NASAWI ang isang 69-anyos na barangay captain matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang malagutan ng hininga habang ginagamot sa MCU hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan at kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Felimon Villanueva, 68, Barangay Chairman ng Tonsuya.
Sa Facebook post naman ni Malabon Congresswoman Jaye Lacson-Noel, nagpaabot siya at kanyang pamilya ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya at mga kaibigan ni Kap. Pilo.
“Mariin din nating kinokondena ang walang-awang krimen na ito at ating ipinanawagan ang mabilis na aksyon ng pulisya at imbestigasyon upang matukoy ang dalawang taong walang konsensyang bumaril kay Kap. Pilo. Hindi po natin hahayaan ang karumal-dumal na krimen na tulad nito at nais nating mabigyan ng tuldok ang ganitong uri ng karahasan sa ating lungsod,” pahayag niya.
Nabatid sa imbestigasyon nina Malabon police investigators PSSg Michael Oben at PCpl Renz Baniqued dakong alas-9:35 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima sa No. 1 C. Perez Street., Barangay Tonsuya, Malabon City,
Kasalukuyang nakaupo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang biglang lapitan ng isa sa mga suspek na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at ilang beses na pinaputukan sa katawan.
Matapos nito, mabilis na tumakas ang gunman sakay ng isang Honda Click motorcycle na minaneho ng kanyang kasabuwat patungong E. Roque St. Brgy. Tonsuya habang isinugod naman ang biktima sa nasabing hospital ng ilang residente sa lugar.
Ipinag-utos na ni Malabon police Chief Col. Albert Barot sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima. (Richard Mesa)