NAGLAAN ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ng pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng Lagusnilad vehicular underpass na matagal nang nakatiwangwang na inumpisahan noon pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) subalit sa hindi malamang dahilan ay nabimbin ang pagsasaayos na nagdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ayon kay Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW) City Engineer Armand Andres, sasagutin na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang rehabilitasyon ng Lagusnilad na nasa ilalim ng pamamahala ng pambansang pamahalaan dahil na rin sa napakaraming reklamong natatanggap ng opisina ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan mula sa mga motorista na dumadaan dito.
Bukod sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Lagusnilad, madalas ding magkaroon ng disgrasya sa lugar, lalu na ang mga nagmo-motorsiklo, bunga ng pagiging madulas at hindi pantay ang lansangan makaraang kayurin ang lansangan subalit hindi na nalagyan ng aspalto.
Ayon kay Engr. Andres, mapapasimulan nila ang proyekto sa mga susunod na isa hanggang dalawang linggo dahil kinakailangan pa nilang pag-aralan ang mga lugar na na gagamitin sa isasagawang traffic re-routing.
Kailangan din aniya nilang maglagay ng mga karatula o signages na magiging gabay ng mga motorista upang malaman nila na isasara sa daloy ng trapiko ang Lagusnilad at kung saan dapat dumaan.
Umaasa si Engr. Andres na matatapos nila ang proyektong pagsasailalim sa rehabilitasyon ng Lagusnilad bago pa dumating ang panahon ng tag-ulan.
Ang Lagusnilad Underpass ay bahagi ng lansangan ng Taft Avenue na isang pambansang daanan na nasa ilalim ng pamamahala ng national government.
Ang Lagusnilad ang kaunaunahang underpass na daanan ng mga sasakyan sa Pilipinas at maging sa buong Asya na ginawa noong taong 1960 sa panahon ni dating Mayor Antonio Villegas. (BISHOP JESUS “JEMBA” BASCO)