KAHIT nag-post siya ng litrato ni Yen Santos nong birthday nito at nanalong Best Actress sa URIAN, hindi raw iyon nangangahulugan na Instagram official na sila, ayon kay Paolo Contis.
“Wala, walang official na ano, wala na akong inaanong official, what you see is what you get,” ang diretsong pahayag sa amin ni Paolo.
At sa tanong namin kung masaya ba siya ngayon?
“I’m okay. Ang sa akin lang, maraming mga bagay na para sa akin yung public should not care about, yun lang yung sa akin.”
Paano niya ihihiwalay ang personal sa professional niyang buhay e artista silang pareho?
“By not answering your question. Ha! Ha! Ha!
“Honestly speaking, yung mga kailangan kong harapin are very private and I will fix it privately, for some reason feeling kasi ng mga tao kailangan pag i-post mo iyon, yung complete truth, pag hindi mo pinost, hindi nangyayari, so if you don’t post it never happened, iyon yung ano ng tao ngayon, so let them enjoy that.”
May tsikang okay sila ngayon ni LJ Reyes?
“Ang mahirap kasing sagutin sa mga ganyan minsan mape-preempt, minsan may iba kang nababasa na hindi pala, so might as well… maybe the time that I will talk about really private things is when talagang maayos na, yung very first thing you have to face is ako, yourself di ba, kailangan mong ayusin ang sarili mo, kasi hindi ka naman puwedeng mag-sorry pero hindi mo pa din napapatawad ang sarili mo sa mga maling nagawa mo before.”
Nami-miss niya si Summer na anak nila ng dati niyang karelasyon na si LJ na nasa Amerika na ngayon.
“Oo, definitely!”
May plano ba siyang dalawin sa US ang anak niya?
“I’m hoping, ‘yun ang hindi ko itatago, of course, nami-miss ko yung bata.”
Personal naming nakausap si Paolo sa shooting ng bago niya pelikula, ang ‘Ikaw At Ako’ kung saan kapareha niya si Rhian Ramos, at sina Boots Anson-Roa at Ronaldo Valdez, at sina Andrew Gan at Phoebe Walker.
Sa direksyon ni Rechie del Carmen, ang ‘Ikaw At Ako’ ay initial movie venture ng Gutierez Celebrities and Media Production with executive producers MJ Gutierez and Lexie Salmasan.
***
MALAKI ang potensyal na sumikat ng Starstruck Batch 7 na si Jeremy Luis na dating Jeremy Sabido.
Remember, si Alden Richards ay hindi nakaabot sa top fourteen ng naturang artista search ng GMA pero look at Alden now? Isa sa pinakasikat na artista sa Piliinas!
Muntik na ngang iwan ni Jeremy ang showbiz nang hindi siya i-renew ng GMA ang kanyang kontrata; nagdesisyon na siya na magnegosyo na lang.
Pero sa tulong ng bagong management niya, ang Marikit Artist Management na pagmamay-ari ni Joseph “Jojo” Aleta (na dating EP at PM sa GMA; kilala mo siya, my dear editor Rohn Romulo, lagi natin siyang katsika sa mga set visits noon sa GMA) muling haharapin ni Jeremy ang pag-aartista.
Inamin naman ni Jeremy na may kasalanan din siya kaya hindi na siya na-renew ng GMA dahil hindi siya nakapag-focus sa kanyang career at napabayaan niya ang kanyang social media accounts at naging abala sa milk tea business niya sa Laguna (yes, tulad ni Alden ay taga-Laguna rin si Jeremy).
Kaya naman tinatanaw pa rin ni Jeremy na malaking utang na loob ang break na ibinigay sa kanya ng GMA at ngayon ay hindi na niya pababayaan ang kanyang pag-aartista at natuto na siya sa kanyang pagkakamali.
Ang mag talents na kasama ni Jeremy sa Marikit Artist Management ang award-winning actress na si Barbara Miguel, si Charles Angeles na guwapong baguhan, Angelika Santiago na pretty actress, ag dating Tropang Potchi star na si Kyle Ocampo, at ang Masculados.
***
SPEAKING of Masculados, ang mga miyembro ng all-male group ngayon ay sina Robin Robel, Nico Cordova, David Karell, Enrico Mofar, Richard Yumul, at Orlando Sol.
Si Robin ay kilala mo rin, my dear editor Rohn Romulo dahil regular siya sa Punchline o Laffline noong may Tuesday Club pa tayo kay Tita Cristy Fermin.
Medyo matagal silang nagpahinga, maliban kay Orlando na may solo career bilang artista sa mga teleserye ng GMA, pero ngayon nga, muli silang nabuo at pamamahalaan na ng Marikit Artist Management.
“Parang isang pamilya kami sa Marikit. Truth is, marami ang nag-alok sa amin na managers para kunin kaming exclusive talent pero sa Marikit lang namin nakita ang essence ng isang pamilya kaya dito kami pumirma ng kontrata,” pahayag ni Robin.
Dalawa ang baguhan sa grupo, sina David na half Pinoy-half Austrian at si Nico na isang modelo.
Sikat na sikat pa rin ang kanta nilang “Jumbo Hotdog” sa TikTok at may bagong kantang pasasabugin ang Masculados ngayong 2023.
Mas malaki raw ito sa “Jumbo Hotdog.”
***
ISANG nakakikilabot na kwento tungkol sa “Kinulam na Ina” ang mapapanood sa ‘Magpakailanman’ this Saturday (January 28).
Gaganap si Sheryl Cruz bilang Alma na pahihirapan ng kanyang asawa at biyenan sa pamamagitan ng kulam. Bakit nga ba sila humantong sa ganito? Paano makakaligtas si Alma mula sa sarili niyang pamilya?
Abangan ang ‘Magpakailanman’ tuwing Sabado, 8 p.m. sa GMA-7. Mapapanood din ito sa livestream ng GMA Network Facebook page at YouTube account.
(ROMMEL L. GONZALES)