KULUNGAN ang kinabagsakan ng dalawang sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ni Renzie Lusterio alyas “Renz”, 29 ng 160 East Libis, Baesa, Caloocan City kaya ikinasa ng mga operatiba sa pangunguna ni P/Cpt. Joel Madregalejo ang buy bust operation.
Matapos tanggapin ng suspek ang P8,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba at inaresto nila si Lusterio sa harap ng Puregold sa Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen T. De Leon, dakong alas-6:30 ng umaga.
Ani PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humgi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P68,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money at cellphone.
Nauna rito, nasakote din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Liwayway corner Kasaganaan Sts., Brgy., Marulas, alas-8:30 ng umaga si Eric Villaresco, 43 ng 190 Tagumpay St., Brgy. Marulas.
Ayon kay Cpt. Madregalejo, nakuha kay Villaresco ang humigi’t kumulang P68,000.00 ng hinihinalang shabu, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money at cellphone.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)