KINONDENA ng isang human rights group ang kontrobersyal na P150 milyong confidential funds na mungkahing ibigay ng Department of Education — bagay na posibleng magamit pa raw sa katiwalian at paniniktik sa kabataan.
Bahagi lang ito nang mahigit P650 milyong proposed confidential funds sa ilalim ni Bise Presidente Sara Duterte sa 2023, na siyang nangunguna sa Office of the Vice President at DepEd. Aniya, nagamit na sana ito para mapakinabangan ng mga estudyante’t guro.
“Ni hindi man lang nagtanong ang mga kaalyado ng mga Duterte at Marcos kung saan gagastusin ang perang ito. This speaks of the committee’s lack of independence and the inability to act for public interest,” ani Roneo Clamor, Deputy Secretary General ng Karapatan, Biyernes.
“We also fear that these funds may just be some big money pot susceptible to corrupt practices and Duterte’s red-tagging spree of youth organizations and alternative learning institutions for indigenous children.”
Kamakailan lang nang aprubahan sa ilalim ng pitong minuto ng House appropriations panel ang P2.37-bilyong budget na hinihiling ng OVP, bagay na nababatikos ngayon.
Ang nabanggit, na nangyari raw sa ngalan ng courtesy, ay matatandaang ikinatuwa nang husto ni VP Duterte.
Nangyayari ang lahat ng ito kahit wala ni piso para sa confidential funds sa ilalim ng OVP at DepEd sa ilalim ng 2022 national budget.
Una nang sinabi ni Duterte na plano niya raw gamitin ang confidential funds ng DepEd para labanan ang mga problema ng estudyante gaya ng sexual grooming at abuse, maliban pa sa recruitment ng kabataan sa gawaing kriminal, pag-abuso ng droga ng kabataan, atbp.
“The Committee on Appropriations should be gravely reminded that what they are allocating is people’s money, not theirs to cater to their political ambitions. Their non-scrutiny of these questionable confidential funds is a clear sign of political patronage and lack of due diligence,” sabi pa ni Clamor.
“These millions should have been best given to students and teachers for books and other instructional materials, classrooms and educational facilities, and teachers’ salaries and benefits.”
Taong 2015 lang nang maglabas ang Commission on Audit ng guidelines para sa pagsilip ng confidential at intelligence funds, bagay na mahirap gawin dahil sa non-disclosing nature ng pondo.
Agosto lang nang maiulat na inihihirit din para sa Office of the President sa 2023 ang aabot sa P4.5 bilyong intelligence at confidential funds. (Daris Jose)