“BAWIIN mo ang resignation mo Bernard at sasabihin ko sa’yo kung sino ang mastermind sa nangyari sa anak mo.”
Nakalabas na ng elevator si Bernard ngunit natigilan siya sa sinabi ni Regine na nanatili sa loob.
Kunot ang noong mabilis siyang bumalik sa elevator bago ito muling nagsara at sinakal si Regine.
“Anong alam mo sa nangyari? Sabihin mo na sa’kin ngayon!” mahina ngunit mariin na sabi ni Bernard habang ang isang kamay ay nakahawak sa leeg ng babae.
“B-Bernard…n-nasasaktan ako…”
“Hindi ka lang masasaktan Regine, papatayin kita kapag nalaman kong may kinalaman ka sa nangyari sa anak ko, kaya mabuti pa sabihin mo na sa akin kung sino ang nasa likod nito bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko sa’yo!”
“Ahk…si…si…” nahihirapan nang huminga si Regine habang pilit inaalis ang kamay ng lalaki sa leeg niya.
Magsasalita na sana siya ngunit biglang bumukas ang elevator. Nakakita ng pagkakataon si Regine upang makawala at makatakbong palayo kay Bernard.
“Regine! Bumalik ka rito, REGINE!” sigaw ni Bernard habang hinahabol ang babae sa ground floor ng building.
Ngunit naging mabilis ang kilos ni Regine. Agad itong nakapara ng taxi.
“Omg, hindi dapat ako nagpadalos dalos, ngayon siguradong hindi ako titigilan ni Bernard!” sapo ang ulong kausap ni Regine sa sarili. “Kalma Regine, kalma, mag-isip ka, kailangan mo lang mag-isip…si Roden, oo tama si Roden, siya ang ididiin ko, tiyak na idadawit niya ko pero wala siyang ebidensya kaya malulusutan ko ito, malulusutan ko ‘to!”
Ilang beses idinayal ni Bernard ang cellphone number ni Regine pero hindi ito sumasagot. Pinuntahan niya ito sa apartment ngunit wala rin ito roon.
Sa bahay ng isang kaibigan tumuloy si Regine at doon balak magpalipas ng gabi . Doon makakapag-isip siyang mabuti kung paano niya ilalaglag si Roden kay Bernard nang hindi siya mapapahamak.
Si Angela na mismo ang nagsabi kay Cecilia ng nais ni Bela na pakiusapan itong doon na rin manirahan sa kanila.
Nasa tapat sila ng silid ni Bela sa ospital.
“Nakakahiya naman sa inyong mag-asawa…”
Hinawakan ni Angela ang kamay ni Cecilia.
“Masaya akong nagkaroon ng pangalawang ina si Bela sa katauhan mo. Nagpapasalamat din ako sa mga unang kumupkop sa kanya, sayang nga lang at hindi ko na sila nakilala…kaya Cecille, ikaw na ang pangalawang magulang ni Bela, hindi ko hahadlangan ang mga paggabay mo sa aking anak. Pareho natin gusto na palagi siyang mapabuti, hindi ba?”
Napahugot ng malalim na paghinga si Cecilia. Ngayon niya lubos na nauunawaan kung bakit minahal ni Bernard ng sobra ang isang tulad ni Angela. Tunay na isa siyang mabuting babae at mabuting ina. Kaya gaano man siya nasaktan noon dahil sa panibugho rito, ngayon ay maluwag niyang tatanggapin na ito lamang ang babae na mananatili sa puso ni Bernard kailanman.
“Salamat, salamat sa pagtanggap nyo sa akin bilang bahagi ng inyong pamilya…”
Nagyakap sila.
Tinawagan ni Bernard si Angela at sinabi rito na hindi muna siya makakauwi ngayong gabi. May aasikasuhin lang siyang mahalagang bagay kaugnay sa pamamaril kina Bela at Jeff. Labis namang nag-alala si Angela.
“Sweetheart, hindi ako mapapalagay, bakit hindi na lang natin ipaubaya sa mga pulis, kay Chief Marcelo, hindi ba’t natulungan niya rin tayo noon na mahanap ang lokasyon ng mga kumupkop kay Bela kasabay ng pagkakatagpo natin kay Andrea?”
“Angela sweetheart, kailangan mo akong pagkatiwalaan sa bagay na ito. Alam kong nariyan pa rin si Marcelo para tulungan tayo pero may gusto lang akong kumpirmahin, tumawag ako sa’yo para hindi ka mag-alala kung nasaan ako ngayon.”
Walang nagawa si Angela sa kagustuhan ni Bernard. Mukhang desidido ito sa nais gawin.
“Kung gano’n mag-iingat kang mabuti. Huwag mong kakalimutan na hindi ko kayang mawala ka.”
“Oo sweetheart, mag-ingat ka rin d’yan, bantayan mong mabuti si Bela.”
Umuwi muna si Cecille para ayusin ang kanyang mga gamit. Ang usapan nila ni Angela ay tatawagan na lamang niya si Mang Delfin kung magpapasundo na siya. Nagulat siya nang datnan niya sa apartment ang pamilyar na grupo. Ang grupo ni Bert. Tatlo silang naroon. Silang tatlo ang kasama ni Cecilia nang akyatin nila noon ang bahay ng mga Cabrera.
“Cecilia, long time no see!” nakangising bungad ni Bert.
“A-anong ginagawa nyo rito, paano kayo nakapasok?”
Tumayo si Bert mula sa pagkakaupo sa sofa bago sinagot ang tanong ng babae.
“Cecilia, Cecilia, nakalimutan mo na ba na dito tayo magaling noon, sa pagbubukas ng mga saradong pinto?”
“Bert, hindi pa rin ba kayo nagbabago hanggang ngayon?”
“Actually plano na talaga naming magbago, kaya lang may nag-offer sa amin ng malaking halaga. Ang kaso hindi pa namin makuha yung pera dahil sumabit kami, kaya ngayon kailangan namin ng tulong mo.”
“Anong tulong?”
“Kailangan namin ng pera para pansamantala kaming makapagtago, hindi pa kasi naibibigay sa amin yung kabuuang bayad, pagnakuha namin ‘yon babayaran ka rin namin.”
“Utang na loob Bert, huwag nyo na akong idamay sa kung anuman ‘yang krimen na nagawa nyo!”
Napakamot ng ulo si Bert bago muling nagsalita.
“Cecille, natatandaan mo ba noong na-heart broken ka kay Bernard?”
“Paano nyo nalaman ‘yon?”
“Hindi na importante ‘yon basta nalaman namin, tapos naitsapwera ka at nangibang bansa sila, ang sakit diba, sapat na dahilan ‘yon para madawit ka sa krimen na ginawa namin!”
“ANONG IBIG NYONG SABIHIN?”
“Ang ibig kong sabihin, sapat na dahilan ‘yon para paghigantihan mo ang mga Cabrera at ipatira sa amin ang nag-iisa nilang anak na dapat ay anak mo lang diba?”
“Kayo?…kayo ang bumaril kina Bela at Jeff?” nanginginig ang kalamnan ni Cecilia sa galit ngunit hindi niya iyon nais ipahalata kina Bert.
“Napag-utusan lang kami, nung big time na si Roden, kaya lang ang taran****** ‘yon, hindi pa hinuhusto ang bayad sa amin gusto na kaming onsehin dahil pumalpak daw kami, pahamak kasi ang cctv na ‘yon sa area… konting pera lang ang hihingin namin sa’yo, mga singkwenta mil para sa pagtatago namin, konting utang lang ‘yon sa mga Cabrera makakaligtas ka na sa pagdadawit namin sa’yo!”
“Sino si Roden?” kampanteng nagbaba ng boses si Cecilia.
“Isa sa mga lider ng sindikatong kumupkop sa amin.”
“Bakit naman niya kailangang iutos ang gano’n?”
“Aba malay namin, labas na kami ro’n. Teka, ba’t ba ang dami mong tanong?”
“Nababaliw na kayo kung iniisip nyong tutulungan ko kayo.”
“Ikaw ang baliw dahil itinago mo si Bela sa mga magulang niya!”
“Hindi totoo ‘yan, hindi ko alam na si Andrea ay si Bela!”
“Ok fine, pero tutulungan mo pa rin kami sa ayaw mo at sa gusto, dahil sisiguraduhin ko na babalik ka kung saan ka nanggaling!”
“Sige, ganito na lang, ibibigay ko ang halagang gusto nyo, mangungutang ako sa mga Cabrera, pero ipangako nyo sa akin na hindi nyo ako idadawit dito, anak ko na rin si Bela. At isa pa, dito nyo lang sa apartment ko pwedeng kunin ang pera.”
Nagtanguan ang mga ulupong. Payag na payag sa napakadaling kondisyon ni Cecilia.
“Pero pag hindi ka tumupad sa usapan at inilaglag mo kami, si Bela ang babalikan namin, tutal hindi natapos ang misyon namin sa kanya, maliwanag ba? Isa lang sa amin ang kukuha ng pera rito para alam na ng dalawa ang gagawin nila kapag nagbago ang isip mo.” ani Bert.
Kampante si Cecilia sa kanyang naging desisyon. Akala yata ng tatlong ito ay mababahag ang buntot niya.
(ITUTULOY)