”IT’S a free country.”
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang kuhanan ng reaksyon kaugnay sa plano nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalawa nitong mga anak na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Davao City Representative Paolo Duterte na tumakbo sa pagka-senador sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi pa ng Pangulo na pinapayagan ang mga ito (Duterte) na gawin ang mga nais nilang gawin.
Para sa Pangulo, maaga pa para idetermina kung sino talaga ang tatakbo sa nalalapit na midterm elections.
”The only real situation will become clear in October, sa filing,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview.
Tinukoy nito ang paghahain ng certificates of candidacy para sa mga tatakbo sa 2025 elections.
”Then we will see really kung tatakbo ba talaga, sino ba talaga tatakbo, sino, kanino sasama, which parties are involved, which parties are in alliance, doon lang natin makikita sa Oktubre. So all of these announcements, tingnan natin kung matutuloy pagdating sa Oktubre,” aniya pa rin.
Sa ulat, kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na tatlong mga Duterte ang tatakbo sa pagka-senador sa 2025 elections.
Sa ambush interview sa isang event sa Cagayan de Oro – sinabi ni VP Sara na tatakbo para sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang kaniyang mga kapatid na si Davao City Mayor Baste Duterte, at si Davao City 1st District Rep. Pulong Duterte.
Sasabak din umano sa senado si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Maliban pa rito, pinaplano rin daw ni Mayor Baste na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028.
”The Dutertes will be the demolition team that will dismantle the vested political structures built by those who turned their backs on the people’s welfare and interest and who focused on enriching themselves in office and transgressing the constitutional rights of individuals and entities,” ayon naman kay dating spokesperson Salvador Panelo.
Ani Panelo, ang mga taga-suporta ni dating Pangulong Digong ay ‘have been buoyed up and resurrected their dead hopes of having another Duterte presidency.” (Daris Jose)