IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Irrigation Administration (NIA) na maglagay ng irrigation systems na sasaklaw ang ilang munisipalidad sa Occidental, Mindoro, partikular na sa mga bayan ng San Jose at Magsaysay para palakasin ang agricultural production.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang distribusyon ng iba’t ibang government assistance sa Occidental Mindoro, sinabi nito na tanggap niya ang epekto El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura at nakaaapekto na rin sa pangkabuhayan ng mga magsasaka.
“Kaya’t nandito, kasama rin natin— hindi umakyat sa stage, nandiyan si— ang National Irrigation— ayan, si Eddie Guillen, taga amin po ito pero siya’y nailagay natin sa irrigation at marami po tayong plano,”ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa San Jose Municipal Gym.
“Mayroon po tayong pinaplano na dam na ilalagay para ma-koberan (cover) hanggang San Jose, Magsaysay, at mapatubigan na. Para naman kahit na mahina ang ulan ay mayroon pa tayong makukuhanan ng tubig,” aniya pa rin.
Maliban sa irrigation water mula sa mga dam, winika ng Pangulo na bibigyan ng gobyerno ang mga magsasaka ng solar-powered pumps para sa irigasyon ng mga hard-to-reach upland areas.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng irrigation system sa agricultural production, tinuran din ni Pangulong Marcos na ang kompletong probisyon ng ‘fertilizer, pesticides, farm equipment, at iba pang inputs, optimum output” ay hindi matatamo o mapagtatagumpayan kung walang sapat na suplay ng tubig.
“Kaya’t ‘yun ay babaguhin natin. Dahil alam naman po natin sa ating mga magsasaka, ang puno’t dulo, lalong-lalo na pagka palay ang pinag-uusapan, ang puno’t dulo nitong lahat ay patubig,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, kabilang sa tulong na ipinaabot ng Department of Agriculture (DA) sa naging pagbisita ng Pangulo ay ang P3,000 fuel subsidy sa 393 magsasaka; P5,000 kada isa para sa 1,153 apektadong magsasaka sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance; P5.1 million para sa 193 magsasaka sa ilalim ng El Niño Indemnification Fund; at P77.5 million Survival and Recovery Aid loans.
Samantala, nagpaabot naman ang NIA ng P7.38 milyong halaga ng operasyon at maintenance subsidy sa dalawang irrigators’ associations (IA) at Certificate of condonation and exemption na nagkakahalaga ng P18.48 milyong halaga sa isang asosasyon.
Nagbigay din ang NIA ng 24 units ng solar pump irrigation projects na nagkakahalaga ng P50 milyon sa tatlong IAs; at tatlong communal irrigation projects na nagkakahalaga ng P89.26 milyon para naman sa tatlong IAs (tig-isa ang bawat IA).
Bukod sa NIA, nagbigay din ng iba’t ibang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Administration (TESDA) sa mga benepisaryo ng Occidental Mindoro. (Daris Jose)