HINDI makaaapekto sa tunay na security situation sa ground ng Pilipinas ang travel advisory ng Canada laban sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ni National Security Adviser at National Security Council (NSC) chair Eduardo Año na ang pag-assess sa security landscape ay isang “ongoing process”, winika nito na patuloy ang ginagawang pagsisikap na matugunan ang mga hamon na maaaring umusbong.
“While we appreciate their concern for the safety and security of Canadian citizens, we wish to express our disagreement with the basis and scope of the advisory,” ayon kay Año.
Sa ulat, nito lamang Enero 10 ay nagpalabas ng travel advisory ang Canada laban sa Pilipinas dahil na rin sa pangamba hinggil sa krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping sa ilang partikular na lalawigan lalo na sa Mindanao.
Pinayuhan ng gobyerno ng Canada ang mamamayan nito na iwasang bumiyahe sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay at Sultan Kudarat.
Pinayuhan din nito ang “avoid non-essential travel” sa Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte (hindi kasama ang Siargao Island), Surigao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur ( hindi kasama ang Davao City), Davao Occidental at Davao Oriental.
Binigyang diin ni Año na ang peace situation sa Pilipinas lalo na sa Mindanao, ay “greatly improved”, patunay rito ang ranking ng Pilipinas sa Global Terrorism Index — mula sa pagiging kasama sa “top 10 countries” na apektadong ng terorsimo may ilang taon na ang nakalipas ay naging rank 18 noong nakaraang taon.
Pumuwesto rin ang Pilipinas sa pang-115 sa Global Peace Index noong 2023, nakapagtala ng 6 na puntos para sa positive change.
Tinuran pa ni Año na nagpatupad ang Pilipinas ng komprehensibong hakbang at pamamaraan para palakasin ang kapayapaan at seguridad sa Mindanao.
Giit pa nito, walang humpay ang pamahalaan sa paglutas sa ugat na dahilan ng karahasan at rebelyon kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nilikha sa ilalim ng Bangsamoro Organic Act.
Sa kabilang dako, sinabi ni Año na Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-anunsyo na wala ng aktibong Communist Party of the Philippines-New People’s Army guerrilla fronts sa Mindanao bunsod na rin ng na- neutralize na ng puwersa ng pamahalaan ang 1,399 komunista at local terrorist members sa buong bansa.
Tinuran pa nito na isa sa mga suspek noong Dec. 3, 2023 bombing sa Mindanao State University gymnasium ay naaresto na.
“We invite representatives from the Canadian government to engage in a constructive dialogue with the Philippine authorities to better understand the context and nuances of the security situation. Such discussions will help ensure that travel advisories accurately reflect the current conditions in the Philippines,” dagdag na pahayag ni Año. (Daris Jose)