PINURI ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matagumpay na unang isang taon nito sa pamamalakad sa bansa bilang halal na Pangulo.
Sinabi ni Duterte na pinatunayan lamang ni Pangulong Marcos sa unang taon niya bilang Pangulo na determinado ang kanyang gobyerno na tupdin ang lahat ng kanyang mga ipinangako noong eleksyon.
“Masaya po ako na ako’y bahagi ng isang administrasyon na nakatuon sa pagpapalakas ng ating bansa — at agresibo sa pagpapatibay ng ating ekonomiya; pagkakaroon ng sapat na trabaho at hanap-buhay; pagtugon sa hamon ng kahirapan; pagbibigay ng suporta sa mga sektor tulad ng mga mangingisda, magsasaka, at mga manggagawa; pagpapatayo ng mga importanteng imprastraktura; pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon at kalusugan para sa mga Pilipino; at ang pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa,” ani Duterte.
Hunyo 30, 2022, nanumpa na bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas ang 64-anyos na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Siya ang ikatlong anak ng dating pangulo na nasundan ang yapak ng kanilang mga magulang.
Si Bongbong ay anak ni dating Pangulong Marcos Sr., na naging pangulo ng bansa mula 1965 hanggang sa mapatalsik siya sa puwesto noong 1986 sa People Power Revolution.
“Makikita ng lahat ang sipag at pagpupursigi ng ating mahal na Pangulo na ituloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ng nakaraang administrasyon — at magpakilala ng mga bagong programa at proyekto upang mabigyan ng ginhawa ang buhay ng ating mga kababayan,” ani Duterte.
Sa kabilang dako, sinabi ni Duterte na nagpapasalamat ang Department of Education at Office of the Vice President (OVP) para sa suporta ni Pangulong Marcos para sa mga programa para sa mga kabataang Filipino.
Nanawagan naman ang Pangulo sa buong bansa na suportahan ang administrasyong Marcos at pagtibayin ang kanilang pagkakaisa laban sa mga hamon na darating sa kanila.
Nananawagan ako sa lahat ng ating mga kababayan na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Marcos upang maisakaturapan ang mga adhikain nito para sa ating lahat. Sana ay mas palakasin pa natin ang ating pagkakaisa — at gamitin natin itong sandata upang malampasan ang mga darating na hamon sa atin bilang isang bansa,” ayon kay Duterte. (Daris Jose)