PANSAMANTALA munang sususpindehin ang railway services sa Metro Manila ng ilang araw dahil na rin sa Holy Week.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang Metro Rail Transit-Line 3 (MRT 3) at Light Rail Transit-Line 2 (LRT2) ay isasara sa April 13 (Holy Wednesday) hanggang April 17 (Easter Sunday).
Ang regular na operasyon ay asahan daw na ibabalik na sa Abril 18.
Samantala, sa April 12, Holy Tuesday, ang LRT2 operations ay magsisimula mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi habang ang operasyon naman ng MRT3 ay susundin ang normal schedule.
Sa kabilang dako, ang Philippine National Railways (PNR) naman ay pansamantalang ititigil ang kanilang operasyon sa April 14 (Maundy Thursday) hanggang April 16 (Black Saturday).
Asahan ang normal operations sa April 17, Easter Sunday.
Una rito, inanunsiyo ng management ng Light Rail Transit-1 (LRT1) na ang kanilang operasyon ay sususpendehin mula Abrl 14 hanggang 17 para sa annual maintenance activities.
Mula April 11 hanggang 13, ang LRT1 operating hours ay magsisimula dakong alas-4:30 ng madaling araw.
Ang huling tren namang mula sa Baclaran Station ay mag-o-operate dakong alas-9:15 at ang nasa Balintawak Station ay bibiyahe dakong alas-9:30 ng gabi.
Ang regular LRT1 operations ay babalik naman sa Lunes April 18 ayon sa DoTr.
Ngayong araw ay naka-heightened alert na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa asahang pagbuhos ng mga commuters para sa Holy Week at summer season.