SI JK Labajo ang napili para gampanan ang mahalagang papel ni Ninoy Aquino sa pelikulang ‘Ako Si Ninoy’ ng Philstagers Films.
Kaya tinanong si JK kung ano ang naramdaman niya noong ialok sa kanya ang pelikula.
“When I was offered the role I was really happy and scared at the same time. Kasi I felt as an actor, it is one of the hardest roles to play, yung real life characters.
“Kasi you have to play the character as authentic as possible, right? So hopefully I was able to play it well, I was able to, alam mo yun, honor Sir Ninoy Aquino and ayun I feel honored and scared at the same time,” pahayag ni JK sa grand launch ng peliklula na sinulat at dinirehe ni Atty. Vincent Tañada.
***
SPEAKING of Atty. Vincent Tañada, wala pang playdate ang pelikula pero malapit na itong ipalabas sa mga sinehan.
“Ang nag-aasikaso niyan ang Reality Entertainment, yung aming distributor and co-producer so hindi pa namin alam kung kailan ang playdate namin.”
Naniniwala si Vince na kahit ano ang makasabay nilang pelikula ay may sarili namang audience ang ‘Ako Si Ninoy.’
“So inaasahan namin, lalung-lalo na yung mga fans ng mga artista ng Ako Si Ninoy and this is in fact a movie adaptation of a play which we did back in 2009, and kung makikita niyo yung mga reply sa tweet, maraming nakapanood nung play na yun at gusto nilang mapanood yung movie version so we expect na talagang yung support na makukuha natin sa mga naniniwala sa katotohanan na napatunayan natin sa KATIPS.
“Maraming nagsasabi na flop daw yung KATIPS o nilangaw, hindi naman po siguro tayo gagawa ng bagong pelikula kung wala po tayong pinagkukunan.
“At naging matagumpay po ang KATIPS kaya naririto na naman po tayong muli sumusubok sa bagong pelikula na mas malaki, mas ambitious at mas maraming magagaling na artista, mang-aawit, hindi lamang sa teatro, sa pelikula at sa palagay ko napakaganda rin ng ating istorya sapagkat ito ay ibinigay o galing sa mga resource people na talagang mapagkakatiwalaan,” pahayag pa rin ni Vince.
Bukod kay JK Labajo ay nasa cast ng ‘Ako Si Ninoy’ sina Cassy Legaspi, Joaquin Domagoso, Johnrey Rivas, Nicole Laurel, Sara Holmes, Marlo Mortel, Lovely Rivero, at marami pang iba.
***
PASABOG ang mahigit two million views ng Underage sa GMA Drama Facebook page sa eksena kung saan mapapanood ang Serrano sisters na nagvi-video habang sumasayaw sa ilog.
Sa naturang eksena, matatandaan na nagkaroon ng wardrobe malfunction si Chynna (Elijah Alejo) habang sila’y sumasayaw at patagong kinuhanan ni Lester (Anjay Anson) ng video ang magkakapatid.
Bukod dito, nasa mahigit one million views naman ang matinding eksena sa pagitan nina Lena (Sunshine Cruz) at Becca Serrano (Yayo Aguila), ang kapatid ni Delfin (Smokey Manaloto).
Sa ikalawang episode ng serye, inilahad ni Becca ang sikreto ni Lena sa harap ng kanyang mga anak at ng maraming tao habang nasa libing ni Delfin.
Matatandaang naaksidente si Delfin sa daan matapos habulin si Lester dahil sa pagpapakalat ng video ng Serrano sisters.
Samantala, umani naman ng 7.1 percent ratings ang ikatlong episode ng Underage, base sa NUTAM People Ratings. Sa episode noong January 18, inamin na ni Lena sa kanyang mga anak ang katotohanan tungkol sa kanilang tunay na mga ama.
Patuloy na subaybayan ang mga matitinding tagpo sa Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:25 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
***
MABILIS talaga ang panahon; hindi natin namalayan na isang taon na pala mula ng ilunsad ng GMA ang Sparkle na unang nakilala bilang GMA Artist Center.
And to celebrate this, isang makabuluhang charity event ang idinaos ng Sparke GMA Artist Center ngayong 2023.
Sa kanilang 1st anniversary celebration, binuo ang Sparkle Gives Back charity event kung saan sumama ang ilang mga artista para maka-bonding ang mga pasyente mula sa Bahay Aruga.
Ang mga Sparkle stars na sumali sa event na ito ay sina Rabiya Mateo, Martin Javier, Allen Ansay, Sofia Pablo, Michael Sager, Sean Lucas, Vince Maristela, at Raheel Bhyria.
(ROMMEL L. GONZALES)