SISIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ang pagtatayo ng bago at modernized na Finance Center Building at Legislative and People’s Center Building kasunod ng isinagawang groundbreaking ng mga ito bilang sagot sa mga umiiral na isyu sa city hall.
Ayon kay Mayor Gatchalian, napanssin niya ang mga isyung naobserbahan niya nang mag-ikot siya sa unang linggo ng panunungkulan ay ang limitadong parking slots, kakulangan ng storage area, at kawalan ng disenteng cafeteria na kayang tumanggap ng humigit-kumulang 13,000 empleyado ng city hall.
Ang New Finance Center Building ay isang anim na palapag na gusali na may basement parking na may kabuuang 157 car slots at 113 motorcycle slots. Ito ay maglalaman ng mga opisinang nagbibigay ng kita ng Lungsod, tulad ng Treasurer’s Office, Business Permits and Licensing Office (BPLO), City Assessor’s Office, Geographical Information System – Data Management Office (GIS-DMO), Office of the Building Official (OBO), City Business Inspection and Audit Team (CBAT), Local Civil Registry, Zoning Office, at City Environment and Natural Resources Office (CENRO), at Valenzuela City Information and Communication Technology Office (ICTO).
Samantala, ang Legislative and People’s Center Building ay dinisenyo bilang isang apat na palapag na gusali na may dalawang basement parking. Ang bago at mas modernong Legislative building na ito ay naghihintay sa mga opisina ng Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela, Plenary Hall, ang 100-seater food hall para sa mga empleyado, at ang mas malaki at mas magandang City Child Protection Center.
“Isang karangalan sa akin na sa first 100 days ko in office na personally ipresent sa inyo ang dalawang imprastraktura na magiging landmark in the history ng ating mahal na lungsod.” Pahayag ni Mayor WES.
Kinilala ng alkalde si Senador WIN Gatchalian sa pagtulong sa lokal na pamahalaan na makakuha ng pondo upang bigyang-daan ang bago, mas malaki, mas mahusay, at makabagong mga gusali na tutugon sa mga pangangailangan ng bawat Valenzuelano at mas mapagsilbihan ang mga nagbabayad ng buwis sa lungsod na tinawag niyang “Proyektong Kakaiba”. (Richard Mesa)