SA PILIPINAS maglalaro ang US Dream Team sa group stage ng FIBA Basketball World Cup na idaraos sa susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ng FIBA matapos ang konsultasyon nito sa tatlong host countries sa FIBA World Cup — ang Pilipinas, Japan at Indonesia.
Inanunsiyo na ng FIBA Central Board na sa Pilipinas masisilayan ang USA habang sa Japan naman lalaro ang Slovenia at sa Indonesia hahataw ang Canada sa kani-kanyang group stage.
“The three hosts of the FIBA Basketball World Cup 2023, the Philippines, Japan and Indonesia, have selected preferred teams to play the Group Phase in their respective countries,” ayon sa statement ng FIBA.
“Each host could select a preferred team based on commercial reasons, as their choice will have no impact on the integrity of the event or the draw process,” dagdag ng FIBA.
Pormal nang nakwalipika ang Slovenia at Canada sa World Cup habang inaasahang papasok din ang USA sa oras na makumpleto ang last window ng qualifiers.
Idaraos ang sixth window ng FIBA World Cup Qualifiers sa Pebrero.
Matapos ang sixth window, inaasahang madedetermina na ang 32 teams na maglalaban-laban sa group stage.
Idaraos naman ang FIBA Basketball World Cup draw sa Maynila sa Abril 29.
Apat na grupo ang maglalaro sa Pilipinas habang dalawa naman ang sasalang sa Okinawa, Japan at dalawa rin sa Jakarta, Indonesia.
Ikinakasa na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang lahat para masigurong magiging matagumpay ang pagdaraos ng World Cup sa bansa.
Kabilang sa mga pinaplantsa ang mga venues na gagamitin sa group stage — ang Mall of Asia Arena sa Pasay City at ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magsisilbing venue ng knockout stage ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na kayang magpasok ng mahigit 50,000 fans na manonood sa venue. (CARD)