EMOSYONAL na binalikan ni Nadine Samonte ang mga hinarap niyang pagsubok bilang isang ina, kabilang noong sabihan siya ng doktor na hindi siya puwedeng magkaanak.
At nang mabuntis, kamuntikan pang malaglag ang isa niyang anak.
“Kasi sinabihan ako ng doctor na I can’t have kids noong 2013, 2014 hanggang 2015 na I cannot. I should consider surrogate,” kuwento ni Nadine sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
“So sabi ko noon, ‘Wow I’m just 27 years old then sasabihan ka na hindi ka puwede magkaanak.’ That time sabi ko, ‘Kapag binigyan ako ni Lord ng mga anak, lahat gagawin ko para sa kanila. Kahit na itigil ko ‘yung trabaho ko, gusto ko silang palakihin talaga.’ And that’s what I did,” pagpapatuloy ni Nadine.
Kaya naman noong pinalad na mabuntis, labis na hirap ang kaniyang pinagdaanan.
“It’s very difficult, it’s very, very difficult. Lahat, everyday, injections, umaga, gabi, bed rest, diet, everything. Everyday nandoon ‘yung kaba na ‘Is the baby still okay? May heartbeat pa ba?’ ‘Yung gano’n.”
Kuwento ni Nadine, lumabas agad ang panganay niyang anak na si Heather Sloane sa ika-34 linggo niyang pagbubuntis.
Ang anak na lalaki naman niyang si Titus, ay muntik nang lumabas noong ika-28 linggo niyang pagbubuntis.
“Sabi ng doktor, ‘Hindi. Hindi siya puwedeng lumabas kasi kapag lumabas siya mahihirapan na tayo. Baka hindi siya maka-survive,’” kuwento ni Nadine.
Tila isang himala ang nangyari nang tumagal pa si Titus sa kaniyang sinapupunan.
“With God’s grace and everything, nakaabot kami ng 35 weeks,” sabi ng Kapuso actress.
Pag-amin ni Nadine, pinakanahirapan siya sa ikatlo niyang anak na si Harmony.
“Ang pinakamahirap for me is my third. Noong first trimester ko, malalaglag na siya. I was bleeding so hard, sobra. As in akala ko mawawala na siya and that’s COVID days pa. Ang hirap kumilos and all.”
“Ang lakas ko lang talaga kay Lord. Naka-survive siya,” pag-alala pa ni Nadine.
“Pero paglabas niya ng 37th week, ang daming complications. Na-incubator siya, hindi siya makahinga. Bagsak ang blood sugar. One week kami sa hospital.”
Laking pasasalamat ni Nadine na biniyayaan siya ng Diyos ng tatlong anak sa kabila ng kaniyang kalagayan noon.
“I’m super blessed. Thank you for my kids. ‘Yun lang.”
Kaya bilang isang ina, lahat ay gagawin ni Nadine para sa mga anak.
“Lahat gagawin ko for them. Sobra kasi ‘yun ‘yung turning point ko, nu’ng sinabi sa akin ng doktor na, ‘You can’t have kids,’” sabi niya.
Ikinalungkot ni Nadine ang posibilidad na hindi sila maaaring magkaroon ng mga anak ng kaniyang asawa.
“So, parang sabi ko kay Richard noon, ‘Paano? Are we still gonna be a family?’ ‘Di ba, ‘yung feeling na parang may kulang. Sige, nandiyan siya as my husband. Nandiyan kami. Kaya naman siguro kung walang kids.”
“Pero parang iku-question mo ‘yung sarili mo, ‘Bakit ako of all people? Bakit hindi ako puwede magkaroon ng anak?’” pagpapatuloy niya.
Inamin niyang minsan na rin niyang ikinonsidera ang surrogacy.
“Hanggang to the point na sabi ko sa mom ko na, ‘Sige, Ma, puwede bang ‘yung sister ko na lang ang mag-surrogate for me?’”
Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang kaniyang ina, at pinayuhan siya para tumatag ang kaniyang loob.
“Sabi ng mama ko, ‘Ano ka ba? Tumigil ka. Dumire-diretso ka lang sa ginagawa mo and kung talagang ibibigay sa ‘yo ng Diyos ‘yan, ibibigay ‘yan sa ‘yo,’” ani Nadine.
“At ibinigay. God is very, very good,”
Nasa cast ng ‘The Missing Husband’ ng GMA si Nadine na eere na simula sa Lunes, August 28.
(ROMMEL L. GONZALES)