HIGIT na 100 Pinoy Swifties ang nabudol sa pagbili ng tickets para sa “The Eras Tour” concert ni Taylor Swift na gagawin sa Singapore.
Umabot sa P15 million ang natangay ng scammer sa mga Pinoy fans ni Taylor Swift. Kabilang na rito ay ang Sparkle Teen star na si Sofia Pablo.
“I’m one of the 100 victims,” pag-amin ng teen actress.
Ayon kay Sofia, pinakitaan pa siya ng scammer ng pekeng email screenshot ng Ticketmaster na nag-void sa account ng seller dahil may nag-report umano ng pagre-resell niya ng tickets.
Nagpadala din ang suspek ng kanyang selfie at ID, at nakipag-meet-up sa ibang nabiktima para magpapirma ng kontrata sa bentahan. Nakasaad pa raw sa kontrata na puwede siyang kasuhan ng buyer kapag wala siyang naibigay na tickets.
Pero nang dumating ang araw na dapat na niyang maibigay ang mga ticket, walang naibigay ang suspek. Idinahilan umano ng suspek na nagkaroon ng problema sa pagkukunan niya ang tickets.
Kabilang din si Sofia sa humihingi ng tulong sa National Bureau of Investigation para sampahan ng kaso ang suspek.
Nakatakdang gawin ang The Eras Tour sa Singapore mula March 2 hanggang 4, at March 7 hanggang 9, at makakasama rin si Sabrina Carpenter bilang special guest.
***
MAGANDA ang naging chemistry nila Glenda Garcia at Jo Berry kaya parati raw silang take one sa mga eksena nila sa upcoming GMA Afternoon Prime series na ‘Lilet Matias: Attorney-At-Law’.
Gumaganap si Glenda bilang adoptive mother ni Lilet na si Ces Matias. Habang nagte-taping sila ay ang turingan nilang dalawa ay parang tunay na mag-ina.
At kahanga-hanga raw si Jo dahil wala raw itong ere. Kahit na ilang beses itong nagbida na, nanatiling down-to-earth ito at walang attitude problem.
“Napakabait at magaling na artista si Jo. Walang ere kaya napakaganda ng chemistry naming dalawa. Sa mga eksena namin ‘pag nagtatama palang ang mata namin mararamdaman mo na ang gusto naming pakita at paramdam namin sa televiewers. Kaya lagi kaming take 1,” sey ni Glenda.
Isa si Glenda sa hinahangan din ng maraming baguhan dahil sa pagiging professional nito at sa ilang taong experience nito bilang isang mahusay na artista na kaya gawin ang anumang role.
“Sobrang grateful ako at binigay sa akin ang role dito sa Lilet Matias. Ma-drama ang mga eksena namin ni Jo, pero may mga light moments din kami. Isa ito sa pinakamagandang serye na nagawa ko kaya sobra akong excited dito. Sana nga mapansin at magustuhan ng mga televiewers ang pagganap ko dito dahil binigay ko talaga ang best ko sa serye na ito.”
***
NAKATUTUWA namang mapanood si Princess Punzalan sa sikat na US TV series na ‘The Cleaning Lady’.
Kahit na re-run na ang season two episode na pinalabas dito, maganda’t nalaman natin na aktibo pa rin si Princess sa pag-arte sa Amerika.
Ginampanan ni Princess ang role bilang si Alma de la Rosa or “Lola” sa naturang series na na-renew for a third season ngayong 2024.
Nagsimulang umere ang ‘The Cleaning Lady’ sa FOX network noong 2022 hanggang 2023. Bida rito ay ang French actress na si Elodie Yung at kasama rin sa cast ang tatlo pang Fil-American actors: Martha Millan, Ruby Ibarra and Alberto Isaac.
Nagtatrabaho bilang hospice nurse sa Amerika si Princess nang may mang-enganyo sa kanyang mag-audition para mga TV shows at pelikula.
Una siyang lumabas sa independent film na ‘Yellow Rose’ with Eva Noblezada and Lea Salonga noong 2019.
“I started trying to research about how you become an actor in America. I watched YouTube videos and found this lady, Wendy Elaine Wright. She was a singer, an agent, and then a manager. She teaches how to become an actor so I went back to getting training. It took a long time.
“The COVID lockdown was a blessing for me. That was a time when I started to really learn more about the business, and how to be at par with the kind of quality that they’re looking for here in America,” say ni Princess sa isang interview with Forbes magazine.
(RUEL J. MENDOZA)