MARIING kinondena ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang nangyaring madugong pamamaril ng dalawang hindi kilalang salarin na ikinamatay ng isang mag-ama at ikinasugat ng dalawa pang katao sa naturang lungsod.
Nagpaabot din ng kanyang taos pusong pakikiramay si Mayor Tiangco sa pamilya ng mga biktima at nangakong ibibigay sa kanila ang nararapat at kailangan nilang tulong.
Hinimok rin ng alkalde ang Navotas police sa pamumuno ni P/Col. Dexter Ollaging na bilisan ang imbestigasyon para sa agarang pagkakaaresto sa mga salarin upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Sa inisyal na ulat, nasa loob ng kanilang tirahan ang mga biktimang si Jhomarie Flores, 30, 10-anyos niyang anak na lalaki at live-in partner na si Cerina Dela Cruz, 28, sa No. 29 Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South, kasama ang 29-anyos na babaeng testigo dakong alas-8 ng gabi noong October 14, 2022 at naghahanda ng mga pagkaing paninda sa kanilang food stall nang dumating ang dalawang armadong lalaki.
Sa pahayag sa pulisya ng testigo, ang isa sa mga suspek na nakasuot ng puting t-shirt, itim na cap at maong na pantalon ay nagsimulang magpaputok ng baril sa kanilang bintana habang ang isa namang nakasuot ng asul na t-shirt, violet na cap at maong na pantalon ay sa harap ng kanilang pintuan nagpaputok ng baril.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang mga biktima, kasama si Gerardo Garcia, 30, residente rin sa lugar na tinamaan din ng bala sa Navotas City Hospital subalit, hindi na umabot ng buhay ang mag-ama.
Inilipat naman sa Tondo Medical Center si Dela Cruz at Garcia kung saan sila ginagamot habang nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala at dalawang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril. (Richard Mesa)