IPINATUPAD na ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at Navotas ang Executive Order No. 39 na inisyu ng Malacañang o ang Pagpapataw ng Mandated Price Ceilings sa Bigas sa lahat ng pampubliko at pribadong pamilihan at mga supermarket sa parehong lungsod.
Sa Valenzuela, bumuo ng Task Force si Mayor Wes Gatchalian upang tutukan ang pagpapatupad ng price ceiling sa bigas sa lungsod.
Ito’y kasunod ng isinagawang pulong ng alkalde sa mga market masters at business owners upang makuha ang kanilang pananaw sa nasabing pagtatakda ng presyo sa bigas.
Ipinaliwanag din sa kanila ang mga alituntunin para sa pagpapatupad ng direktiba na sinimulan nitong Martes, September 5.
Ayon kay Gatchalian, ang naturang task force ang iikot sa lungsod at magmo-monitor kung naisasagawa ba ng mga retailers ang price ceiling na P41 hanggang P45 sa regular at well-milled rice.
Sinabi pa ni Mayor Wes na buo ang kanyang suporta suporta at kooperasyon sa pambansang direktiba na naglalayong protektahan ang mga small-time traders at retailers pati na rin ang mga consumer mula sa malawakang pagsasagawa ng umano’y ilegal na manipulasyon at pag-iimbak ng presyo.
Samantala, tinututukan din ng Navotas City Agriculture Office at Business Permits and Licensing Office ang pagpatutupad ng EO No. 39 sa lahat ng mga pamilihan sa lungsod.
Layon nito na imonitor at matiyak na sinusunod ng mga tindahan ng bigas sa Navotas City ang itinakdang price cap.
Nauna rito, pinulong ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang Local Price Coordinating Council sa mga rice retailers para mapag-usapan ang EO, malaman ang kanilang opinyon, at maiparating sa kaukulang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing at suhestiyon.
Noong Agosto 31, pinirmahan at inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng EO No. 39 ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na magtakda ng price ceiling sa bigas sa bansa. (Richard Mesa)