BUKAS ang gobyerno ng Pilipinas na pag-usapan ang situwasyon ng karapatang-pantao sa bansa.
At ito’y may sapat na kakayahan para tugunan ang mga paglabag.
Ito ang sinabi ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Undersecretary Paul Gutierrez kasabay ng pagtatapos ng 10-day visit ng United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan sa Pilipinas.
Sinabi ni Gutierrez na ang pagbisita ni Khan sa Pilipinas ay patunay na ang gobyerno ay transparent ukol sa sitwasyon ng karapatang-pantao sa bansa at handang makipag-usap kahit kanino ukol dito.
“Napakita po natin muli ang ating transparency, ang ating openness, ang ating pong kahandaan na makipag-dayalogo sa kahit sino,” aniya pa rin.
“[Naipakita] po ang tunay na record ng estado ng karapatang pantao at pamamahayag sa ating bansa,” dagdag na pahayag ni Gutierrez.
Winika pa nito na ang pagbisita ni Khan ang magiging daan para mapagtanto ng UN Human Rights Council (UNHRC) na ang sitwasyon sa Pilipinas ay salungat sa mga report na kanilang natatanggap.
“Nagulat lang po sya na 50… more than half of the killings na nangyari po sa hanay ng media since 1987— hindi pa po nila alam ito dyan sa United Nations, ay naresolba na po pala ng atinng gobyerno,” aniya pa rin.
“I think we have presented to Ms. Irene Khan the commitment, openness, and transparency of the Marcos administration in addressing all these issues related [to] freedom of opinion and expression, in particular, and of course in relation [to human rights],” lahad nito.
Dahil dito, sinabi ni Gutierrez na ang gobyerno ng Pilipinas ay may kakayahan na lutasin ang domestic affairs nito partikular na ang mga kasong may kinalaman sa paglaban sa karapatang-pantao.
“Matibay po ang kredibilidad ng ating gobyerno sa pagtugon po sa mga problemang ito sapagkat kumpleto naman ang ating mga proseso,” ayon kay Gutierrez.
“Ang ating mga sistema ng hustisya dito sa ating bansa ay matibay po at malakas at appreciated nga po ni Ms. Khan,” aniya pa rin.
(Daris Jose)