KAHIT kagagaling lamang sa sakit ay lumagare na sa trabaho si Lotlot de Leon.
Nag-negatibo naman siya sa swab test para sa COVID-19 pero matinding ubo at sipon ang dumale sa mahusay na aktres ilang araw bago mag-Pasko.
Mabuti na lamang at isang araw bago ang taping niya para sa ‘Makiling’ na bagong serye ng GMA ay gumaling na siya, at mabuti na rin ang pakiramdam niya sa bisperas ng Pasko.
Kaya naman Christmas day mismo ay nakapagluto pa siya ng mga pagkain, tulad ng liempo, na request kay Lotlot ni Janine Gutierrez.
Tuwing Pasko, mismong December 25 ay dumarating ang lahat ng mga anak ni Lotlot na sina Janine, Jessica, Diego at Maxine Gutierrez para doon maghapunan kasama sina Lotlot at mister nitong si Fadi El-Soury.
After Christmas ay tumungo naman sa Batangas si Lotlot para sa shooting ng isang bagong pelikula na hindi pa maaaring isulat ang mga detalye.
Samantala, haping-happy si Lotlot dahil malakas ang kinikita sa box-office ng ‘When I Met You In Tokyo’ na reunion movie ng ama niyang si Christopher de Leon at Star for All Seasons na si Ms. Vilma Santos.
Isa nga ang nabanggit na pelikula na pinipilahan ng mga moviegoers na nagbabalik-sinehan na matapos ang mahabang panahon ng pandemya.
Saksi kami na ang susyal at high-end na Glorietta 4 sa Makati ay pagkahaba-haba ng pila ng mga taong bumibili ng tickets at halos lahat ng sinehan ay puno, tulad ng mga sinehan sa naturang mall na pinagpapalabasan ng -‘When I Met You In Tokyo,, ‘Rewind’ at “Firefly.’
Sana nga, tuluy-tuloy na ang muling panonood ng sine ng publiko at sana rin nga, bumaba na ang presyo ng tickets para makapanood ng pelikula.
***
AGREE kami ng one hundred percent sa pahayag ni Heart Evangelista na hindi dapat ginagawang Christmas gift ang aso, pusa o anumang hayop.
Ayon kay Heart ang pagpapa-ampon at pagbibigay ng pet ay dapat na may tamang dahilan at rason at hindi dapat basta-basta na lamang nagreregalo ng pet animals.
“I’m really against that,” mariing sinabi ni Heart, “ako, hindi ko maintindihan kahit yung sa simpleng birthday party na merong rabbits na ipinamimigay or animals na pinamimigay.
“Kasi buhay yun e, kailangang maging choice yun ng kung sino man ang kukuha na mabigyan ng magandang buhay ang aso o ang pet na ibinibigay sa kanila.
“So dapat choice nila ‘yun. It never should be a gift.”
May proseso ang pagbibigay at pagtanggap at pag-aalaga ng aso o anumang uri ng pet.
“Unless matagal na talagang gusto ng pamilya, ng anak na magkaroon ng aso, at whether maalagaan ng bata or not, the parents would be 100% there. So yes, okay,” lahad ni Heart.
“But you always have to adopt a pet for the right reasons.”
May ilang tips pang inihayag si Heart tungkol sa pag-aalaga ng mga hayop sa darating na Bagong Taon na may mga putukan dahil sa fireworks bilang takot sa ganoong malalakas na ingay ang mga hayop lalo na ang mga aso.
“Usually pag ganiyan, talagang mine-make sure namin they’re in a room, naglalagay din kami ng towels as much as possible sa mga butas ng pinto. We try to make the room as soundproof as possible.
“Pero the reality is hindi rin siya 100% soundproof. So as long as they are with their loved ones at mga kasama sa bahay at lagi silang pine-pet, just keep them calm, that’s the best thing you could do. But hindi dapat sila ‘yung nakatali o nakakulong sa labas,” saad pa ni Heart.
(ROMMEL L. GONZALES)