SUMAMPA na sa halos 600 katao ang bilang ng nadidisgrasya ng paputok atbp. paingay sa pagpasok ng 2024 habang nadagdagan naman ng dalawa pa ang bagong kaso ng stray bullet injuries, ayon sa Department of Health.
Ayon sa DOH ngayong Huwebes, nadagdagan pa kasi ng 28 fireworks-related injuries mula ika-3 hanggang kaninang madaling araw.
“May dalawa pang kumpirmadong stray bullet injuries (SBIs). Isang kaso ng SBI ay 28/M mula sa NCR na nabalian ng pangalawang daliri sa kaliwang paa dahil sa ligaw na bala,” wika ng DOH.
“Ang isa pang kaso ng SBI ay isang 60-taong-gulang na lalaki mula sa CAR na nabalian kanyang kaliwang collar bone. Nagpapatuloy ang koordinasyon sa pagitan ng DOH at PNP para sa lahat ng ulat ng mga SBI.”
Kabilang sa mga bagong talang nadisgrasya ang mga sumusunod:
lalaki: 23
babae: 5
pinakabata: 6-anyos
pinakamatanda: 62-anyos
dahil sa ligal na paputok: 13
dahil sa iligal na paputok: 15
naospital: 9
Halos lahat sa mga naputukan o 25 sa mga kaso ay nangyari sa kani-kanilang bahay at mga lansangan.
“Tandaan na ang mga pinsala at pagkamatay mula sa ligaw na bala at ‘aksidente’ dahil sa kalasingan ay maiiwasan. Hindi dapat maghalo ang baril, paputok, at alak,” dagdag pa ng DOH.
“Ang mga pulis, mga lokal na pinuno, at mga komunidad ay dapat magtulungan upang lumikha ng isang mas ligtas at malusog na komunidad, lalo na sa mga panahong ito ng pagdiriwang.”
Aabot naman na sa 585 ang napinsala sa kabuuan kaugnay ng pagdiriwang ng holiday season. 581 dito ay dahil sa paputok, isa dulot ng watusi habang tatlo naman ang nadali ng ligaw na bala.
Mahigit kalahati ng mga survivors ay sinasabing nagmula sa Metro Manila, bagay na pumapatak na sa 311.
Pinakamarami sa mga nadisgrasya ay nanggaling sa mga sumusunod na rehiyon:
National Capital Region: 54%
Ilocos Region: 10
CALABARZON: 8%
Central Luzon: 7%
Sinasabing 96% ng mga nadisgrasya ay nangyari sa mga bahay at lansangan. Karamihhan din ay lalaking may aktibong pakikilahok sa paputok.
Karamihan naman sa lahat ng mga FWRIs ay dulot ng mga sumusunod na paputok, ang mga iligal ay minarkahan ng asterisk: Kwitis, 5-star, Whistle Bomb, Pla-pla, Boga, Luces at Fountain.
Matagal nang hinihikayat ng DOH ang publikong umiwas sa paputok tuwing papasok ang Kapaskuhan at New Year at sa halip lumipat sa mas ligtas na paingay. (Gene Adsuara)