• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 20th, 2024

PBBM, idineklara ang Hulyo 17 hanggang 23 ng bawat taon bilang National Disability Rights Week

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hulyo 17 hanggang 23 ng bawat taon bilang “National Disability Rights Week.”

 

 

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang hakbang ay bahagi ng pangako ng gobyerno sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD).

 

 

Tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang dalawang-pahinang Proclamation No. 597, nakasaad na ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng National Council on Disability Affairs (NCDA), na pangunahan, makipagtulungan at pangasiwaan ang “National Disability Rights Week.”

 

 

Inatasan din ang NCDA na tukuyin ang mga programa, aktibidad at proyekto para sa nasabing pagdiriwang.

 

 

Ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan at instrumentalities, kabilang na ang government-owned or -controlled corporations, state universities and colleges ay inatasan na gunitain ang National Disability Rights Week.

 

 

Idagdag pa rito, ang lahat ng local government units, non-government organizations, at private sectors ay hinikayat na gunitain ang kahalintulad na event.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay ‘committed’ sa layunin ng UNCRPD “to promote, protect and ensure the full and equal enjoyment of all human rights and fundamental freedoms by all persons with disabilities, and to promote respect for their inherent dignity.”

 

 

Binigyang diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na amyendahan ang Proclamations No. 1870 at 361 na maging consistent sa nilalayon ng UNCPRD at i-promote ang isang rights-based approach sa “National Disability Rights Week.”

 

 

Idineklara ng Proclamation No. 1870 (s. 1979) ang ikatlong linggo ng Hulyo bilang “National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week habang ang Proclamation No. 361 (s. 2000), idineklara ang Hulyo 23 bilang pangwakas o pagtatapos ng ng NDPR Week, paggunita sa kapanganakan ng Sublime Paralytic na si Apolinario Mabini. (Daris Jose)

8-anyos na batang lalaki tinangay ng agos, nahulog sa creek sa Caloocan

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ISANG batang lalaki ang nasawi matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig nang aksidenteng mahulog sa Pag-asa creek habang naliligo sa ulan kasama ang dalawang kaibigan, Lunes ng hapon sa Caloocan City.

 

 

 

Sa ulat ni P/Capt. Joniber Blasco, Acting Commander ng Police Sub-Station 13 kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naliligo sa malakas na buhos ng ulan ang magkakalaro na sina alyas ‘Luis’, 10, alyas ‘Amar’, 13, at biktimang si alyas ‘Jacob’, 8, sa kanilang lugar sa Phase 7-C, Package 7, Lot, 28, Block 51, Brgy. 176, Bagong Silang dakong alas-2:10 ng hapon nang madulas umano ang biktima habang itinutulak nila ang pulang barrier na dahilan upang mahulog ito sa sapa.

 

 

 

Kitang-kita pa umano ng kanyang mga kalaro ang mabilis na pagtangay sa bata ng malakas na agos ng tubig kaya kaagad nila itong ipinaalam sa pamilya ng biktima.

 

 

 

Kumilos naman kaagad sina P/Capt. Blasco at ang Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) upang hanapin ang bata subalit, hanggang sumapit ang gabi ay bigo silang mahanap ang biktima.

 

 

 

Dakong alas-8 na umaga ng Martes nang tuluyang makuha ng mga rescue team ang bangkay ng biktima sa Saog Bridge sa Marilao, Bulacan.

 

 

 

Handa naman umanong tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga gastusin sa burol at pagpapalibing sa batang biktima kasabay ng paalala sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa paglalaro sa mga mapanganib na lugar lalu na kapag malakas ang buhos ng ulan. (Richard Mesa)

2 ‘tulak’ tiklo sa Malabon, Valenzuela drug bust

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SHOOT sa selda ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Valenzuela Cities.

 

 

 

Sa report ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon ang hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas ‘Tokwa’, 37, kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation kontra sa suspek.

 

 

 

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, dakong alas-9:30 ng Martes ng gabi sa Ilang-Ilang Street corner Ilang- Ilang III St., Brgy. Baritan.

 

 

 

Nakumpiska sa suspek ang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value na P34,000.00 at buy bust money.

 

 

 

Sa Valenzuela, nadakip naman ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban sa buy bust operation sa Ka Melanio St. corner Rincon Road, Brgy. Rincon dakong alas-2:45 ng Miyerkules ng madaling araw si alyas ‘Robert’, 53.

 

 

 

Nakuha ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave sa suspek ang nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600.00, buy bust money na isang P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money, 100 rerecovered money at itim na coin purse.

 

 

 

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 1965 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Tsina, ayaw tanggapin ang ‘unilateral’ claim ng Pinas sa UN ukol sa ‘extended continental shelf’

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

AYAW tanggapin ng Tsina ang pagsusumite ng Pilipinas sa United Nations (UN) body ng kahilingan na palawakin ang continental shelf nito sa West Philippine Sea para “explore and exploit” ang mga likas na yaman doon.

 

 

Sa isang press conference, araw ng Lunes, Hunyo 17, sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Lin Jian na hindi lingid sa kaalaman ng Beijing ang nasabing “unilateral submission” at “we are trying to get more information on this.”

 

 

“The Philippines’ unilateral submission on the extent of its undersea shelf in the South China Sea infringes on China’s sovereign rights and jurisdiction, violates international law, including the United Nations Convention on the Law of the Sea, and goes against the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea,”diing pahayag ni Lin.

 

 

Kumbinsido si Lin na hindi iku-kuwalipikado ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf (CLCS) ang unilateral submission dahil sa umiiral na territorial at maritime disputes na kinahaharap ng Pilipinas sa Tsina.

 

 

“Pursuant to the rules of procedure of the UN Commission on the Limits of the Continental Shelf, the Commission will not consider or qualify the submission by the Philippines if it involves delimitation of disputed waters,” ayon kay Lin.

 

 

Nito lamang weekend, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsumite ito ng impormasyon ukol sa extended continental shelf (ECS) sa West Philippine Sea partikular na sa western Palawan region, sa UN body.

 

 

Ang unilateral submission ay base sa karapatan ng bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), iginiit ng DFA, pahintulutan ang Pilipinas “to explore the seabed and subsoil beyond its 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ).”

 

 

“UNCLOS allows a coastal state to extend the outer limits of its continental shelf to a maximum of 350 nautical miles from the baseline of its territorial sea, and grants states sovereign rights over natural resources found on or beneath the shelf,” ayon sa ulat.

 

 

Kabilang na rito ang “minerals, organisms, at nonliving matters” sa seabed o subsoil.

 

 

Kapag pinagkalooban ng sovereign rights ukol sa ECS, ang Pilipinas ay magkakaroon ng exclusive rights para i- explore at 1-exploit ang lugar at hindi papayagan ang ibang bansa na gumawa ng mga bagay na walang pahintulot o permiso mula sa Pilipinas. (Daris Jose)

Pilipinas, dapat igiit ang hustisya at kabayaran sa mga nasugatang Pilipinong marino

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DAPAT igiit ng Pilipinas ang hustisya at kabayaran sa mga nasugatang Pilipinong marino at nasira nilang barko dala sa ginawang pagbangga ng Chinese coast guard sa naturang navy ship sa may West Philippine Sea.

 

 

 

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang nasabing lugar ay bahagi ng maritime zone na tinukoy ng Permanent Court of Arbitration na sa Pilipinas noong 2016.

 

 

 

Iginiit pa ng mambabatas na dapat din hinggin ng Pilipinas ang pagkakalinlan ng mga umatakeng Chinese coast guard.

 

 

 

Sinabi pa nito na ang sasakyang pandagat ng gobyerno ay extension ng Philippine territory at sovereignty kung kaya ang natamong sugat at damages ng Filipino naval personnel at seacraft ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Piliipinas.

 

 

 

“The criminal acts of the Chinese coastguards also constituted a violation of the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” pagtatapos ni Lagman. (Vina de Guzman)

Repasuhin ang Philippines-Japan Economic Agreement (PJEPA), apela ni Speaker Romualdez

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

UMAPELA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na repasuhin ang Philippines-Japan Economic Agreement (PJEPA) upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maaalis, ang taripa na ipinapataw sa produktong agrikultural ng Pilipinas na ibinebenta sa Japan.

 

 

Ginawa ng lider ng Kamara ang apela sa kanyang pakikipagpulong sa mga mambabatas ng Japan na bahagi ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society (PJPFS), na pinangunahan ni Chairman Hiroshi Moriyama, isang miyembro ng House of Councilors, National Diet, na isinagawa sa parliamentary building ng Japan noong Martes ng hapon.

 

 

Umaasa si Romualdez na ang gagawing pagrepaso ay magpapaganda sa termino ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas, partikular ang saging.

 

 

Sinabi ni Romualdez na bumaba ang market share ng saging ng Pilipinas sa Japan, mula 80 porsyento ay bumaba sa 78 porsyento.

 

 

Nais ng Pilipinas na maparami pa ang produktong agrikultural ng bansa na naibebenta sa Japan, na isa sa pinakamalaking importer ng agricultural product sa mundo.

 

 

Ang target ay makapag-export ang Pilipinas sa Japan ng isda at mga tropical fruits gaya ng pinya, avocado, mangga, durian, mangosteen, at okra.

 

 

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Japan sa Pilipinas, na ikalawa sa pinakamalaking trade partner nito bukod pa sa pagiging pangunahing pinanggagalingan ng Official Development Assistance (ODA).

 

 

Ayon pa sa lider ng Kamara nang magsimula ang COVID-19 pandemic ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa ay bumaba ng 12 porsyento.

 

 

Tinanggap naman ni Chairman Moriyama, isang dating agriculture minister, ang kahilingan na repasuhin ang PJEPA.

 

 

Nagpahayag ng pag-aalala si Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, na kasama rin sa pagpupulong, sa malaking pagbaba sa ini-export na saging ng Pilipinas sa Japan sa mga nakalipas na taon.

 

 

Ayon kay Chairman Moriyama ang pagtugon sa mga hamong ito ay posibleng mas maging competitive ang saging ng Pilipinas sa merkado ng Japan.

 

 

Bagama’t ang Pilipinas at Japan ay bahagi ng Regional Comprehensive Economic Partnership, ang PJEPA ay nakikita na mas epektibong plataporma upang tugunan ang naturang isyung pangkalakalan.

 

 

Ang panawagan ni Speaker Romualdez na repasuhin ang PJEPA sa pagbisita nito sa Tokyo ay isa umanong pagpapakita ng seryosong suporta nito upang mapalago ang lokal na sektor ng agrikultura at mapalakas ang pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa Japan.

 

 

Kumpiyansa ang lider ng Kamara na magiging paborable sa Pilipinas ang magiging tugon ng Japan lalo at “all-time high” ang bilateral relasyon ng mga ito ngayon matapos ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, Japan, at Amerika noong Abril.

 

 

Si Chairman Moriyama ay sinamahan ng iba pang miyembro ng Japan Parliament kabilang sina Vice Chairman Shinsuke Okuno, Director General Hirofumi Ryu, Secretary General Taku Otsuka, Deputy Secretary General Yamato Aoyama, at Executive Directors Kuniko Inoguchi, Rui Matsukawa, Kaname Tajima, Hideki Miyauchi, at iba pa.

 

 

Bahagi naman ng delegasyon ng Pilipinas sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at iba pang opisyal ng Kamara. (Vina de Guzman)

MMDA nagbabala sa bagong ‘text scam’ sa traffic violation

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista kaugnay ng text message na nagpapayo sa kanila na magbayad ng multa gamit ang isang link.

 

 

 

“MMDA NCAP Office notice: Your traffic violation penalty bill is 3 days past due. Failure to pay will result in an fail vehicle registration,”ang nilalaman ng nakalap na text message mula sa sender na CASHPROM.

 

 

 

Payo ng MMDA sa pubiko, huwag mag-click ng anumang ipinadadalang link sa text message dahil isa itong scam, maging mapagmatyag at huwag ding magbigay ng mga personal at sensitibong impormasyon.

 

 

Maaaring direktang makipag-ugnayan ang mga motorista sa MMDA para iberipika ang anumang mensahe sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Hotline 136.

 

 

 

Maaari rin umano silang magpadala ng mga mensahe sa pamamagitan ng email sa digitalmedia@mmda.gov.ph, o sa pamamagitan ng social media accounts ng ahensya sa Facebook (@MMDAPH) at X (@MMDA), o tingnan ang opisyal na website nito sa mmda.gov.ph.

 

 

Matatandaang noong nakalipas na buwan lamang nang magpalabas din ng babala ang MMDA hinggil sa “No Touch Arrest Penalty” scam na batay naman sa mensaheng ipinadadala sa publiko ng mga scammers na –“MMDA No-Touch Arrest Pe­nalty Notice: Please go to go-ph.tw to pay the penalty after you have been notified that failure to pay will void your vehicle register.”

 

 

Iginiit ng MMDA na wala silang polisiya na magpadala ng text messages kaugnay sa traffic violation.

Delegasyon ni Speaker Romualdez nakasungkit ng pangako sa Japan na pararamihin mga empleyadong Pinoy

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAKASUNGKIT ng pangako ang congressional delegation ng Pilipinas na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez mula sa mga opisyal ng Japanese parliament na kukuha ang Japan ng dagdag na mga Pilipinong manggagawa sa mga kritikal na sektor gaya ng elderly care.

 

 

 

Ang pangako ay nakuha sa isinagawang high-level discussions kasama si National Diet of Japan Speaker Fukushiro Nukaga at Vice-Speaker Banri Kaieda na ginanap sa Tokyo parliamentary building nitong Martes.

 

 

 

Sa naturang pagpupulong, kinilala ni Vice-Speaker Kaieda ang mga hamon na kinakaharap ng Japan at ang mahalagang kontribusyon ng mga Pilipino.

 

 

 

Sinabi naman ni Speaker Romualdez ang potensyal na mapalakas pa ang kooperasyon ng dalawang bansa.

 

 

 

“The Philippines has a growing population, so we are more than happy for our people to come and work here after receiving the appropriate training,” ani Speaker Romualdez.

 

 

 

Makatutulong din umano ito upang magkaroon ng bagong kaalaman ang mga Pilipino sa teknolohiyang mayroon ang Japan.

 

 

 

Sa kaparehong pagpupulong, nangako rin si Speaker Nukaga na ipagpapatuloy ang pagtulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Sinabi nito na mayroong 1,400 Japanese company na nag-o-operate sa Pilipinas.

 

 

 

Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa patuloy na pagsuporta ng Japan sa mga Pilipino.

 

 

 

Mayroong mahigit 300,000 Pilipino na nakatira sa Japan kung saan nasa 164,000 ang nasa sektor ng caregiving, agriculture, hospitality, at manufacturing.

 

 

 

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang pagbibigay ng Japan ng suporta sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng official development fund (ODA).

 

 

 

Sinabi pa ni Romualdez na mayroon ding mahalagang kontribusyon sa Pilipinas ang Japan International Cooperation Agency (JICA).

 

 

 

Ang makasaysayang kasunduan umano ng Estados Unidos, Japan, at Pilipinas ay lalo umanong nagpatibay sa samahan ng mga ito, ayon kay Speaker Romualdez.

 

 

 

Bilang tugon, kinilala naman ni Speaker Nukaga ang matibay na relasyon ng Pilipinas at Japan.

 

 

 

Kinilala rin ni Nukaga ang kahalagahan ng mga Pilipino sa Japan lalo na sa Ibaraki Prefecture na kanyang hometown.

 

 

 

Ayon kay Nukaga, na dating chair ng parliamentary group ng JICA at Minister of Finance, ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking nakatatanggap ng ODA ng Japan, sunod sa India at Bangladesh.

 

 

 

Binigyan-diin din ni Nukaga ang kahalagahan ng relasyon ng Pilipinas, Japan, at Estados Unidos.

 

 

 

Binanggit din ni Nukaga ang joint maritime exercise ng Japan, US, Pilipinas at Canada kamakailan na isa umanong patunay ng kooperasyong ito.

 

 

 

Iginiit rin nito ang kahalagahan ng prinsipyo ng seguridad, demokrasya, at pagsunod sa batas.

 

 

 

Kasama sa pulong sina Japan Vice-Speaker Banri Kaieda, Japan House of Representatives International Affairs Department Director General Yamamoto Hironori, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at iba pang opisyal ng Kamara. (Vina de Guzman)

Miyembro ng PCG, inaresto sa pagpapaputok ng baril

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INARESTO ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nakaraang aminin na nagpaputok ng baril habang nag-iinuman sa Sampaloc, Manila Lunes ng madaling araw.

 

 

Kinilala ang suspek na si CG ASN Christopher Busilan, miyembro ng Philippine Coast Guard at residente ng 25th Street, Pier 15, Port Area, Manila. At nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at Illegal Discharge of Firearm.

 

 

Sa salaysay ni Brgy Ex-O  Jhomar Samson ng Brgy 464 Sampaloc, Manila  bandang alas-2:20 kahapon ng madaling araw nang, nakarinig siya ng putok ng baril sa kahabaan ng R.Papa St., Sampaloc, Manila kaya inalam nito at pagdating sa lugar ay nakita  ang grupo  ng mga kalalakihan na nag-iinuman.

 

 

Tinanong ng Brgy Ex-O kung sino ang nagpaputok ng baril gayunman mismong ang suspek ay itinangging may nagpaputok sa lugar pero nagsumbong ang kanilang mga kapitbahay na sa mismong bahay ng suspek ang pinagmulan ng putok at sa bandang huli ay inamin ng suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

 

 

Narekober sa suspek ang isang kalibre ng baril at dalawang bala. GENE ADSUARA

Palakasin ang defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan, siniguro

Posted on: June 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Japanese Speaker Fukushiro Nukaga na lalo pang palalakasin ang defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at pagpapalawig ang trilateral cooperation ng mga ito kasama ang Estados Unidos.

 

 

 

“Our relationship is at an all-time high with the recent signing not just of the trilateral agreement, but of our relationship, of our strategic partnership,” ayon kay Speaker Romualdez.

 

 

 

Kinilala rin ni Speaker Nukaga ang mabuting ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Japan.

 

 

Aniya, ang pagtutulungan ng dalawang bansa ay magpapalakas sa iba’t ibang larangan tulad ng depensa at seguridad.

 

 

 

Sinabi pa ni Nukaga na dalawang ulit na naging pinuno ng Japan Defense Agency, na nauunawaan nito ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng bawat bansa na may parehong pagpapahalaga at nagtataguyod ng demokrasya.

 

 

 

Naniniwala rin ang pinuno ng mga mambabatas ng Japan na ang pangingibabaw ng batas ang dapat na maging batayan ng seguridad at pagtaguyod ng demokrasya, lalo na sa pagpapanatili ng pandaigdigang kaayusan.

 

 

Ang pulong nina Speaker Romualdez at Speaker Nukaga, sa Tokyo parliamentary building noong Martes ay naglalayong matalakay ang mga usaping kapaki-pakinabang sa Pilipinas at mamamayang Pilipino.

 

 

 

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pantay na access sa Philippine agricultural products, suporta sa  infrastructure projects sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA), proteksyon ng overseas Filipino workers (OFWs), pamumuhunan ng mga Hapon sa bansa, at pagtutulungang pangseguridad.

 

 

 

Kasama rin sa pulong sina Japan Vice-Speaker Banri Kaieda, Japan House of Representatives International Affairs Department Director General Yamamoto Hironori, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at ilang pang opisyal ng Kamara.

 

 

 

Sa pulong, binanggit ni Speaker Romualdez ang patuloy na pagpapabuti sa kooperasyon sa depensa at seguridad sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

 

 

 

Aniya, sa pamamagitan ng alyansa ng Pilipinas sa Japan ay patuloy na napapalakas, at nagpatitibay ang kakayahang pandepensa at pangkalahatang seguridad ng Pilipinas.

 

 

 

Ang Japan ay isa sa pangunahing pinagmumulan ng kagamitang pangdepensa at suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas, at may mahalagang papel sa pagpapatatag ng kakayanan ng bansa na harapin ang mga hamon dito.

 

 

 

Ilan sa naging tampok sa kooperasyon ng bansa ang Official Security Assistance (OSA) mula sa Japan. Ito ay nilagdaan noong Nobyembre 3, 2023 sa naging pagbisita ni Prime Minister Kishida sa Pilipinas, ang OSA grants ay nagkakahalaga ng JPY600 milyon, o katumbas ng PHP235.5 milyon.

 

 

 

Kabilang sa tulong na ito ang Coastal Radar Systems, na naghihintay na lamang ng clearance. Inaasahan na ang mga radar system ay magpapahusay sa kakayanan ng Armed Forces of the Philippines.

 

 

 

Noong nakaraang taon, sinimulan ng Pilipinas, Japan at U.S. ang pundasyon para sa higit pang pinahusay na pagtutulungan ng tatlong bansa.

 

 

 

Ang inisyatibang ito ay nagtapos sa inilunsad na Trilateral Summit noong Abril, kung saan pinagtibay ng mga pinuno ng tatlong bansa ang pagtaguyod sa pagpapahalaga sa demokrasya, rule of law, human rights, at gender equality.

 

 

 

Tinalakay din sa summit nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang mga paraan upang palakasin ang kooperasyon lalo na sa mahahalagang usapin.

 

 

 

Kabilang dito ang economic resilience and security, inclusive growth and development, climate change, at maritime cooperation.

 

 

 

Sa nasabing pulong, pinuri ni Speaker Nukaga ang trilateral agreement sa pagitan ng Japan, Estados Unidos at Pilipinas sa pagpapalakas ng seguridad, kaligtasan at katatagan ng rehiyon. (Vina de Guzman)