aging Action Queen din ‘yan.”
***
TILA sumusunod sa yapak ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards o ng actor/restaurateur na si Marvin Agustin ang Kapuso actor na si Ken Chan.
Nagulat kami nang makausap namin recently lang si Ken dahil ang dami na pala niyang businesses na naipupundar.
Bukod kasi sa ilang branches niya ng gasoline station, ang iFuel, meron din siyang wellness business at ngayon nga, ang kanyang Café Claus na all-year round Christmas ang theme kaya ang mga food, buong taon din na makakabili ng mga bibingka at puto bubong, even Christmas ham.
Kaka-open lang ng unang branch nila sa Tandang Sora, pero nalaman namin kay Ken na magbubukas na siya sa Greenhills Promenade ngayong February at sa March, sa Eastwood naman at gayundin sa Tagaytay at iba pang provinces.
Ten years in the business, pero ang dami na niyang nai-invest. Sabi ni Ken, ang dahilan daw, ang pagiging matipid niyang talaga bukod pa sa goal/pangarap niya raw talaga bata pa lamang ang lahat ng negosyo na ipinundar niya.
In fairness, bumilib din kami dahil kahit pandemic, hindi ito naging hadlang kay Ken para mag-push lang sa mga businesses niya.
Kasosyo rin ni Ken ang kaibigan na si Ryan M. Kolton na ayon kay Ken, Hollywood actor raw pero, mukhang na-enjoy ang Pilipinas. After ng restaurant business, naka-set na rin ang pagpasok nila sa pagpo-produce ng pelikula.
(ROSE GARCIA)