• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 10th, 2024

Sekyu na tumodas sa bading sa Valenzuela, timbog

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
ARESTADO ang isang security guard na tumodas sa bading na streetsweeper sa Valenzuela City nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Hindi nakapalag ang suspek na si alyas “Tanieca”, 25, nang dakmain siya ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. dakong alas-2 ng hapon sa Seminary Road, Project 8, Quezon City, sa tulong na rin ng kuha ng mga CCTV at pakikipagtulungan ng kasamahang security guard ng salarin.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura, nangyari ang insidente ng pamamaril sa biktimang si alyas “Glemor”, 41, ng Ilang-Ilang St. Brgy. Maysan nitong Linggo ng gabi, Abril 7, sa Bypass Road, Brgy. Veinte Reales.
Sa pahayag ng testigong si alyas “Sarmeo” kay P/Cpt Armando Delima, hepe ng Investigation Unit, nagkita sila ng biktima sa lugar para mang “hala” ng lalaki nang dumating ang suspek dakong alas-10 ng gabi na kaagad niyang inalok na makipag-sex subalit hindi umano sila nagkasundo sa presyo.
Ang biktima naman aniya ang kumausap kay Tanieca at bahagya silang lumayo habang nag-uusap pero ilang minuto lang ay binaril na ng suspek ang kanyang kasama bago tumakas, tangay ang bisikleta at cellphone ng nasawi.
Isinugod naman ang biktima sa Valenzuela Medical Center subalit, idineklara siyang dead-on-arrival.
Positibong kinilala ni Sarmeo ang suspek habang nabawi rin ng pulisya sa kanya ang tinangay na bisikleta at mobile phone ng biktima na may kabuuang halagang P15,500, pati na ang kalibre .38 revolver na may karga pang apat na bala na ginamit niya sa pamamaril.
Ipiprisinta ng pulisya sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong robbery with homicide na isasampa laban sa kanya. (Richard Mesa)

House-to-house wellness check

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
Nanawagan ang isang mambabatas sa mga mayor sa buong bansa na atasan ang kani-kanilang barangay na magsagawa ng jouse to house visits lalo na sa mga mahihirap na pamilya.
Ayon kay Senior Citizen Party List Rep. Rodolfo Ordanes, para sa kapakanan ng mga buntis, sanggol, bata,  seniors, at PWDs ay nanawagan siya sa mga mayor na maging pro-active sa kanilang aksyon sa nakakapasong init ng panahon.
Sensitibo aniya ang mga sanggol at bata sa matinding init dahil madali silang ma-dehydrate.
Sinabi pa nito na kung ang mga nasa day care at kinder hanggang Grade 6, kapag pumalo na sa 39 degrees ang heat index forecast au mas makabubuting suspendihin na dapat agad ang face-to-face classes isang araw bago ang klase.
Mayroon naman aniyang 2-day heat index forecast ang PAGASA na madaling makita sa kanilang website.

Sa junior high school, senior high school, at college, ipinapayo ng kongresista nahuwag na munang magkaroon ng outdoor activities at gawing indoor muna lahat ng aktibidad at huwag silang ibilad sa araw.

Para naman sa mga sanggol, mga batang wala pa sa edad ng day care, at kanilang mga ina, problematic na ang mga sintomas kapag tumuntong na sa Extreme Caution na 33 to 41 degrees ang heat index.
“Nawa’y magkusa ang na mga Barangay Kapitan na tingnan ang kalagayan nila. O kung hindi man ay dapat ipag-utos ito ng Mayor.Mainam kung magbabahay-bahay ang mga barangay health workers, tanod, at social welfare officers ng munisipyo sa pook ng mga mahihirap. Ang mga nakatira sa barung-barong, yung mga walang kisame ang bahay. Sila ang pinaka-kawawa sa tuwing sobrang init ng panahon,” anang mambabatas.
Bukod sa dapat siguruhin na mayroong tubig na maiinom ang mga mahihirap ay dapat siguruhin din ang fire safety lalo na sa mga kabahayang gawa sa light materials tulad ng kahoy.
ang faulty electrical wiring, defective chargers at batteries, overheating appliances, gas stoves, at charcoal stoves ang kabilang sa mga madalas maging sanhi ng sunog. (Vina de Guzman)

PBBM, tinurn over ang Balanga housing units sa 216 relocated families

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-turn over ng housing units sa 216 informal settler families sa Balanga, Bataan na naapektuhan ng cleanup at relocation operations sa hazard-prone areas.
Ang relocated settlers ay nakatira noon sa kahabaan ng Talisay River.
Ang Balanga City Low-Rise Housing Project ng National Housing Authority (NHA), matatagpuan sa Barangay Tenejero, tampok ang anim na condominium-style buildings.
Ang bawat unit, may sukat na 27 square meters, ay mayroong  dalawang bedrooms, isang kitchen, toilet, bath, at fully operational water at power supplies.
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na ang proyekto ay bahagi ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) program ng gobyerno, naglalayon na tugunan ang anim na milyong housing backlog sa 2028.
“Sa loob ng maraming taon, humarap kayo sa peligrong dala ng pagtira sa tabi ng ilog. Kaya narito tayo upang bigyan ng lunas ang kanilang suliranin,” ayon sa Pangulo sa kanyang naging talumpati.
“Kayo ngayon ay maninirahan sa sariling bahay na ligtas, de-kalidad, at komportable. Ngayon pa lamang po ay binabati ko na ang ating mga benepisyaryo ng congratulation sa pagsisimula ng panibagong yugto ng inyong buhay,” dagdag na wika nito.
Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na nananatiling committed ang gobyerno na magtayo ng mas ligtas, de kalidad at komportableng housing units.
Samantala, plano naman ng NHA na magtayo ng basic facilities sa housing community, gaya ng four-story school building na may 20 silid-aralan, isang multi-purpose building, at isang covered basketball court.
May isang community center building ang naitayo na rin sa loob ng housing project upang matiyak na ang mga benepisaryo ay magkakaroon ng ‘access’ sa mga pangunahing bilihin, educational facilities at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Mayroon itong health center, daycare center, barangay learning hub, mga tanggapan ng homeowners’ association at local government unit housing satellite office. (Daris Jose)

2 drug suspects huli sa P100K droga sa Valenzuela

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT P.1 milyong halaga ng droga ang nasamsam sa dalawang hinihinalang drug personalities matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City.

 

 

Sa kanyang report kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., sinabi ni PMSg Carlos Erasquin Jr na dakong alas-10:15 ng Martes ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Sanchez sa Dump Site, Area 4, Pinalagad, Brgy., Malinta laban kay alyas “Glenn”, 32 ng Brgy. Marulas.

 

 

Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka pinosasan ang suspek.

 

 

Nakumpiska sa suspek ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000 at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 7-pirasong P1,000 at dalawang P500 boodle money.

 

 

Nauna rito, bandang alas-2:25 ng Martes ng madaling araw nang maaresto naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa kahabaan ng Gen T. De Leon Rd., Brgy. Gen. T. De Leon, si alyas “Ponching”, 21, construction worker.

 

 

Ani PMSg Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, isang gramo ng marijuana na nasa P120 ang halaga at buy bust money na isang P500, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money at P200 recovered money.

 

 

Pinuri naman ni NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas ang Valenzuela police sa kanilang pagsisikap para tugisin ang mga taong sangkot sa pagpapakalat ng droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Walang banta sa buhay ni Teves-PBBM

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
MULING inulit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang banta sa buhay ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., itinuturong utak umano sa masaker sa Negros Oriental noong Marso 2023 na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang gobernador na si Roel Degamo.
”Same thing. Wala naman kami… sa lahat ng mga sinasabi ni Arnie Teves, takot siya sa buhay niya, wala kaming report na ganoon. Walang nagbabanta sa buhay niya,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa ulat, sinasabing dinakip si Teves sa Dili East Timor habang naglalaro ng golf.
Kasalukuyan ngayong nasa kustodiya ng Timorese police si Teves.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga awtoridad ng East Timor para maibalik sa bansa si Teves.
Matatandaang, Marso 2023 nang salakayin ng mga armadong lalaki ang tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental, at pinagbabarilin ang mga tao na nandoon pati na ang gobernador.
Nasawi si Degamo at siyam na iba, habang marami pa ang nasugatan.
May kinakaharap ding kaso si Teves sa hiwalay na pagpatay sa tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019.
Nang mangyari ang masaker, nasa labas ng bansa si Teves at hindi na umuwi ng bansa. Hanggang sa matukoy na nasa East Timor siya at humihiling ng asylum.
Noong Agosto 2023, idineklara si Teves na terorista ng Anti-Terrorism Council, kasama ang 11 iba pa.
Pinatalsik din siya ng liderato ng Kamara de Representantes bilang kongresista dahil sa hindi na niya nagagampanan ang kaniyang trabaho bilang mambabatas.
Dati nang itinanggi ni Teves ang mga alegasyon laban sa kaniya. Iginiit din niya na may banta umano sa kaniyang buhay.
Nitong nakaraang Pebrero, inilagay si Teves sa red notice list ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Ang red notice ay kahilingan upang hanapin ang isang tao na may kinakaharap na kaso at arestuhin para maiuwi sa kaniyang bansa.
Ikinatuwa naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo, asawa ng nasawing gobernador, ang pagkakaaresto kay Teves. (Daris Jose)

Lalaki umakyat sa poste ng ilaw sa Navotas

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NABULABOG ang tulog ng mga residente sa isang barangay sa Navotas City nang tatlong oras na mawalan ng supply ng kuryente matapos umakyat sa tuktok ng poste ng kuryente ang isang lalaki, Martes ng madaling araw.

 

 

Napuwersang putulin pansamantala ng Meralco ang supply ng kuryente sa kahabaan ng M. Naval St. Brgy. Sipac Almacen nang umakyat ang suspek na si alyas “Arnold” 39, residente ng Naic, Cavite dakong alas-2:30 ng madaling araw sa posteng kinalalagyan ng mga high tension wire sa tapat mismo ng Navotas City Hall sa M. Naval Street.

 

 

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, unang inireport sa kanila ang pagwawala ng suspek subalit nang respondehan ng kanyang mga tauhan, umakyat ang lalaki sa tuktok ng poste na dahilan upang mapuwersa naman ang Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) na hilingin sa Meralco na putulin muna ang supply ng kuryente upang hindi makompromiso ang pagliligtas nila sa suspek.

 

 

Ilang oras ding hinimok ng rescue team ang suspek na bumaba na ng poste subalit patuloy lang na tumatanggi at hiniling na makausap ang kanyang asawa.

 

 

Dakong alas-5:06 ng umaga nang matagumpay na naibaba ng mga tauhan ng Special Rescue Force (SRF) ng Navotas, Caloocan at Valenzuela ang lalaki sa tulong ng dalawang boom truck na kanilang sinakyan kaya’t ibinalik muli ang supply ng kuryente alas-5:19 ng umaga.

 

 

Inamin ng lalaki na kamakailan ay gumamit siya ng  ilegal na droga at may kinaharap na kasong murder at frustrated murder sa Bataan at Leyte provinces subalit, napawalang-sala na umano ito.

 

 

Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi siya makapaghanapbuhay para buhayin ang kanyang pamilya subalit natuklasan ng pulisya na may kaso pa siyang robbery sa Malabon City.

 

 

Inisyal na kasong alarm and scandal ang isasampa ng pulisya laban sa suspek habang kinakalkal pa ang rekord ng iba pa niyang posibleng kinakaharap na kaso. (Richard Mesa)

Hindi katanggap-tanggap: banta sa mga karapatan sa soberanya, makapipinsala sa mga Pinoy -PBBM

Posted on: April 10th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
“UNACCEPTABLE!”
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasalukuyang banta sa karapatan sa soberanya na makapipinsala sa mga Filipino.
Sa isinagawang paggunita sa Araw ng Kagitingan, nanawagan ang Pangulo sa mga Filipino na huwag payagan ang tinatawag nitong “oppressors in our territory.”
“Some present threats to our sovereign rights have in fact already caused physical harm to our people. Ang mga ito ay hindi katanggap-tanggap, hindi makatwiran o makatarungan,” ang bahagi ng naging talumpati ng Pangulo.
“Tulad nang ipinamalas ng ating mga ninuno, hindi tayo dapat magpasupil at magpaapi lalo na sa loob ng sarili nating bakuran,” dagdag na wika nito.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay bago pa lumipad patungong Washington, D.C. para dumalo sa trilateral summit kasama ang Estados Unidos at Japan.
Layon ng summit na itaas ang “ironclad alliance” sa kabilang ang tatlong bansa sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea bunsod ng agresibong aksyon ng puwersa ng Tsina.
Ang pahayag ng Pangulo ay matapos mapaulat na may apat na crew ng resupply vessel ng bansa ang sugatan kamakailan makaraang bombahin ng tubig ng dalawang China Coast Guard vessels habang nasa rotation and resupply mission patungong BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Dahil dito, tinuligsa ng National Security Council ang huling insidente ng pang-haharass ng China sa lehitimong operasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon sa NSC, 4 na crew ng Unaizah May 4, isa sa dalawang resupply boat na patungo sa BRP Sierra Madre, ang sugatan nang mabasag ang windshield nito sa pambobomba ng water cannon ng 2 barko Chinese Coast Guard.
Ang apat na sugatang crewmen ay nilapatan ng lunas sa Philippine Coast Guard vessel MRRV 4407, na nagtamo din ng pinsala matapos na unang banggain ng CCG vessel 21555.
Dahil sa pinsalang tinamo sa mapanganib na pagkilos
Ayon sa NSC, ang mga patuloy na iligal at iresponsableng aksyon ng China ay nagpapakita na kaduda-duda ang kanilang sinseridad na ayusin sa mapayapang dayalogo sa tensyon sa WPS.
Samantala, ayon sa Punong Ehekutibo ang Fall of Bataan ay tanda ng muling pagkabuhay ng “genuinely independent at sovereign Philippines.”
”82 years on, our nation remains confronted with novel challenges, in varying forms and degrees, but with the same existential impact. Some portend clear and present threats to our sovereign rights, and in fact have already caused physical harm to our people,” ayon sa Pangulo.
Samantala, nanawagan naman ang Chief Executive sa mga Filipino na tularan ang kabayanihan at katatagan ng mga bayani na pinagtanggol ang Bataan noong panahon ng
World War II para mapaglabanan ang kasalukuyang hamon na kinahaharap ng bansa.
Ayon sa Pangulo, ang mga kasalukuyang hamon ay ”no way less grave with offensive forces continuing to threaten the nation outside and within, endangering the country’s hard-fought gains.”
“There are times when our struggles seem too complex or too daunting. Still, these are precisely the moments that we must stand by our cherished freedoms and principles, perform our tasks with utmost dedication and diligence, and fight fiercely for a better life and a brighter future,” aniya pa rin.
(Daris Jose)