NAGULAT si Bela nang makita si Jeff mula sa pagsilip niya sa bintana.
“A-anong ginagawa mo rito?” tanong niya rito na hawak pa rin ang cellphone.
“Huwag ka ngang maraming tanong diyan, lumabas ka na lang.” sabay off ni Jeff ng cellphone.
Ayaw ni Bela na makita ng mga magulang niya ang maangas niyang mahal kaya napilitan siyang lumabas ng gate.
Napangiti si Jeff nang makitang papalapit na ang dalaga.
“Sir Jeff, anong kailangan mo?”
“Ikaw ang kailangan ko.”
“Ano?”
“Kailangan kong mamili ng mga gamit para sa bago kong office, samahan mo ako.”
“Sir Jeff, baka nakakalimutan mong hindi mo na ako kasambahay.”
“Ano naman ngayon?”
“Ngayon hindi mo na ako pwedeng utusan at pasunurin sa lahat ng gusto mo.”
“Gano’n ba, e di sasabihin ko na lang sa mommy at daddy mo na boyfriend mo ako at dalawang beses na may nangyari sa atin.”
“Ano, nababaliw ka na ba?”
Lumapit si Jeff sa dalaga at hinapit ito sa beywang palapit sa kanya.
“Nababaliw ako sa’yo. Kaya kung pwede huwag ka ng masyadong nag-iinarte.”
Naiinis si Bela sa sarili dahil sa tuwing hahawakan siya ni Jeff ay tila may boltahe ng kilig na dumadaloy sa kanyang katawan kaya nagtatalo ang kanyang puso at isip kung ano ang dapat niyang maging aksyon.
Pinili niya ang bumitaw sa pagkakahapit nito sa beywang niya.
“Sir Jeff, gumising ka nga sa katotohanan. Walang tayo, hindi kita boyfriend. At yung nangyari sa atin, wala lang sa akin ‘yon!”
Hindi makapaniwala si Jeff na naririnig niya ito ngayon mula sa bibig ng babaeng mahal niya. Isang maliwanag na karma ito sa kanya. Ganitong ganito ang sinasabi niya sa mga babaeng fling lang para sa kanya.
Napaatras si Jeff. Walang imik itong sumakay ng motor at pinaharurot ito palayo sa dalaga.
Hindi naman maintindihan ni Bela kung bakit tila nagsisi siya sa kanyang nasabi. Para tuloy gusto niyang habulin ang binata at sabihin dito na joke lang ‘yon, na mahal din niya talaga ito noon pa.
Hinabol na lang niya ito ng tanaw.
Tinawagan ni Bela si Manang Sonya at inusisa rito ang tungkol sa sinabi ni Jeff na bagong opisina. Mula sa matanda ay nalaman niyang tinanggap ni Jeff ang trabaho para mapalapit sa kanya.
“T-totoo kayang mahal niya na rin ako?” tanong ni Bela sa sarili. Iniisip kasi niya na baka pinasasakay lang din siya nito tulad ng mga inuuwi nitong babae sa bahay noon.
Sinilip ni Bela ang Lola Corazon niya sa silid nito.
“Hi po lola!”
“Bela, pumasok ka hija.”
Naupo si Bela sa gilid ng kama ng matanda.
“Lola, sa tingin nyo po ba solid talaga ang pagmamahalan nila mommy at daddy?”
“Apo, ano ba namang klaseng tanong ‘yan, siyempre oo.” nakangiting tugon ng matanda. “Saksi ako sa mga pinagdaanan nila at kung paano nila napatunayan sa isa’t-isa ang kanilang pagmamahalan. Teka, bakit mo naman naitanong?”
“Wala naman po. Natatakot kasi ako na baka maagaw ng ibang babae si daddy…tulad nung ex niyang si Regine, parang hindi maganda ang kutob ko sa babaeng ‘yon. Hindi naman po sa nanghuhusga ako, pero napansin ko lang kasi na panay ang dikit niya kay daddy noong welcome party ko.”
“Ah iyon ba…si Regine, tandang tanda ko siya…muntik na siyang pakasalan noon ni Bernard…mabuti na lang at naging epektibo ang plano namin noon ni Angela. Ayoko kasi sa babaeng ‘yon. Noon pa ma’y hindi na maganda ang ugali. Kaya nga nagtataka ako kung saan nagmana ng kabaitan si Janine, siguro ay sa kanyang papa.”
Natigilan si Bela. Naalala niya ang ikinuwento sa kanya ni Janine tungkol sa love story ng dalawa. Pero hindi yata kasama sa mga naikuwento nito ang sinabi ng matanda.
“Ano pong plano?”
“Pinalagyan ko kay Angela ng pampatulog ang inumin ni Bernard. At saka ko siya pinahiga sa tabi nito. Pagkatapos ay pinalagyan ko ng ketchup ang kumot upang magmukhang may nangyari talaga sa kanila, kahit ang totoo ay wala naman. Dahil inakala ng daddy mo na nagalaw niya ang inosente naming kasambahay kaya’t napilitan siyang pakasalan ito ng walang nakakaalam kundi ako lamang. At ayun na nga, nang matuklasan ni Bernard sa kanilang pagsasama na hindi pa talaga niya nagalaw si Angela dahil nalaman niyang birhen pa rin ito, doon na nagsimula ang kalbaryo ng iyong ina, na nauwi naman sa wagas na pagmamahal sa kanya ng iyong ama sa bandang huli. ” nakangiti si Lola Corazon habang inaalala ang mga pangyayaring iyon. “Pero Bela, huwag mo sanang husgahan ang mommy mo sa nagawa naming plano, ito ay dahil na rin sa pag-ibig niya sa iyong daddy na sinang-ayunan ko dahil sadyang mabuti siyang babae noon pa man.”
Tumango si Bela. Sa isip niya, nagawa rin pala ito ng mommy niya, pero sa maganda namang rason hindi tulad ng kay Regine. Maisip lang niya ang babaeng ‘yon ay nakakaramdam na siya ng inis.
Kahit magkasama na sila ni Jared sa coffee shop sa isang mall ay parang lutang ang isip ni Bela. Bukod kay Jeff ay iniisip din niya ang mga magulang. Nag-aalala siya sa mga posibleng mangyari kapag hindi niya nabantayan ang kanyang ama. Bagamat nagsabi na ito na walang katotohanan ang nakita niya ay hindi pa rin siya nakakasiguro ng 100% kaya kailangan pa rin niya itong bantayan upang hindi masira ng iba ang pamilya niyang kaytagal nilang pinangarap na muling mabuo. Mag-iisip siya ng paraan kung paano mapoprotektahan ang mommy niya para hindi na ulit ito masaktan.
“Bela, are you okay?” tanong ni Jared na napansin ang pananahimik ng dalaga.
“Oo. Okay lang ako.”
“Parang hindi naman, kanina pa kasi ako nagsasalita pero hindi ka sumasagot. Parang ang lalim ng iniisip mo. Well, gusto ko lang malaman mo na I’m here to listen.”
“Sorry Jared. Don’t worry, kapag kailangan ko ng tulong, alam ko na kung kanino ako lalapit, sa isang kaibigan na tulad mo.”
Okay na kay Jared na maging kaibigan na lang muna siya sa ngayon. Pero aasa siya na balang araw ay mamahalin din siya ni Bela tulad ng nararamdaman niya ngayon para dito.
Nagulat si Regine nang makitang may resignation letter sa table niya. Nang mabuklat ay agad niyang pinuntahan si Bernard sa opisina nito.
“Bernard, ano ‘to?”
“Iginawa na kita ng resignation letter para hindi ka na mahirapan. Pinirmahan ko na rin ‘yan kaya wala ka ng ibang gagawin kundi ipasa ‘yan sa HR.”
“My gosh Bernard, anong akala mo sa akin, bata na kailangang sumunod sa lahat ng sasabihin mo?”
Tumayo si Bernard at hinarap ang babae.
“Look what you’ve done. Hindi nga ako nakita ng asawa ko pero nakita naman ako ng anak ko sa ganoong ayos. You know the truth behind that scenario kaya huwag mo akong sisihin kung pinagsisisihan ko na ngayon na tinulungan pa kita.”
“Bernard, lasing ka at lasing din ako that night. Kaya nangyari ‘yon!”
Nilapitan ni Bernard si Regine.
“Walang nangyari sa atin Regine. Alam na alam ko kahit lasing ako.”
“Ok fine. Deny it to death. But please don’t do this to me. Kailangang kailangan ko ang tarabahong ito!”
Tatalikuran sana ni Bernard ang babae ngunit bigla siya nitong niyakap mula sa likuran.
“Bernard please!”
Sa aktong iyon bumungad sa pintuan ng opisina si Angela.
“Bernard…”
(ITUTULOY)