• January 23, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 28th, 2022

Natatanging community vegetable garden sa Bulacan, pinarangalan

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagpaparangal sa mga Natatanging Community Vegetable Garden sa ilalim ng 3k: Kabataan, Kalikasan, at AgriKultura Project ng Provincial Agriculture Office (PAO) at Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) na ginanap sa Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito noong Enero 24, 2022.

 

 

Layon ng napapanahong proyekto na hikayatin at mahimok ang mga kabataan sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangangalaga ng kalikasan lalo na sa panahon ng pandemya.

 

 

Nahahati sa dalawang kategorya ang nasabing parangal, ang Plot/Field Gardening Category at Containerized Gardening Category.

 

 

“Congratulations sa lahat ng winners, pero sa totohanan, hindi ito ginawa para lang bigyan kayo ng premyo sa isang patimpalak, kundi para hikayatin kayo sa pagsasaka. Nawawalan na tayo ng kabataang nagmamana ng ating mga sakahan. Tinanong ko nga yung ilang magsasaka kung bakit sila nagbebenta ng lupa, ang sagot ‘kasi po ‘yung anak ko ayaw ng magsaka,” ani Fernando.

 

 

Nagwagi ang Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKAPO) Plaridel-Banga 2nd ng unang gantimpala sa kategoryang Plot/Field Gardening na sinundan ng Damayang Filipino Kabataan – Bocaue na nagwagi ng ikalawang gantimpala at SAMAKAPO-Malolos sa ikatlong pwesto. Tumanggap sila ng sertipiko ng pagkilala at P20,000, P15,000 at P10,000 ayon sa pagkakasunud-sunod.

 

 

Para naman sa kategoryang Containerized, nasungkit ng SAMAKAPO-Bulihan, Plaridel ang unang pwesto at nag-uwi ng P20,000 habang nakuha naman ng LYDO Bustos na binubuo ng Sci-LG Com Club at Barkada Kontra Droga ng Cambaog National High School ang ikalawang pwesto at nag-uwi ng P15,000.

 

 

Binigyang diin ni Fernando na bilang mga susunod na lider, kailangang maging maalam sila sa kung paano paunlarin ang agrikultura dahil isa ito sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan.

 

 

“Nagbabago ang panahon, ‘di natin pwedeng i-apply ‘yung mga noon kaya kailangan pa rin ng tuluy-tuloy na learning, kailangan ng suporta ng mga natitira nating magsasaka. Dahil dito, itinayo ang Famers Training Center ng PGB na libreng ibinibigay sa inyo. Bukod dito kailangan natin ng actual, dun natin ilalagay ang agri tourism sa DRT na tatawaging Productivity Center,” ani Fernando.

 

 

Idinagdag pa ng gobernador na sa hinaharap, itatayo din sa tabi ng Productivity Center ang Multiplier and Breeding Center upang matugunan ang pangangailangan sa karne.

 

 

Samantala, bago ang parangal, binigyan din ang mga kabataan ng mga pagsasanay sa epektibong pagtatanim at namahagi ng mga binhi, organikong abono at gardening tools.

 

 

Sinuri ang mga lumahok ayon sa tamang paghahalaman; produksyon o ani; partisipasyon ng mga myembro; at pagpapatuloy ng proyekto.

 

 

Nilahukan ang nasabing proyekto ng 120 na mga kabataang Bulakenyo mula sa 52 mga organisasyon kabilang ang Sangguniang Kabataan, DF Kabataan at mga out of school youth. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

DOTr , nagsimula ng mag-inspeksyon ng brand-new PNR Clark trains

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGSIMULA na ang Department of Transportation (DOTr) na mag-inspeksyon ng mga tren na binili ng Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1 project sa Valenzuela City.

 

 

Sa isang Facebook post, pinangunahan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang pag-inspeskyon ng mga tren na binili mula sa Japan Transport Engineering Company and Sumitomo Corporation bilang bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) system.

 

 

“Fifty-eight train sets ang inaasahang tatakbo sa kabuuang NSCR mula sa Clark International Airport (CRK) hanggang sa Calamba, Laguna,” ayon kay Tugade.

 

 

Sa kabila ng nabigong pagtatangka na magtayo ng rail system simula noong 1994, at sa pinakabagong resulta sa protracted legal battle sa isang international arbitration sa pagitan ng Northrail at SINOMACH noong 2016, sinabi ni Tugade na ang PNR Clark Phase 1 (38-kilometers long mula Tutuban tungo sa Malolos) at Phase 2 (53-km long mula Malolos tungo sa Clark) ay kasalukuyan ngayong “in full swing construction.”

 

 

Idagdag pa rito, sinabi pa niya na ang delivery ng 58 eight-car train sets, o kabuuang 464 train cars ng NSCR, ay nagsimula na matapos na mai-deliver ang first train noong Nobyembre 2021.

 

 

“Oras na matapos ang PNR Clark Phase 1, magiging 35 minutes na lamang ang travel time mula Tutuban, Manila patungong Malolos, Bulacan, mula sa current 1.5 hours,” ayon kay Tugade.

 

 

Kapwa ang PNR Clark Phase 1 at 2 ay pinondohan sa pamamagitan ng tulong mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank (ADB).

 

 

Sa kabilang dako, may 9 na civil works contracts para sa pagtatayo ng PNR Calamba—56-km long mula Maynila tungo sa Calamba—ang inaasahan na ia-award ngayong first quarter ng 2022.

 

 

Sa ngayon, ang PNR Clark 1 ay mayroong 53.85% overall progress rate, ang PNR Clark 2 ay may 34.46% at ang PNR Calamba ay 28.62% na kumpleto.

Omicron cases sa Pilipinas umabot sa 1,153 matapos matukoy local ‘sub-variants’

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAKAPAG-DETECT ang Pilipinas ng karagdagang 618 kaso ng mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant infections dahilan para umabot na ito sa libu-libo, ayon sa Department of Health (DOH).

 

 

Bahagi ito ng painakasariwang batch ng whole genome sequencing na iniulat ng DOH, UP-Philippine Henome Center at UP-National Institutes of Health ngayong araw, kung saan nasa 677 samples ang sinuri.

 

 

“The 618 Omicron variant cases were composed of 497 local cases and 121 Returning Overseas Filipinos (ROFs),” ayon sa pahayag na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan kanina.

 

 

“As of date, there is a total of five (5) deaths among confirmed Omicron cases, while the total number of confirmed Omicron variant cases is now 1,153.”

 

 

Kabilang sa 497 lokal na kaso ang mga sumusunod:

 

National Capital Region (497)

CALABARZON (71)

Ilocos Region (30)

Western Visayas (30)

Eastern Visayas (28)

Central Luzon (27)

Central Visayas (20)

Cagayan Valley (19)

Cordillera Administrative Region (13)

Davao Region (10)

SOCCSKSARGEN (6)

Bicol Region (2)

MIMAROPA (2)

Northern Mindanao (1)

 

 

Batay sa line list ng DOH, 13 kaso sa mga nabanggit ang hindi pa gumagaling (aktibo) habang dalawa dito ang patay na. Bahagi ito ng una nang naibalita ng DOH na limang namatay dahil sa kinatatakutang variant.

 

 

Nasa 560 na sa itaas ang kinikilalang gumaling na habang 43 pa rito ang bineberipika pa ang kinahinatnan.

 

 

Sa nasabing batch ng whole genomic sequencing napag-alaman ang pagpasok sa Pilipinas ng sari-saring sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron variant: ang BA.1 at BA.2.

 

 

Paglilinaw ng kagawaran, ika-31 pa raw ng Disyembre, 2021 nang ma-detect ang BA.2 sub-lineage at napag-alamang bumubuo sa karamihan ng Omicron cases sa sariwang batch.

 

 

“Data gathered by the DOH, UP-PGC, and UP-NIH showed that there is no significant difference in BA.1 and BA.2 characteristics in terms of transmissibility or severity of disease,” kanilang pagdidiin sa isang pahayag.

 

 

“The DOH shall continue to investigate why BA.2 has become more prevalent than BA.1 but so far the detection of BA.2 does not entail any significant change in the COVID-19 response.”

 

 

Tinagurian ang BA.2 bilang “Stealth Omicron” dahil sa katangian nitong mas mahirap ma-detect. Una nang sinabi ni Health Undersecretary Vergeire na pinakakaraniwan ito sa local cases sa bawat rehiyon.

 

 

Samantala, nadagdagan naman ng 35 Delta variant cases sa Pilipinas, bagay na binubuo ng 26 local cases at siyam na ROFs. Dahil dito, papalo na sa 8,647 ang nahawaan ng Delta sa bansa.

 

 

Mula sa nabanggit na variant, isa ang namatay na, 30 ang gumaling at apat pa ang bineberipika ang status.

 

 

Kaugnay ng mga naturang kaganapan, hinihikayat ngayon ng DOH ang publiko na kumpletuhin na ang kanilang COVID-19 vaccine primary series at boosters, lalo na sa mga bulnerable sa virus gaya ng mga matatanda, bata at may sakit.

 

 

Kasalukuyang nasa 3.47 milyon na ang dinadapuan ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa pinakahuling datos nitong Miyerkules. Sa bilang na ‘yan, pumanaw na ang 53,664 katao. (Daris Jose)

Ads January 28, 2022

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Story by Geraldine Monzon Art by Dhan Lorica

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Hindi nagtagumpay si Roden na maisakatuparan ang nais niyang gawin kay Angela nang magising ito at muling maghisterical.

Nagtatakbo si Angela patungo sa dalampasigan habang patuloy na isinisigaw ang pangalan ng kanyang anak. Subalit naabutan siya ni Roden at mariing hinawakan sa braso para ibalik sa bahay.

 

“ANGELAAAA!” ubod lakas na sigaw ni Bernard.

 

Unti-unting napalingon si Angela.

 

“Bernard…” pabulong niyang sabi.

 

Natigilan naman at hindi makapaniwala si Roden.

 

“P-Paanong?…”

 

Hindi na makapaghintay si Bernard. Tumalon na siya sa bangka kahit hindi pa ito nakadaong. Nag-uunahan ang mga paa niyang makalapit sa pinakamamahal niyang asawa.

 

“ANGELAAA!”

 

Nanatili namang nakatayo ang babae at hinihintay na makalapit ang lalaki sa kanya.

 

“Bernard…” hindi maintindihan ni Angela ang emosyon na humahaplos ngayon sa puso niya habang tumatakbong palapit sa kanya ang lalaki.

 

Nang mahawakan ang asawa ay agad itong niyakap ni Bernard ng buong higpit at puno ng pananabik.

 

“Sweetheart, I miss you so much!” ani Bernard na panay ang halik sa noo, ilong at labi ni Angela.

 

Tila naguguluhan naman si Angela sa hindi mawaring damdamin na inihatid sa kanya ng yakap ng lalaki.

 

Nang mapatingin si Bernard kay Roden ay agad nagdilim ang kanyang paningin.

Huli na para makaiwas si Roden sa nagngangalit na kamao ni Bernard. Mabilis itong lumagapak sa kanyang mukha. Dahilan para mapangiwi siya sa sakit nang isabay pa ni Bernard ang pagsuntok nito sa sikmura niya.

 

“HAYUP KA!”

 

“AKIN NA SI ANGELA BERNARD, NAANGKIN KO NA SIYA!” pagsisinungaling ni Roden na lalo pang ikinasiklab ng galit ni Bernard.

 

Dahil sa sinabi ni Roden ay parang ipo-ipong pinakawalan ni Bernard ang galit. Sunod sunod na suntok ang tinamo ni Roden. Hindi naman nagpatalo si Roden, nabigwasan niya rin si Bernard. Nagpalitan sila ng suntok. Kung sukdulan ang galit ni Bernard kay Roden ay abot hanggang langit din ang selos na nararamdaman ni Roden sa lalaking tunay na minamahal ni Angela kaya pareho silang tila mga dragon na nagpapalitan sa pagbuga ng apoy. Mas nananaig nga lang ang silakbo ng damdamin ng tunay na nagmamahal. Napatumba ni Bernard si Roden at kinubabawan.

 

“KAHIT ANO PANG SABIHIN MO, HINDI MO MAAANGKIN ANG PUSO NI ANGELA, DAHIL AKO LANG, AKO LANG ANG NAG-IISANG LALAKI SA PUSO NIYA, ISAKSAK MO ‘YAN SA KUKOTE MO!”

 

Duguan na si Roden at kamuntik nang mapugto ang hininga sa sobrang galit na inilabas sa kanya ni Bernard. Mabuti na lang at dumating si Manang Fe na siyang umawat sa kanila. Habang si Angela ay takot lamang na nakatingin sa kanila.

 

“Tama na, tama na pakiusap!” ani Manang Fe.

 

Saka lamang tumigil si Bernard na hinihingal pa sa galit.

 

“Sir, pakiusap, pag-usapan natin ito ng maayos!” sabi pa ni Manang Fe habang nakaluhod ng upo sa tabi ng pamangkin niyang si Roden.

 

Nilapitan ni Bernard si Angela.

 

“Hindi na kailangan, aalis na kami ni Angela, pagbabayaran ni Roden sa kulungan ang ginawa niyang pagtatago sa asawa ko!”

 

Ang bangkerong kinontrata ni Bernard ay naghihintay lamang. Lumakad na sila patungo roon. Nang habulin sila ni Manang Fe.

 

“SANDALI!”

 

Huminto sa paglakad si Bernard at nilingon ang matanda.

 

“May kailangan kang malaman.”

 

“Ano ho ‘yon?”

 

“Ang ipinagbubuntis niya…wala na…”

 

Natigagal si Bernard. Napatingin siya sa tila walang kamalayang mukha ni Angela.

 

“Bigla na lang siyang dinugo. Kaya ko nalaman na nagdadalang tao siya. Sinubukan kong ipasalba a kakilala kong hilot pero, wala na rin itong nagawa.”

 

Buong pagmamahal na niyakap ni Bernard ang asawa.

 

“At siyanga pala…heto…” sabay abot ni Manang Fe ng kuwintas ni Angela kay Bernard.

 

Naglipat ang tingin ni Bernard sa kuwintas na iniaabot ni Manang Fe at sa kuwintas na nakasuot kay Angela. Hindi nga iyon ang kuwintas na ibinigay niya rito.

 

“Napulot ko iyan sa papag, ang suot na kuwintas ni Angela ay mula kay Roden.”

 

Pagkarinig niyon ay agad hiniklat ni Bernard ang kuwintas sa leeg ni Angela at pabalibag na inihagis kay Roden.

 

“Hindi niya kailangan ‘yan!”

 

Bago tuluyang umalis ay pinasalamatan naman ni Bernard si Manang Fe.

 

“Salamat ho sa pag-aalaga nyo sa asawa ko at sa pagbabalik ng kuwintas niya.”

 

“Walang anuman. Mag-iingat kayo.”

 

Inakay na ni Bernard si Angela patungo sa bangka.

 

“Manang Fe, bakit parang kinampihan nyo pa sila?” galit na tanong ni Roden.

 

“Dahil sila ang nasa tama Roden. Hindi mo dapat ginawa ang ginawa mo. Sanay hinintay mo na lang ang tamang babae para sa’yo. Tayo na sa bahay at gagamutin ko ang mga sugat mo.”

 

Habang sakay ng bangka ay kinakausap ni Bernard si Angela na nakatitig lamang sa kanya.

 

“Tatawagan ko ulit yung kakilala ko sa ferry para makabalik agad tayo sa San Gabriel sweetheart…tiyak na matutuwa si Lola Corazon…kaya lang…I’m sorry sweetheart kung hindi natin kasamang uuwi si Bela at ang bunso sana natin…”

 

Muling isinuot ni Bernard ang kuwintas kay Angela.

 

“Sweetheart, araw-araw akong namamatay sa tuwing gigising ako na wala ka sa tabi ko…hindi mo alam kung gaano ako nagdusa sa kalungkutan habang iniisip ko kayo ni Bela. Pero sadyang napakabuti ng Diyos dahil ibinalik ka niya sa akin at umaasa akong hindi man ngayon, balang araw, ibabalik niya rin sa atin si Bela…”

 

Ginagap ni Bernard ang kamay ni Angela at masuyong hinagkan.

 

“I love you sweetheart…mahal na mahal kita…”

 

“Sana ol.” bulong ng bangkero sa sarili.

 

Samantala.

Hindi makatulog si Cecilia. Pabiling biling siya sa higaan. Laman ng isip niya si Bernard.

 

“Hays…tama na Cecille…dapat nakinig ka kay Lola Lucia…dapat iniwan mo ang puso mo ro’n sa apartment…pero sana nga pwede ‘yon…sana pwedeng itago na lang ang puso para hindi na tumibok sa maling tao…”

 

Bumangon si Cecilia at namintana sa bintana ng silid na ipina-okupa sa kanya ni Lola Corazon.

 

“Matatagalan kaya siya?”

 

Naisip niya nung inakyat niya ang bahay na ito at tinutukan niya ng baril si Bernard. Nung sagipin niya ito sa aksidente. Nung sagipin siya nito sa pagkahilo niya sa daan. Ngayong narito na siya at bahagi ng bahay na ito, isang magandang pagkakataon para sa kanya na higit na mapalapit kay Bernard.

Buo na ang desisyon ni Cecilia. Ilalapit niya ang sarili kay Bernard.

 

(ITUTULOY)

DepEd, hinikayat ang student-athletes na mag- apply para sa NAS scholarship

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor na mag-apply para sa scholarship sa National Academy of Sports (NAS) para ma-improve o maging mahusay pang lalo ang kanilang academic at sports skills.

 

 

“I am urging all the student-athletes from all sectors of the society, including indigenous peoples, persons with disabilities, and other marginalized groups, to apply for the scholarship to improve their craft,” ayon kay Briones.

 

 

Opisyal nang tumatanggap ng aplikasyon ang NAS para sa Annual Search for Competent, Exceptional, Notable, and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT SAS) para sa School Year (SY) 2022-2023.

 

 

Isang attached agency ng DepEd, ang NAS ay may mandato na magpatupad ng “quality and enhanced” secondary education program, integrated na may special curriculum on sports na nakasaad sa RA No. 11470.

 

 

Sa pamamagitan ng scholarship, naghahanap ang NAS ng academically competent at athletically talented natural-born Filipino youth na karapat-dapat sa scholarship.

 

 

“NAS would like to produce world-class athletes that can compete and bring home medals from SEA Games, Asian Games, Olympics, and other sporting events like our very own Hidilyn Diaz,” dagdag na pahayag ng Kalihim.

 

 

Sa ngayon, sinabi ng DepEd na ang NAS ay naghahanap para sa incoming Grade 7 at 8 learners na natural-born Filipino citizens.

 

 

“Applicants must have a general weighted average of at least 80 percent and should not be older than 14 years old (for incoming Grade 7) and not older than 15 years old (for incoming Grade 8) at the start of the school year,” ayon sa DepEd.

 

 

Ayon pa rin sa DepEd, ang aspiring student-athletes sa ilalim ng NAS focus sports na kinabibilangan ng aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, taekwondo, at weightlifting, ay hinihikayat na magsumite ng kanilang aplikasyon.

 

 

Bilang bahagi ng scholarship program, sinabi ng DepEd na ang student-athlete ay makatatanggap ng insentibo gaya ng libreng tuition; libreng board, and lodging sa NAS Dormitory sa NAS Campus, New Clark City, Capas, Tarlac; probisyon ng quality secondary education; at access para sa specialized sports training sa world-class facilities.

 

 

Ayon pa rin sa DepEd, ang mga scholars ay magkakaroon ng pagkakataon o tsansa na maging kinatawan ng bansa at NAS sa international competitions at maging sa exchange programs na may “monthly stipend and scholarship grant” para sa anim na taon “subject to the student-athlete’s sports and academic performance.”

 

 

Ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon ay sa Abril 12, 2022.

 

 

Para sa SY 2021-2022, ang NAS ay mayroong 64 enrolled student-athletes. (Daris Jose)

Payroll ng mga empleyado nananatiling ‘intact’ sa gitna ng napaulat na online banking fraud — DepEd

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na nananatiling “intact” ang payroll ng mga empleyado nito sa gitna ng insidente ng online banking scams na iniulat ng ilang mga guro.

 

 

“[The] DepEd payroll system is intact. It was not hacked,” ayon kay Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla sa isang video na naka-post sa kanyang Facebook page noong Enero 25.

 

 

Ang pagtiyak na ito ni Sevilla ay kasunod ng reklamo at iniulat ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na may ilang public school teachers ang nawalan ng kanilang pera dahil sa  pag-“hacked” sa kanilang accounts sa ilalim ng Landbank of the Philippines (LBP).

 

 

Sinabi ni TDC na may 20 guro ang di umano’y naging biktima ng online banking fraud “as of Jan. 25.”

 

 

Humingi naman ng tulong sa DepEd ang nasabing grupo para lutasin ang bagay na ito.

 

 

Ani Sevilla, nang makarating ang report sa kanyang tanggapan ukol sa unauthorized transactions ay “we immediately informed the Landbank.”

 

 

Matapos na humingi ng paglilinaw mula sa bangko, sinabi ni Sevilla na walang hacking na nangyari.

 

 

“We are using our payroll system as it is and Landbank as well has assured us that their system is also intact or secured,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Samantala, ipinaliwanag naman ni Sevilla na ang  online banking transactions ng kanilang personnel, kabilang na ang teachers and non-teaching staff, ay hindi mina-managed o wala sa pamamahala ng DepEd.

 

 

“We have to explain that ito pong nangyaring ito ay through the individual bank accounts of our employees,” ani Sevilla.

 

 

“It can happen to not just DepEd but to all of [the] account holders na gumagamit ng online system ng kanilang mga banko,” paliwanag nito.

 

 

Hindi aniya in- charge ang DepEd sa pagma-manage ng online bank accounts o transactions ng mga guro at iba pang empleyado.

 

 

Ang namamahala aniya ay ang bangko at ang mismong individual holders ng bank account.

 

 

“Ang gumagamit or nag-eenrol [ay] ang empleyado na magkaroon siya ng online system,” paliwanag ni Sevilla.

 

 

“Marami, during the COVID times, di na lumalabas ng bahay, magtra-transfer na lang ng payment or you give also money to your relatives or friends, yan po ang tulong ng online system,” dagdag na pahayag nito.

Wishes ng fans na makitang magkasama, natupad na: ALDEN at BEA, may mga bago pang TVC bukod sa serye at pelikula

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

AFTER nang ilang months ng paghihintay ng mga fans and netizens, na makitang magkasama nang gumawa ng project sina  Kapuso actress Bea Alonzo and Asia’s Multimedia Star Alden Richards, mukhang matutupad na ang wishes nila dahil magsisimula nang magtrabaho ang dalawa.

 

 

Nauna rito may nag-post sa Twitter, si @Oppasensation “Korean drama ‘START-UP’ having a Philippine adaptation under GMA Network: Kapuso stars #BeaAlonzo and #AldenRichards are rumored to lead #StartUpPH.”

 

 

Ibig sabihin nito, parehong Korean drama ang gagawin nina Bea at Alden.

 

 

Special Memory ang Philippine adaptation ng Korean movie na co-production venture ng Viva Films, GMA Pictures at APT Entertainment.  May schedule na raw sila ng lock-in shoot nila next month, February.  It will be directed by Ruel Nuval.

 

 

Iri-retain kaya ng GMA Network ang Start-Up title ng serye nina Bea at Alden na balitang by March naman sisimulan ang lock-in taping?

 

 

Sinu-sino kaya ang makakasama nila sa series, na balitang may ka-triangle sila sa story?

 

 

Tamang-tama naman na bago sila mag-lock-in taping, may mga bago silang TVC shoots na magkasama ng mga dati nilang endorsements, plus may isang bagong endorsement na pagsasamahan pa rin nila.

 

 

Wow! Sunud-sunod na blessings!

 

 

***

 

 

SA Sunday, January 30, busy day naman ni Alden Richards.

 

 

At 12 noon, mapapanood muna si Alden sa pagbabalik-live presentation ng Sunday musical show ng GMA na All-Out Sundays, after ng replays muna ng show dahil sa paghihigpit muli ng IATF dahil sa pandemic.

 

 

At 8 pm naman, ang sold-out documentary concert ni Alden ng ForwARd: Meet Richard Faulkerson, Jr. for the benefit of the AR Foundation na itinayo ni Alden.

 

 

To be directed by Frank Lloyd Mamaril, musical direction by Adonis Tabanda, naiibang concert ito dahil dito ipakikilala kung sino ang real Richard Faulkerson, Jr.

 

 

Iri-recall ni Alden ang hirap niyang magtapos ng pag-aaral noon, pagkatapos yumao ang beloved mom niyang si Rosario Reyes.  Noon pa ay nabuo na sa isip niya ang commitment niya to education dahil naranasan niya ang hirap mag-aral na walang tumutulong sa kanya.

 

 

Kaya ang AR Foundation will offer scholarships to underprivileged children.  Isa ngang hindi nalimutang tulungan ni Alden ang isang batang lalaki, na putol ang arms pero gustung-gustong mag-aral, na dumalaw pa sa kanya sa taping ng Victor Magtanggol, dahil idol daw niya siya.

 

 

Sa ngayon may dalawa nang college graduates na natulungan si Alden.  Kaya ang pangako niya, “one hundred percent of the proceeds will go to AR Foundation to sustain our current scholars and to even open up further assistance po sa mga nangangailangan ng tulong pagdating sa edukasyon.”

 

 

***

 

 

KONTRABIDA si Gardo Versoza sa first book ng romantic-comedy series na First Yaya, at dahil namatay ang character niya roon, hindi na siya kasama sa pagbabalik ng serye na First Lady na ang title.

 

 

Kaya mapapanood na siya sa Season 2 ng nagbabalik din na fantasy-action-drama series na Agimat Ng Agila ni Senator Bong Revilla at Miss Universe Philippines 2021 Rabiya Mateo.

 

 

Natuwa si Gardo nang kunin siya ng GMA Network para maging main villain ni Gabriel Labrador (Bong) sa serye.  Matagal na pala niyang gusto talagang makatrabaho ang Senador at minsan daw ay nabanggit niya ito kaya labis ang pasasalamat niya nang dumating ang offer sa kanya.

 

 

At sa unang pagtatrabaho nilang magkasama, napasayaw pa raw niya si Senador na mag-TikTok sila, na forte niya.

 

 

Gagampanan ni Gardo ang role ni Zeus na kunwari ay mabait, pero ubod pala ng sama.

 

 

Sa direksyon ni Rico Gutierrez, mapapanood na ito bukas, Sabado, January 29, after ng Pepito Manaloto sa GMA-7.

      (NORA V. CALDERON)     

2 kalaboso sa patalim at shabu sa Valenzuela

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang ginang matapos maaresto sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.

 

 

Base sa report ni PSSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Filomena St. corner Balubaran St., Brgy. Malinta.

 

 

Kaagad inaresto nina PCpl Franciz Cuaresma at PCpl Ed Shalom Abiertas ang kanilang target na si Vanessa Anesco, 42, matapos bintahan ang isa sa kanila na nagpanggap na poseur-buyer ng P7,500 halaga ng shabu.

 

 

Nakuha sa suspek ang tinatayang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000, cellphone at buy bust money na isang tunay P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.

 

 

Nauna rito, bandang alas-4:45 ng hapon nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa pangunguna ni PLT Doddie Aguirre si Angelo Abaya, 33, sa isinagawang validation sa Hulo St. Angeles Comp. Brgy. Dalandanan makaraan ang natanggap na tawag mula sa concerned citizen hinggil sa illegal drug activities sa lugar.

 

 

Ani PCpl Pamela Joy Catalla, narekober nina PCpl Isagani Manait at PCpl Maverick Jake Perez kay Abaya ang dalalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P47,600, patalim P300 cash.

 

 

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang dagdag na kasong BP 6 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines ang kakaharapin ni Abaya. (Richard Mesa)

PATAFA pres. Juico umalma sa pagdeklara sa kaniya ng POC bilang persona non-grata

Posted on: January 28th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BINATIKOS ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) chief Philip Ella Juico ang pagdeklara sa kaniya ng Philippine Olympic Committee (POC) bilang persona non-grata dahil sa alitan nila ni pole vaulter EJ Obiena.

 

 

Sinabi ni Juico na walang anumang due process na ginawa ang POC at basta na lamang siya idineklara bilang persona non-grata.

 

 

Dagdag pa nito na mayroong agad na pinaikot na resolution na pirmado ng 36 miyembro ng POC kung saan ang nasabing resolution umano ay hindi man lang naipresenta sa General Assemby ng POC.

 

 

Pagtitiyak pa ni Juico na kaniya pa ring itutuloy ang kaso ng PATAFA laban kay Obiena kahit na mayroong desisyon ang POC.

 

 

Magugunitang sa isinagawang general assembly ng POC ay mayroong 36 sa 54 regular national sports association na dumalo ang pumabor sa pagdeklara kay Juico bilang persona non grata.

 

 

Pinaburan nila ang desisyon ng executive board sa inihaing reklamo ni Obiena laban kay Juico na naging malisyoso ang akusasyon sa kanya.