NABUHAYAN ng loob si Bernard nang muling makatanggap ng pag-asa tungkol kay Bela mula kay Marcelo. Pero nagdesisyon siyang huwag na lang muna itong ipaalam kay Angela.
Si Angela naman ay nawiwili na sa pakikipaglapit kay Janine. Ikinuwento niya sa dalaga ang buong love story nila ni Bernard habang sabay silang nagkakape sa hardin.
Agad din namang ikinuwento ni Janine sa kaibigang si Andrea ang lovestory ng kanyang mga amo.
Nakadapa siya sa kama habang kausap ito sa cellphone.
“O ‘yan ha, may inspiration ka na. Pero huwag ka rin masyadong umasa na magiging tulad din kina Ma’am Angela at Sir Bernard ang ending ng love story nyo. Baka masaktan ka lang.”
Subalit napansin ni Janine ang katamlayan ng kaibigan sa kabilang linya.
“O, ang ganda ganda ng kinuwento ko sa’yo, wala ka man lang bang reaksyon d’yan?”
“Pa’no kasi si sir…nag-uwi siya ng babae kagabi…di hamak namang mas maganda ako ro’n sa babae na mukhang pagod na tutubi.”
“Hay naku, kalimutan mo na nga ‘yang sir mo na ‘yan, I’m sure iba na naman ang inuwi niyan, hindi yung kasama niya nung isang araw noh?”
“Oo…iba na naman. Kung magpalit siya ng babae para lang siyang nagbibihis ng damit…”
“Buti pa kalimutan mo na lang siya. Kalimutan mo na lang din ang love story nina Ma’am Angela at Sir Bernard dahil baka ma-inspired ka pa sa kanila!”
Natapos ang usapan nila na ramdam ni Janine ang bigat ng kalooban ni Andrea.
Habang tumatagal ay lalong napapalapit ang loob ni Angela kay Janine.
“Hays…magka-bonding na naman sila.” sa isip ni Bernard nang masulyapan sa bintana ang dalawa na masayang nag-aayos ng mga halaman sa hardin. Nagtatawanan pa ang mga ito.
Nang magpunta sila sa mall ni Bernard ay naisip niya na ipamili ng mga damit ang dalaga.
“Look at this sweetheart, mukhang bagay kay Janine, bibilhin ko ito para sa kanya!”
Isang magandang dress na kulay peach ang hawak ni Angela.
“Ikaw ang bahala sweetheart.”
“Ay nakalimutan kong itanong kay Janine kung ano yung brand ng pabango niya. Nung isang araw kasi nakita kong sinasaid na lang niya ‘yon.”
“Kaya naman gusto mo siyang bilhan ng bago tama ba?”
Nakangiting tumango ang babae.
Pagdating nila sa bahay ay nadatnan nilang malungkot na nakaupo sa sofa si Janine.
“Janine, may problema ba?” tanong agad ni Angela.
“Ahm…ma’am, sir…kailangan ko muna po kasing umuwi sa amin. S-Si papa po kasi…inatake raw po sa puso at hindi na umabot sa ospital. Kailangan po ako ni mommy…”
Nagkatinginan sina Bernard at Angela. Agad na rumehistro sa mukha nila ang lungkot.
“I’m sorry to hear that Janine. Pero sige, umuwi ka na muna at bumalik ka na lang kung okay na ang lahat sa family mo.”
Nilapitan ni Angela si Janine. Tinabihan ito sa sofa at hinawakan ang mga kamay nito.
“Janine, huwag mo sanang kalimutan na meron kang pamilya rito na babalikan.”
“Po?”
“Pamilya mo na rin kami Janine, ako, si Bernard at si Lola Corazon.”
“Salamat po Ma’am Angela.”
Mabigat ang dibdib ni Angela sa pag-alis ni Janine at damang dama iyon ni Bernard.
“Sweetheart, ilang araw na mula nang umalis si Janine, nalulungkot ka pa rin ba?” tanong ni Bernard habang nag-aalmusal sila.
“Pakiramdam ko kasi nawalan na naman ako ng anak.”
“What? Hey babalik pa siya rito kaya nothing to worry about. And please sweetheart, tulad ng paulit-ulit kong sinasabi sa’yo, huwag mong ibuhos ang atensyon at pagmamahal mo sa kanya dahil meron siyang magulang, hindi tayo.”
Hindi na kumibo pa si Angela at ipinagpatuloy na lang ang matamlay na pagkain. May naisip si Bernard.
“Wait, what if puntahan natin siya?”
Napatunghay si Angela.
“T-Talaga?”
“Tapos mamasyal na tuloy tayo sa Baguio!”
“Good idea sweetheart, salamat!” nayakap ni Angela ang asawa sa sobrang tuwa.
Kontra si Bernard sa patuloy na paglapit ng loob ni Angela kay Janine pero ayaw naman niya itong nakikitang malungkot.
Samantala. Sa bahay nina Janine.
“Ma, lasing ka na naman…” anang dalaga habang inaayos ang ina sa pagkakahiga nito sa sofa.
“So what? May mangyayari bang maganda kapag hindi ako lasing, wala diba?”
“Naiintindihan kita ma. Alam ko ang mga pinagdaanan nyo ni papa mula nang malugi ang negosyo ni lolo sa America…at ngayong wala na si papa, nakadagdag pa ito sa bigat ng damdamin mo. Pero nandito pa’ko ma, hindi kita iiwan.”
“Ikaw? At anong ipagmamalaki mo sa’kin, yung pagiging nurse mo sa isang matandang malapit ng mamatay? Ni hindi ko nga alam kung sino yung pinagsisilbihan mo eh tapos ngayon sasabihin mo sa akin na nandito pa’ko ma?”
“Ma, ayoko lang naman kasing maulit yung dati. Yung nauna kong inalagaan, nakipaglapit kayo at inutangan nyo nang inutangan hanggang sa hindi na tayo nakabayad at muntik pa tayong mademanda. Buti na nga lang po at napakiusapan ko yung amo kong ‘yon.”
“Ah, bakit para saan ba yung mga inutang ko? Diba ginamit ko para makabangon tayo sa negosyo, diba?”
Hindi na umimik pa si Janine. Ganito naman talaga ang mama niya mapalasing man o hindi, iba mag-isip. Iba sa kanila ng papa niya.
Nang biglang may kumatok sa pintuan. Nagulat si Janine nang buksan ang pinto.
“Ma’am Angela, Sir Bernard!”
“Pwede bang tumuloy?” tanong ni Angela.
Nilingon ni Janine ang ina na lasing na nakahandusay sa sofa.
“Janine, sinong mga ‘yan?” tanong ng mama niya sa mahina at lasing na boses.
“Ahm, ma’am, sir, pasensya na, nakainom kasi si mama, tuloy po kayo.”
Tahimik na pumasok ang mag-asawa. Gayon na lang ang gulat nila nang mapagsino ang mama ni Janine.
“Bakit po?” nag-aalalang tanong ng dalaga.
Nagkatinginan ang mag-asawa at hindi makasagot.
(ITUTULOY)