NAISABATAS na ang 14 mula sa 57 priority bills ng administrasyong Marcos.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa katatapos lamang na pagpupulong ng ika-apat na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Martes, Marso 19.
Kabilang naman sa mga priority bills na naipasa na ay ang mga sumusunod:
- SIM Card Registration Act
- Postponement of Barangay/SK elections
- Strengthening Professionalism in the AFP
- New Agrarian Emancipation Act
- Maharlika Investment Fund
- Trabaho Para sa Bayan Act
- Public-Private Partnership Code of the Philippines
- Regional Specialty Centers
- Automatic Income Classification of LGUs
- Internet Transactions Act
- Ease of Paying Taxes Act
- Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act
- Philippine Salt Industry Development Act
- New Philippine Passport Act
Sinabi ng Malakanyang sa isang kalatas na mayroong 43 natitirang CLA bills ang hindi pa naipapasa para maging ganap na batas.
Gayunman, sinabi ng LEDAC na mayroon pang karagdagang limang priority measures na susuporta sa social at economic initiatives ang nakatakdang ipasa sa June 2024.
Ang mga ito ay ang “Open Access in Digital Transmission Act, Enterprise-based Education Program (Apprenticeship Act), CREATE MORE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy), An Act Creating the Department of Water Management, at Amendments to the Universal Health Care Act.”
Sa kabilang dako, sa LEDAC meeting pa rin, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na desidido silang tapusin ang kabuuang 23 priority bills bago mag-Hunyo.
“So ‘yan ang commitment namin sa House of Representatives together with the President. But we’re on track to pass all of these by June,” ayon sa senador.
Sinabi naman ni House Speaker Martin Romualdez na nai-trasnmit na rin sa Senado ang lahat ng LEDAC priority measures.
“At ‘yung dahilan kung bakit nauna po kami kaya kailangan tapusin naman natin talaga yung House bago i-akyat natin sa Senate. Kaya parati nating tinutukan ‘yung ating mga LEDAC priority measures para hindi madedelay ang deliberasyon sa Senate kaya parating hindi naman sa minamadali pero ino-overtime talaga natin sa House,” ayon kay Romualdez.
Samantala, kabilang naman sa 15 priority measures na ipapasaa sa pagtatapos ng Hunyo ay ang “Amendments to Anti-Agricultural Smuggling Act/Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Self-Reliant Defense Posture Act, Philippine Maritime Zones Act, Real Property Valuation and Assessment Reform Act, Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS), at ang Negros Island Region Act.”
Kabilang din sa listahan ang “Anti-Financial Accounts Scamming Act; Value-Added Tax on Digital Services; Amendments to the Government Procurement Reform Act; Blue Economy Act; Waste-to-Energy Bill; Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) and National Service Training Program (NSTP); Unified System of Separation, Retirement, and Pension of Military and Uniformed Personnel; E-Government Act/E-Governance Act; at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act.” (Daris Jose)