WALANG pag-aalinlangan ang isang matataas na opisyal ng Kamara na ang anti-drug operations ng administrasyon ni Pangulong Marcos ay mas magiging matagumpay sa pinaigting na operasyon ng mga otoridad subalit mas konti ang inaasahang mamamatay.
“The 52% significant drop in the number of fatalities, as reported by PDEA (Philippine Drug Enforcement Authority) is really a welcome development. For several years, we have been the subject of human rights abuses in this part of the world,” ani Antipolo City Rep. Romeo Acop, vice chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Inatasan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kongresista mula sa Antipolo, na isang retiradong police general, na tulungan si Barbers at Sta. Rosa City Lone District (Laguna) Rep. Dan Fernandez, ang chairperson ng House Committee on Public Order and Safety, sa pagtalakay sa mga isyu na mayroong kinalaman sa kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.
Si Acop ang chairman ng House Committee on Transportation.
Nauna rito ay iniulat ng PDEA na bumaba ng 52% ang bilang ng mga namatay sa anti-illegal drugs operations. Bumaba ang bilang ng mga nasawi sa 19 mula Hulyo 2022 hanggang Setyembre 2023 mula sa 40 mula 2020 hanggang 2021.
Mayorya ng miyembro ng Kamara ang nagpahayag ng pagsuporta sa “bloodless anti-drug campaign” ng administrasyon kung saan umabot na sa P30 bilyon ang nasabit na ipinagbabawal na gamot mula ng magsimula ang termino ni Pang. Marcos.
Ang kabuuang halaga at bilang ng nasamsam ng pamahalaan ay mula sa datos ng PDEA, National Bureau of Investigation at Philippine National Police’s Drug Enforcement Group.
Kasama sa 4.4 tonelada ng ipinagbabawal na gamot na nakumpiska ang 200 kilo ng shabu extender na narekober sa Mabalacat, Pampanga noong Agosto; 560 kilo sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong Setyembre, at 323 kilo na naharang sa Manila International Container Port sa Maynila noong Oktobre 4.
Kasama rin sa mga nasamsam na iligal na droga ang halos tatlong toneladang pinatuyong dahon ng marijuana.
Pinapurihan ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. (Pampanga) ang mga ahensya ng gobyerno sa kanilang matagumpay na mga operasyon. Siya ay kabilang sa mga kongresista na sumaksi sa pagsira ng PDEA sa mga ipinagbabawal na gamot noong nakaraang linggo sa Cavite.
Itinulak ni Gonzales ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Kamara matapos itong magpahayag ng pagkabahala dahil sa kanyang distrito umano idinaraan ang ipinagbabawal na gamot.
Suportado rin ni House Deputy Majority Leader Janette Garin, kinatawan ng Iloilo ang bloodless war on drugs ng gobyerno.
Sinabi ni Garin na sa nakaraang 16 na buwan ng pamumuno ni Pan. Marcos, 4.4 tonelada ng shabu na may street value na hindi baba sa P30 bilyon ang nakumpiska. (Daris Jose)