SINUSPINDE ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng number coding scheme sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila upang masiguro ang dami ng sasakyan sa pagbubukas ng klase.
“We have agreed to suspend the number coding scheme for public transportation for the school year to pave the way for the smooth opening of face-to-face classes in Metro Manila,” wika ng MMDA.
Pinaalalahanan naman ng MMDA ang mga drivers ng mga pampublikong sasakyan na maaari pa rin silang mahuli at mabigyan na kaukulan multa para sa ibang traffic violations.
Ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay humingi sa MMDA na suspendihin muna ang pagpapatupad ng number coding scheme at ang programa sa no-contact apprehension (NCAP) upang makatakbo ang mga drivers ng pamapublikong sasakyan sa kanilang mga ruta at nang mabigyan ng serbisyo ang mga estudyante.
Subalit pinagaaralan pa rin ng MMDA kung sususpendihin naman ang pagpapatupad ng NCAP sa Metro Manila.
Sinabihan rin ng LTFRB ang mga drivers at operators na dapat silang tumupad sa mga guidelines at provisions na nakalagay sa kanilang mga prankisa upang maiwasan ang pagpapabayad ng mga multa kasama na ang pagkansela ng kanilang prangkisa.
Noong nakaraang Aug. 18 ay naglabas ng Memorandum Circular (MC) No. 2022-067 ang LTFRB na nagbibigay daan sa pagbubukas ng 33 bagong ruta ng buses at MC No. 2022-068 na naglalayon na buksan ang 68 ruta ng mga PUJs at 32 UV Express para sa pagbubukas muli ng klase sa mga paaralan.
Kung kaya’t binigyan ng LTFRB ang mga pampublikong sasakyan kasama ang PUJs, buses at UV Express ng special permit upang gamitin pansamantala.
Upang mapanatili ang peace at order sa mga paaralan, ang Philippine National Police (PNP) ay nag deploy ng “considerable number” ng mga tauhan nito. Ang mga police personnel ay nakatalaga malapit sa mga paaralan at iba pang academic institutions sa buong bansa.
Habang ang MMDA naman ay nagpadala rin ng 2,238 na traffic personnel sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Ang 581 traffic personnel ay nakadeploy sa mga 146 na paaralan sa Metro Manila.
Samantala, libre naman ang pamasahe ng mga estudyante sa Light Rail Transit Line 2 (LRT 2) simula Aug. 22 hanggang Nov. 5. Inaasahang may 40,000 na estudyante ang sasakay sa LRT 2 ngayon pasukan kada araw. Magkakaron ng separate na ticketing booth ang mga estudyante upang kumuha ng kanilang libreng single journey ticket kung saan dapat ay ipakita lamang ang kanilang mga identification cards o di kaya ay ang enrollment registration forms.
Nagbigay din libreng sakay ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga estudyante mula Quezon City at Manila. Tatlong buses ang kanilang patatakbuhin mula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga at sa hapon naman ay mula 4:00 hanggang 7:00 ng gabi. LASACMAR