TINAWAG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) patungkol sa hindi pa nakukulektang estate tax ng personalidad na hindi niya pinangalanan — ito habang naiipit ang pamilya ni presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa P203.8 bilyong estate tax issue.
Nabanggit ng pangulo ang isyu habang ipinagtatanggol ang desisyon niyang ipagpatuloy ang operation ng kontrobersyal na electronic sabong o “e-sabong” para pagkakitaan ng gobyerno.
“Ako baka nagdududa kayo bakit hindi ko hininto [ang e-sabong]. Hindi ko ho hininto kasi kailangan ng pera sa e-sabong ng gobyerno. I’ll make it public now, it’s P640 million a month. And in a year’s time, it’s billion plus,” ani Duterte, na wala pa ring ineendorso sa pagkapresidente ngayon.
“Saan tayo maghanap ng pera ng ganoon na kadali na siguro? Sa taxation natin, so ang gobyerno can only prod. Hindi naman kailangan ng reminder sa Malacañan.”
Ika-28 ng Pebrero nang maghain ng resolusyon ang Senado para himukin ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na isuspindi ang operation ng mga online sabungan matapos mawala nang parang bula ang nasa 31 kataong itinuturing may kinalaman sa e-sabong industry.
Pagdadahilan ni Duterte, pwede naman daw kasing magkaroon ng mga krimen at patayan kaugnay ng kahit na anong bagay pati na sa mga ligal na pasugalan gaya ng mga casino. Dahil dito, hindi na raw kailangang i-single out ang e-sabong lalo na’t kumikita rito ang gobyerno.
“Nandiyan ‘yung BIR so tanungin natin ‘yang BIR bakit hanggang ngayon hindi nakolekta ‘yung estate tax. So ‘yan ang ano diyan,” dagdag ni Duterte.
“[Maraming pumunta dito, hindi ko na sabihin kung sino — nanghihingi ng suporta kaya late kami ngayon nag-umpisa… [Siyempre I had to talk to them, taas ng kamay nila. Well, ang buhay ng pulitiko.”
Inilutang ni Duterte ang isyu ng uncollected excise tax ngayong bilyun-bilyong excise tax ng mga naiwan ng yumaong napatalsik na pangulo, bagay na ipinupukol ngayon ng iba’t ibang 2022 presidential candidates laban kay Bongbong.
Sa kabila nito, iginigiit ni BBM na “hindi muna ito kinokolekta sa kanila” dahil hindi pa raw malinaw kung magkano ang sisingilin sa kanila. Aniya, pamumulitika lang ito lalo na’t ibinabato ito ngayong eleksyon. Ito’y kahit nagpadala na ng demand letter ang BIR sa kanila noong Disyembre 2021 na bayaran ang utang.
Sa sobrang laki ng estate tax na ito — o ‘yung buwis na kinokolekta ng gobyerno para mailipat ang naiwang kayamanan ng namatay papunta sa naulilang mamanahan — ilang kandidato at grupo na ang nagsabing malaki ang magagawa ng bilyones para mapakinabangan ng publiko.
Una nang sinabi ni presidential candidate Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na kaya nitong magpakain sa 59.7 milyong Pilipino araw-araw sa loob ng isang taon kung makokolekta ito ng BIR.
Ayon naman kay Anakpawis national president Ariel Casilao, pwedeng gamitin ang P203 bilyon para pandagdag sa ayudang ibibigay ng gobyerno ngayong kasagsagan ng oil prices hikes. Kung hahati-hatiin daw ang halaga, makakukuha ng P1,816 ayuda ang bawat Pilipino — malayo sa P500 lang na ibibigay ng gobyerno.
Itinutulak din ngayon ng Department of Finance na kolektahin ng BIR ang estate tax ng mga Marcos para makapag-generate ng mas malaking revenue ang gobyerno para mapadali ang buhay ng mga Pinoy ngayong may oil crisis.
Samantala, kahapon ay kinumpirma ng Department of Finance na hindi pa bayad ang mga Marcos sa utang nilang estate tax.
“BIR is collecting and demanded payment from the Marcos Estate Administrators. They have not paid, ” ani Secretary Carlos Dominguez III.
BIR will continue to consolidate the titles in favor of the government on those properties which have been levied upon. The procedure may take time as it involves selling at public auction to convert to cash. Bottomline, Marcos does not take any steps to settle and paybecause of pending litigation. (Daris Jose)