ISANG memorandum ang nilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naglalaman kung saan ang mga operators ng traditional jeepneys, UV Express at multicabs ay hindi na papayagan ng mag operate kung hindi sila lalahok sa isang kooperatiba o magtatayo ng korporasyon.
Binigyang hanggang June 30 ang mga operators na sumunod sa nasabing memorandum. Pinahaba ng LTFRB ang deadline na dapat sana ay sa March 31.
Nilabas ng LTFRB ang nasabing memorandum kahit na may matinding oposisyon ang mga samahan ng mga transportasyon na kanilang tinututulan ang phase-out ng mga traditional jeepneys.
Susog sa programa ng pamahalaan sa Public Utility Vehicle Modernization (PUVMP), ayon na rin sa LTFRB, ang mga operators na mabigong sumunod sa consolidation requirement ay pawawalang bisa ang kanilang prangkisa o ang tinatawag na certificates of public convenience (CPC).
“The CPC of the operators who fail to join the existing consolidation entity after June 30 will be reverted to the state. The franchises of PUV operators who fail to join a cooperative or corporation will be automatically rewarded to the existing consolidated entity operating on the same route,” ayon sa LTFRB.
Subalit kung makakasunod sila sa tinakdang deadline sa June 30, bibigyan ang mga operators ng provisional authority hanggang Dec. 31.
Tinututulan ng mga transport workers ang programa kung saan ayon sa kanila ay anti-poor at maaaring magsulong ng monopoliya sapagkat kailangan silang sumunod na magkaron ng multimillion-peso na modern jeepneys at route consolidation.
Maaari naman na ang mga maaapektuhang operators ay mag apela sa social intervention initiatives ng pamahalaan.
“There will be mediation procedures in case of rejection in an existing consolidated entity, be it a cooperative or a corporation,” saad ng LTFRB.
Ayon sa LTFRB matagal ng naantala ang pagpapatupad ng programa upang matulungan ang mga transport operators na naapektuhan ng pandemya at ng pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina. LASACMAR