DINAMPOT ng pulisiya ang lagpas 90 aktibista’t magsasaka sa Concepcion, Tarlac, Huwebes, para sa reklamong “malicious mischief” at “obstruction of justice” sa isang sakahan — pero ayon sa mga grupo, benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program ang mga nabanggit noon pang 1998 at magtatanim lang.
Ayon sa Police Regional Office 3, 9 a.m. kahapon nang gibain ng mga nabanggit ang tubuhan na pinagmamay-arian ng Agriculture Cooperative sa Brgy. Tinang, dahilan para rumesponde ang mga otoridad.
“When responding personnel of Concepcion MPS, SAF, 1st and 2nd PMFC, Tarlac PPO Intelligence Branch, RMFB, 3rd Mechanized Infantry Battalion armor division Philippine Army, NAVAL Intelligence and Security Group- Northern Luzon tried to pacify them, they became unruly and tried to obstruct the law enforcers from performing their official duties,” ayon sa PRO3 sa isang pahayag kanina.
“Police authorities together with other law enforcement agencies arrested more or less 100 farmers and their supporters in Concepcion, Tarlac, Thursday (June 9) for malicious mischief and obstruction of justice.”
May dalang rotovator — na ginagamit sa pagsasaka — ang mga nabanggit. Kasama sa mga dinampot sina:
Felino Cunanan Jr.
Chino Cunanan
Abigail Bucad
Sonny Dimarucut
Sonny Magcalas
Pia Montalban
Alvin Dimarucut
atbp.
Makikita sa video na ito ang karahasan habang nagkakahulihan.
Ayon kay PRO3 regional director PBGen. Matthew Baccay, umakto lang ang mga pulis pagdating sa kanilang mandato. Sa kabila nito, patuloy pa rin naman daw ang imbestigasyon para matiyak ang mga totoong nangyari sa insidente.
Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, lehitimong bungkalan ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Brgy. Tinang ang nangyari, na siyang mapayapang programa naman na nagsimula sa mga kubol.
“Ayon sa mga kinatawan ng lokal na tanggapan ng Department of Agrarian Reform na dumaan nitong umaga, bagaman kinikilala bilang ARBs ang mga magsasakang naririto, hindi sila makikialam sa aksyon ng Philippine National Police (PNP) kahit na alitan sa lupa ang sentro nito,” sabi ng UMA kahapon.
“Binaklas ng pulisya ang mga pinto ng kubol, at pinalabas ang lahat ng nasa loob. Isa-isa nang dinampot ang mga nasa labas, depende sa kursunada ng hepe, hanggang sa umabot sa punto na ‘imbitado’ na ang lahat sa presinto.”
“Nang tanungin ang isang pulis kung ano ang kasalanan ng mga aktibista roon, ang kaswal na tugon: ‘[New People’s Army] kayo.'”
Maliban sa mga magsasakang kabahagi ng MAKISAMA-Tinang, inaresto rin ang mahigit 50 artists gaya na lang ng kilalang makata at peasant advocate na si Angelo Suarez, co-convenor ng grupong Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA).
Nangyari ang insidente sa bisperas ng ika-34 anibersaryo ng CARP, ang agrarian reform program na nag-grant daw ng lupa sa mga magsasaka noon pang 1998.
“With volunteers from SAKA and other organizations, they cultivated land granted to them through CARP and did no more than exercise their right to till it,” ayon sa SAKA sa isang pahayag.
“Such land cultivation, called ‘bungkalan,’ is a form of protest in which peasants—usually ARBs—assert ownership of land by planting agricultural products that primarily address their immediate need for food. It is a method of guaranteeing a peasant community’s own food security.”
Layon ng mga nabanggit na magtanim ng palay at gulay sa lupang ibinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR). Sa kabila nito, inagaw daw ang Certificate of Land Ownership Award ng lokal na pamilya roon, kasama na ang incoming mayor na si Noel Villanueva.
Sa panayam kay Suarez, isa sa mga inaresto, naghihintay na lang sila ng inquest proceedings sa ngayon.
“On one hand, it is ironic that peasant and food security advocates are arrested on the eve of CARP’s anniversary, as if CARP were not a government program. But on the other hand, this latest incident of police brutality and feudal aggression is little more than further proof that CARP is a sham,” dagdag ng SAKA.
Tinatawagan naman nila ang lahat, pati ang international community, na ipanawagan ang agarang pagpapalaya sa mga artista’t magsasaka na idinitena ng PNP lalo na’t tumitindig lang naman daw sila para sa pakikibaka ng mga pesante.