NAGBIGAY na ng pahintulot ang Commission on Elections (Comelec) sa inihain na petisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling ipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga drivers ng pampublikong transportasyon.
Inihain ang petisyon ng LTFRB dahil sa election ban na pinaiiral ng Comelec sa paggamit ng pondo ng pamahalaan. Inihinto kamakailan lamang ang pamamahagi noong nakaraang March 25 dahil hinihintay pa ang pahintulot ng Comelec.
Sa ilalim ng Comelec Resolution 10747, ang mga ahensiya ng pamahalaan ay pinagbabawalan na mamigay ng mga cash assistance mula March 25 hanggang May 8 kung kayat naghain ng petisyon ang LTFRB para sa exemption.
Ayon sa Comelec, ang petisyon ay pinahintulutan subalit kailangan na sumailalim ang programa sa mahigpit na implementasyon.
“The LTFRB’s petition was granted but subject to strict implementation of the program as we would require the board to submit information on how the project will be implemented,” wika ni Comelec Commisisoner George Garcia.
Idiniin din ni Garcia na kailangan din malaman ng Comelec ang mga parameters ng implementasyon lalo na ang specific target beneficiaries at kung paano sila makakuha ng nasabing benipisyo.
“We also want to know the parameters of the implementation, specifically on the specific target beneficiaries and on how they intend to apply to avail themselves of the grants, among other conditions,” dagdag ni Garcia.
Sinabi pa rin ni Garcia na madali ng mapapatupad ang implementasyon ng programa sa fuel subsidy basta nabigay na ang resolusyon mula sa Comelec na nagsasaad ng mga kondisyon sa implementasyon ng program.
Saad ni Garcia na kailangan din ang Comelec ay makagawa ng isang mahigpit na guidelines kung saan ang pamamahagi ng pondo ay mahalaga sapagkat ang programa sa fuel subsidy ay gagamit ng malaking pondo.
Pinangako naman ni Garcia na kanilang ibibigay ang resolusyon ngayon Biyernes dahil alam nila ang kalagayan ng mga drivers ng pampublikong transportasyon na sila ang mas higit na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng krudo at iba pang produktong petrolyo sa merkado.
Bago pa ang suspensyon, ang LTFRB ay nakapamahagi na ng P6,500 na fuel subsidy sa may mahigit na 109,000 jeepney drivers and operators at 1,207 na bus drivers.
Habang ang Department of Trade and Industry (DTI) naman ay nagbigay na ng listahan ng mga pangalan para sa 27,777 na delivery service drivers at operators kung saan makakuha nila ang fuel subsidy sa pamamagitan ng e-wallets.
Para n
aman sa mga tricycle drivers, ang LTFRB ay naghihintay pa ng listahan ng mga beneficiaries mula sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang nasabing mga fuel subsidies ay makukuha sa pamamagitan ng cash cards na ipinamamahagi ng Land Bank of the Philippines (LBP) na puwede nilang gamitin sa mga accredited na gas stations. LASACMAR