“GOOD LUCK”
Ito ang wish ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cambodia SEAG-bound athletes at officials matapos pangunahan ang isinagawang formal send-off ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay, araw ng Lunes.
Naniniwala kasi ang Pangulo na mahalagang suportahan ng lipunan ang sport o ang palakasan at dapat lamang na panatilihin.
Sa harap ng mga atleta na makikipaglaban sa Southeast Asian Games (SEAG), sinabi ng Pangulo na makapagbibigay ng kaligayahan sa mga Filipino ang pagkapanalo ng mga ito kung papalarin.
“That is why it has to be kept as a very, very important part of our support to our society. And beyond that, ang ating mga champion, ang ating mga nag-uuwi ng medalya at saka tropeo ay talaga namang nagdadala ng kasiyahan at naipagmamalaki ng buong madla na kami ay Pilipino. ‘Yang mga ‘yan Pilipino ‘yan, mga champion namin ‘yan at ‘yan ang siguro ang pinakamahalaga na dinadala — nagdadala kayo ng dangal sa Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos.
Idinagdag pa nito na “It’s good for your discipline. It’s good for your health. It’s good for your camaraderie. It’s good to mature young people.”
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalo ang Pangulo sa send-off event simula nang manalo siya noong May 2022 presidential elections.
“It is my great, great pleasure to be able to be with you just very quickly. Pinilit kong makapunta rito dahil gusto kong makilala ‘yung mga champion,” aniya pa rin.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang Pangulo na tulungan ang mga atleta at mga sports officials sa kahit na anumang paraan.
“If there is anything more that this government can do, that this administration can do, that I personally can do, you please make sure you will tell me because we are all rooting for you,” aniya pa rin.
“At huwag ninyong kakalimutan kapag talagang napagod na, nahirapan na, na-injure na nang kaunti, pakinggan niyo ulit ‘yung sigaw, maririnig niyo kami ‘yun, ‘yung mga kapwa niyo Pinoy, sinisigaw: Go! Go! Go! Go!,” aniya pa rin.
Tinatayang mahigit sa 800 Filipino athletes ang lalaban sa mahigit na 600 events sa 38 sports sa Cambodia SEAG mula Mayo 5 hanggang 17. (Daris Jose)