HALOS bumalik na nga ang normal na sitwasyon matapos magtuluy-tuloy na bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Ano ang nararamdaman ni Smugglaz na buhay na buhay na muli ang industriya ng musika na isa sa tinamaan ng pandemya noong taong 2020?
Aniya, “Sobra po akong nagpapasalamat, sobra akong grateful, kasi ramdam na ramdam ko po iyan, e!
“Kasi nung pandemic yung mga entertainers ang talagang unang pinaka tinamaan, lalo na ang mga trabaho namin sa gabi, pag-entertain sa mga probinsiya, sa mga events, so ramdam ko yun.
“At buti nga nung panahon na yun kasalukuyan akong nasa taping ng ‘Ang Probinsiyano’, at sa pagkakaalam ko sila ang unang-unang nag-taping nung pandemic, sila yung parang gumawa ng protocol ng lock-in na ginaya na ng iba.”
Naging cast member si Smugglaz ng action-serye ni Coco Martin, at ngayon naman ay nasa ‘Batang Quiapo’ siya.
“So nung pandemic lock-in kami, sobrang ibang journey din yun kasi isang buwan kaming magkakasama, dun sinisingit-singit ko naman yung paggawa ng mga kanta, at ang kagandahan naman pag rapper ka kasi salangan mo lang ng beat, camera, kayang-kaya na naming maka-produce ng music.
“Kaya nung panahon ng pandemic ang daming mga online challenges na nauuso, mga rap online na nagpasigla pa din sa hiphop, kumbaga nagkaroon ng buwelo, yung 2 years na pandemic na yun, dahil sa online… gumalaw kami sa online, yung mga vloggers, mga musicians, kumbaga nagkaroon ng panibagong era e.
“Pagkatapos na pagkatapos ng pandemic, nung nabuksan na uli yung mundo para sa mga events, ayan na, may mga bago ng mga artists, may mga bago ng influencers, parang nag-switch talaga siya, para tayong na-reset after ng 2 years na yun.
“Kaya sobra po akong grateful na ngayon pupuwede na, na nakakapagsama-sama na tayo, kasi naabutan ko yan e, yung social distancing, na magpe-perform ka ang layo ng tao, magpe-perform kami sa TV tapos may face shield, sabi ko, ‘Paano yung mic?’
“Nasa ilalim ng face shield,” pagbabalik-tanaw ni Smugglaz noong kasagsagan ng pandemya.
Pagpapatuloy niya, “Sobrang ang ginhawa na ngayon. Alam mo yung para kang hindi makahinga noon tapos bigla kang nakakuha ng hangin, so talagang sinusulit po namin ngayon.”
Six years din siyang naging bahagi ng ‘Ang Probinsyano’.
At ngayon nga ay nasa ‘Batang Quiapo’ siya bilang si Kidlat.
Paano nga ba katrabaho si Coco?
“Sa totoo lang po si Coco Martin ay napaka-propesyunal na tao, pero bukod dun na para siyang sundalo talaga kumilos ay napakabait niya din po off-cam.
“Kasama din po namin siya sa mga happenings, sa mga harutan, sa mga kuwentuhan ng mga kung anu-ano lang, mga kuwentuhang kanto, nakikisama din siya diyan, marunong siya.
“Pero ang pinakagusto ko po kay Coco Martin ay pag trabaho talaga is trabaho talaga. Pinaghihiwalay po niya yan, yung may oras tayo para dito, may oras naman sa trabaho.Iyon ang sinasabi niyang parang sundalo si Coco.
“Yes po,” sambit ni Smugglaz, “kasi po talagang si Coco Martin e never nale-late, at pag nandun na kami sa set dapat naka-ready na kami, lalo na nung mga scenes namin na nagpulis kami. “Kasi sobrang ang daming abubot, kailangan may baril kami, kailangan kumpleto yung uniform ng pulis, dahil nire-represent namin ang PNP.
“Bawal ang sloppy-sloppy na pagsusuot, so talagang check, check, check, talagang ganun kami, snappy po talaga.
“Talagang na-i-apply din namin siya, yung character namin, kung paano kami nakikipagtrabaho kay Coco Martin, kasi talagang nakita namin isinapuso niya yung pagiging pulis nun e, naging sundalo kami, naging Presidential Task Force kami dun sa Ang Probinsiyano, talagang niyakap namin yung role nun.”
May bagong kanta na ni-release ang rapper/TV actor, ito ay may pamagat na “Piging”.
Tinanong namin si Smugglaz kung ano inspirasyon sa kanta niyang ito at kung paano ito siya nabuo.
Lahad niya, “Unang-una po siyempre ang aking birthday, dahil kaarawan ko din po noong July 21, itong kantang po ito ay bukod po sa birthday ko, ginawa ko ‘tong kantang ito na parang gusto kong maging soundtrack siya, sa buhay din ng ibang tao.
“Kumbaga soundtrack nila pag nandun na din sila, at pasasalamat dahil sa dami ng nangyayari nandito pa din sila, still standing.
“Sa paglipas ng panahon maraming nagbabago, mga changes, may mga kasamahan tayo na nawawala, may mga pumapalit, but still nandito pa din tayo.
“Ayun, kaya para sa akin itong kantang ‘to is just a celebration of life, ng journey po, ng success, ganun po.”
Bukod sa “Piging” ay si Smugglaz ang kumanta ng mga hit songs na “Pilosopo”, “Samin”, “ThePakyuSong”, “Bat Maangas Ka” at marami pang iba, at nakasama rin siya sa sikat na kanta ni Vice Ganda na “Karakaraka.”
(ROMMEL L. GONZALES)